TALUMPATI NI PANGULONG JOSE LAUREL
Pamagat:
Talumpating binigkas ng Kanyang Kadakilaan, Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa Bulwagang Panlipunan ng Malakanyang sa mga Manunulat sa Tagalog
May Akda: Jose P. Laurel
Taon ng Pagkalathala: 1944
Buod:
Isinasaad sa talumpating ito kung papaano hinihikayat ng pangulo ang sambayanang Pilipino upang magkaisa nang sa gayo’y magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang wika o Wikang Pambansa.
Isinaad rin sa talumpati na hindi pa ganap na malaya ang ating bansa sa mga panahong ito sapagkat ginagamit pa rin ng mga Pilipino ang mga wikang banyaga higit pa sa wikang Tagalog. Kung papaanong mas bihasa ang karamihan sa wikang hiram, mas minamahal ng karamihan ang mga wikang banyaga sa pag-iisip na mas ikahuhusay nila ito subalit ito’y isang malaking pagkakamali. Upang maging tunay ang Kalayaan ng mga P ilipino, ang mga kailangan ay “Isang Pamahalaan, isang Bandila, isang Puso, isang Kaluluwa at isang Wika.” Kailangang may isang bandilang hawak tayo sa ating mga kamay; kailangang ang mga Pilipino ay magkaroon ng isang puso at isang kaluluwa upa ng mabigkis ang mga damdamin at huwag magkawatak-watak; umaasa ang pangulo na walang Pilipinong hindi nagmamahal sa Pilipinas at walang hindi nagmamahal sa kapuwa Pilipino, kaya nga’t ang nilalayon ng Pamahalaan ay ang kagalingan ng bansa at ang pagkakabigkis ng mga mamamayan sa isang wika lamang, sapagka’t dapat malaman na sa pagsasalita, hanggang sa pagdakila at pagdaing sa pananampalataya ay lalong malapit ang bawat Pilipino sa Panginoong Diyos kung ang salitang gagamitin ay sariling wika natin, sapagka’t iyang wikang iyan ang sinuso sa ating mga ina at iyan ang wika na sa Kapangyarihan ni Bathala ay siyang tanging dapat nating gamitin.
Sa huli’y lubos na nagpapasamat ang pangulo sa pagdalo ng mga Pilipino at umaasa siyang magkakaisa ang lahat upang maitaguyod ang iisang wikang kikilalanin ng buong bansang Pilipinas.
Teoryang Nakapaloob:
HISTORIKAL- Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan ang bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo.
“Gayon man, kailangang aminin natin na ang dahilan ay sapagka’t naging kapalaran ng ating bayan na masakop ng mga taong-dayuhan, na, sa pagparito nila, ay iginiit, hindi lamang ang pagtuturo ng kanilang mga kaugalian at mga gawiin, kundi, higit sa lahat, ng sarili nilang wika.”
PALIWANAG: Inilahad sa talumpati ang kasaysayan ng Pilipinas sa maikling paraan ang pagsakop ng ibang bansa. Kung ano-ano ang pamamaraan ng mga ito upang matutuhan ng mga Pilipino ang maraming bagay lalong-lalo na ang kanilang wika.
Dekonstruksyon- Sa pananaw na ito, ang kahulugan ng isang teksto ay nasa kamalayan ng gumagamit ng teksto at hindi sa teksto mismo. Habang isinusulat ang teksto, ang kahulugan nito’y nasa kamalayan ng manunulat ngunit oras na nasa kamay na ito ng mambabasa, ang kahulugan ng teksto ay masa mambabasa na.
Ibig sabihin, nasa tao ang interpretasyon sa nilalaman ng teksto. Malaya ang bawat mambabasa na magbigay ng pagpapakahulugan sa talumpati. Sinasang-ayunan ko ang kabuuang mensahe ng talumpati at binuhay nito ang nasyonalismo sa aking puso.
Paksang Diwa:
Tinalakay sa talumpati kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng sariling wika upang ganap na makamtan ang kalayaan.
Inilarawan rin kung gaano kahalaga na makilahok ang bawat isa sa gawain ng pamahalaan at huwag lamang umasa sa gagawing hakbang ng nanunungkulan.
Istilo at Pagkamasining:
Mahusay ang atake ng talumpati. Tinataglay nito ang karaniwang daloy ng ganitong uri ng panitikan. Gayunpaman, magaling ang paglalarawan ng mananalumpati sa usapin. Mahusay sa panghihikayat at naiparating nito ang mensahe sa napakahusay na paraan.
Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
Kahalagahang Sosyal at Pangkabuhayan
Walang mahirap o mayaman, walang may-kapangyarihan o normal na mamamayan kung ang mithiin ng pamahalaan ay para sa ikabubuti ng ating bayan.
Kulturang Filipino
Pagtangkilik sa Banyaga at ‘Di Pagmamahal sa Sariling Bansa- Ito’y isang kaugalian ng karamihan sa mga Pinoy. Mas pinahahalagahan at mas niyayakap ang kultura, produkto at wikang banyaga kaysa linangin ang mga sariling atin.
Bayanihan- Hindi ito maikakaila. Marami mang tumatangkilik sa banyaga, mas marami pa rin ang may pakialam sa saring bansa. Pagpapakita ng pagkakaisa upang makamit ang pinakamimithi ng pamahalaan sa bansang Pilipinas.
Simbolismong Filipino
WIKANG PAMBANSA- Simbolo ng tunay na kalayaan ng isang bansa, ang bumibigkis sa sambayanang Pilipino.
Kahalagahang Pangkatauhan
“...Sapagka’t ang Kalayaan ay lalong magiging marangal at dakila kung ang isang bayang malaya ay walang sinasalita kundi ang kanyang sariling wika, at hindi wikang hiram.”
Hindi ganap na malaya ang isang bansa kung karamihan sa mamamayan nito ay patuloy sa paggamit ng isang bagay na hindi naman nila pagmamay-ari. Mahalin ang sariling atin higit sa iba.
“...Sapagka’t mga Pilipino lamang ang tunay na makapagmamahal sa kanilang tinubuan at sapagka’t walang sinumang dayuhan na makapagsasabi na mamahilin pa nila ang Pilipinas nang higit sa pagmamahal ng mga Pilipino.”
- Wala nang may mas kakayahan pang mag-alaga, magpayabong, magmahal sa isang bagay kundi ang tunay na nagmamay-ari nito. Ganoon rin sa ating bansa, wala nang mas may kakayahan upang ingatan at linangin ang bansa kundi tayong mga Pilipino kung kaya’t huwag nating iasa sa mga dayuhan ang ating kalagayan dahil tayo dapat ang gumawa ng hakbang para sa ikabubuti ng ating bayang sinilangan.
“Ako’y umaasa na walang Pilipinong hindi nagmamahal sa Pilipinas at walang hindi nagmamahal sa kapuwa Pilipino…”
-Buhayin natin sa ating mga puso ang nasyonalismo. Walang anak ang hindi nagmamahal sa sariling mga magulang at kapatid, ganoon rin, ikintal natin sa ating isipan na taos-puso nating mahalin ang ating bayan, maging ang bawat Pilipino sa bawat sulok ng atin bansa. Walang sinuman ang dapat mamuhi sa sarili nitong dugo’t laman.
“...Sapagka’t dapat malaman na sa pagsasalita, hanggang sa pagdakila at pagdaing sa pananampalataya ay lalong malapit tayo sa Panginoong Diyos kung ang salitang gagamitin ay sariling wika natin, sapagka’t iyang wikang iyan ang ating sinuso sa ating mga ina at iyan ang wika na sa Kapangyarihan ni Bathala ay siyang tanging dapat nating gamitin.”
- Tunay na walang wika sa pananampalataya. Subalit, ang lahat ng dapat ipinagkaloob ng Diyos sa atin ay dapat nating pagyamanin. Mas tunay na nasasambit ng ating puso’t bibig ang mga bagay kung ang wika na ating gagamitin ay likas na pagmamay-ari natin. Mas natural at malaya ang bawat isa na ilahad nang walang pag-aalinlangan.
“...Kung magkasabay-sabay tayo sa pagbuhat, mabigat man sakali ay sapilitang makakaya ng mga Pilipino.”
Walang hindi makakaya, walang imposible kung ang bawat isa ay magtutulungan.
Paraan ng Pagkakasulat
Mahusay na nailahad ng manunulat ang mensahing nais niyang iparating. May kahabaan ang nilalaman ng talumpati subalit sa husay ng pagkakabuo nito ay nakakabitin. Bilang lamang ang ginamit na tayutay sa talumpati subalit ang bawat pangungusap ay makahulugan. Piling-pili ang mga salita, napakahusay ng pagkakaayos at pagbato ng mensahe.
Pangkalahatang Puna at Mungkahi
Sa kabuuan, napakahusay. Bagama’t ang usapin ay tungkol sa pagpapatatag ng wikang pambansa noon, nadama kong ang bawat pangungusap sa talumpati ay para sa akin rin. Binuhay muli ng akda ang aking pagiging nasyonalismo.
Ang tanging maimumungkahi ko lamang ay sana’y naging maikli ang pambungad nito. Sapagkat kung mapapansin ay halos kalahati ang bahaging iyon. At sana’y mas pumili nang mga salitang mas makapagpapasidhi ng damdamin sapagkat paulit-ulit ang mga ilang salita.
Comments
Post a Comment