PAALAM SA PAGKABABATA- PAGSUSURI

 

  1. Pamagat ng Maikling Kuwento: 

PAALAM SA PAGKABATA

(Maikling Kuwentong Hiligaynon) 

  1. May Akda: 

Orihinal na akda ni Santiago Pepito sa Wikang Hiligaynon; 

Salin ni Nazareno D. Bas sa Wikang Filipino

  1. Taon ng Pagkalathala: !983

  2. Buod:

         Nagsimula ang kwento sa labis na kalungkutan at pagtataka ni Celso sa likod ng madalas na paghikbi at pagkatulala ni Isidra, ang kanyang ina, sa likod ng palagiang pag-aaway ng kanyang mga magulang ukol sa isang matagal ng pangyayari, sa likod ng hindi pagpapadama ng pagmamahal ng kanyang ama na si Tomas sa kanya at ang misteryo sa likod ng lambat sa kanilang sampayan. 


          Isang araw habang hinihintay ni Celso ang kanyang ama sa dalamapasigan mula sa pangingisda ay nakarinig ito ng tugtog ng gqitara mula sa bahay-pawid na mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang ama ang pagpunta niya roon. Subalit dahil sa ganda ng musika na tila baga inihila siya ng sariling niyang mga paa patungo roon. Doon niya nakaharap ang isang lalaki na kung saan hawig na hawig niya. Niyapos siya nito ay sa pagkakataong iyo’y nakaramdam siya ng pagmamahal.  

           

         Subalit hindi niya namalayang nakarating na pala ang mga mangingisda kasama ang ama. Nagmadali itong tumakbo subalit huli na. Galit na galit ang kanyang ama at nakatanggap ito ng isang malakas na sampal. Tumindi ang kanyang pagtataka kung bakit ganoon na lamang ang galit ng ama sa kanyang ginawa. Alam niyang may kahulugan ang lahat. Noo’y muli siyang tumitig sa salamin upang pagmasdan ang kanyang sarili, doon niya napagtanto ang lahat. Sa galit niya ay pinagtataga niya ang misteryosong lambat sa kanilang sampayan. Sa galit ng kanyang ama dahil sa kanyang ginawa ay sinuntok siya nito, tinadyakan, sinabunutan at iningudngod siya sa lupa. Nagising na lamang siya mula sa pagkakawala ng kanyang malay dahil sa mainit na yapos ng ama na puno ng pagsisisi at pag-unawa.               


  1. Mga Tauhan

  1. Pangunahing Tauhan

  1. Celso- ang nagsasalaysay sa kwento; batang nagnanais lamang ng mga kasagutan sa kanyang mga katanungan tungkol sa kanyang pagkatao.

  2. Isidra- ina ni Celso; martir; inang pilit kumakawala sa bangungot ng kahapon.

  3. Tomas- ang tumayong ama ni Celso; isang magsasaka; mainitin ang ulo at istrikto; pilit na tinatanggap ang pangyayari sa likod ng pagkatao ng anak.


  1. Pangalawang Tauhan

  1. Ang lalaking nasa bahay-pawid- isang lalaking magpapatindi sa mga katanungang mayroon si Celso.

  1. Pantulong na Tauhan

  1. Mga Mangingisda - mga kasamahan ni Tomas sa pamamalaot

  2. Mga mamimili ng isda


  1. Tagpuan

  1. Bahay- pinagganapan ng halos lahat ng tagpo sa maikling kwento; lugar kung saan nagsimula at nagtapos ang kwento.

  2. Dalampasigan- Kung saan kadalasang hinihintay ni Celso ang ama pagkatapos mamalaot.

  3. Bahay-Pawid- Tagpuan kung saan naganap ang pagtatagpo ng ni Celso at ang sagot sa mga misteryo’t katanungan.


  1. Teoryang Nakapaloob

  1. HUMANISMO- ang pananaw na ito ay nagbibigay halaga sa tao dahil ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng bagay at panginoon ng kanyang kapalaran.


  • Lumapit ako sa salamin sa dingding. Pinagmasdan ko ang aking sarili. Nakita ko sa aking isipan ang mukha ng tao. Unti-unting lumiliwanag ang aking kamalayan. Biglang kumulo ang aking dugo habang iniisip ang nakasampay na lambat. Nagdilim ang aking paningin. Nadama ko  ininahanap ko ng katarungan ang aking kalagayan.”- CELSO

PALIWANAG: Sa siping ito, ipakita ni Celso, bagama’t bata pa lamang siya, ay may karapatan siyang malaman ang katotohanan tungkol sa kanyang pagkatao. May kakayahan ang bawat isa na alamin ang mga kasagutang bumabagabag sa kanya. At may karapatan din si Celso na makadama ng poot at galit sa natuklasan nitong katotohanan sapagkat ipinagkait ito sa kanya. Hindi masisisi ng isang tao ang tulad ni Celso lalo’t  mga magulang na niya mismo ang naglihim at nagkait ng mga bagay na sagot sa kanyang mga katanungan.



  1. REALISMO- Ang pananalig na ito’y naglalarawan ng makatotohanang pangyayari sa buhay. Ang mga tauhan ay nagtataglay ng ordinaryong suliranin sa buhay at ang usapan ng mga tauhan ay parang natural.


  • “Sa kabilang silid, sa kuwarto nina Nanay at Tatay, naririnig ko ang pigil na paghikbi. Umiiyak na naman si Nanay. Ang sunud-sunod na paghikbi ay tila pandagdag sa kalungkutan ng daigdig. Napabuntong-hininga ako.”- CELSO

PALIWANAG: Sa siping ito, mapapansin ang normal na pangyayari sa isang tahanang may suliranin. Sa totoong buhay, kadalasan sa mga ina, hindi ipinapakita ang sakit na dinaramdam sa kanilang mga anak. At kadalasan, ang mga anak ay natatakot na magtanong kung ano ang problema ng ina, walang ibang magawa kundi ang maawa at makaramdam ng kung anong bigat sa damdamin. 


  1. FEMINISMO- Ang pananalig na ito’y nagbibigay-diin sa karanasan, katangian at kakayahan ng mga kababaihan- ang kanilang pananagumpay, pagkabigo’t muling pagbangon.


  • “Hanggang ngayon ba’y hindi ka pa nakalilimot, Tomas? Alam ng Diyos na wala akong kasalanan. Ang kanyang ginawa ay siya mong ginagawa tuwing ikaw ay darating sa madaling-araw. Ang kanyang amoy ay siya ring amoy mo galing sa dagat. Magkatulad ang inyong ikinikilos. Sino ang hindi mag-aakala na siya ay hindi ikaw? Huli na nang malaman ko ang katotohanan. Huli na nang siya ay aking makilala…”- ISIDRA

PALIWANAG: Sa bahaging ito, ipinakita ang kahinaan ng isang babae. Kung paano siya nadala ng maling akala. Kung paano siya napeke ng isang tao. Kung paano siya naniwala sa mga anino. Subalit ipinakita rin niya kung paano siya naniniwalang wala siyang ginawang mali sa kanyang asawa. Patunay na dapat lamang na bigyan ng pagkakataon ang mga kababaihan na magpaliwanag at pakinggan at huwag lamang tumuon sa kanilang karupukan.


  1. EKSISTENSYALISMO- Sa pananaw na ito, pinagtutuunan ng pansin ang kalagayan ng tauhan na ang pokus ay nasa pagbuo niya ng paninindigan at kung paano niya tinaggap ang bunga ng kanyang desisyon.


  • “Habang naglalakad ay sinalat ko ang pisnging nakatikim ng sampal. Talagang mahirap intindihin si Tatay. Wala namang dahilan upang iwasan ko ang taong nasa bahay-pawid. Di naman dapat katakutan ang kanyang mukha at boses.”- CELSO

PALIWANAG: Sa pagkakataong ito, ipinakita ni Celso na wala namang mali sa kanyang ginawang paglapit sa lalaking nasa bahay-pawid. Hindi siya nagsisisi sa kanyang ginawa kahit pa nakatikim ito ng sampal sa kanyang ama sapagkat ang pagkukulang ay nasa kanila. Bakit siya pagbabawalan sa isang bagay na hindi naman niya alam ang dahilan?


  1. Paksang-diwa: 

Tinalakay ng akdang ito ang karapatan ng isang batang malaman ang kanyang tunay na pagkatao. Binigyang-pansin rin kung paano niya ito matutuklasan at kung ano ang naging bunga sa pagkakatuklas nito sa katotohanan. 


  1. Istilo at Pagkamasining

Tradisyunal na may halong kaunting flashback ang istilo ng paglalahad ng kwento. Ang maikling kwento ay nagsimula sa isang paglalarawan at misteryo. Kapana-panabik ang daloy ng istorya kung kaya’t walang bahaging maituturing na patay. Naiparamdam ng manunulat ang mga damdaming namayani sa kwento. Napakahusay sa kung paano pinili ng may akda ang mga salita na naglalarawan sa emosyon, tauhan at pangyayari na nagpatindi sa emosyong dapat maramdaman ng isang mambabasa. 



  1. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman

  1. Kahalagahang Sosyal at Pangkabuhayan

Ang mga pangunahing tauhan ay masasabing nasa normal na pamumuhay lamang. Kumakain ng tatlong beses sa isang araw at may maayos na bahay at pananamit. Mangingisda ang ama at nananatili sa bahay ang ina subalit walang paglalarawan na na sila’y isang kahig, isang tuka. 


  1. Kulturang Filipino

  1. Pagpapahalaga sa PAMILYA- Kaugalian ng mga Pilipino na pangalagaan ang kanilang pamilya at katayuan at dangal nito. Sa akda, ipinamalas lamang kung paano pinangalagaan ni Tomas ang kanyang pamilya sa kabila ng katotohanang hindi niya tunay na anak ang kasama niya sa kanilang bubong. Kung paano niya hindi itinakwil ang mag-ina at pilit na tinatanggap ang bangungot ng nakaraaan para lamang masabing buo sila.


  1. Simbolismong Filipino

  1. LAMBAT- Sumisimbolo ito ng pagkakakulong ng pamilya sa nakaraan. Hindi pa rin napapalaya ng pamilya ang sugat ng kahapon.


  1. CELSO- Sumisimbolo siya mga kabataan. Minsan lamang dumaan ang bawat tao sa ganitong yugto. Punong-puno ng tanong at pagtataka na marapat lamang tugunan ng mga magulang ng tamang sagot.  


  1. ISIDRA- Sumisimbolo sa mga taong walang ginawang masama pero pinarurusahan ng masalimuot na nagdaan. Simbolo ng mga kababaihang nanahimik upang hindi masira ang dangal at kapurihan ng kanyang pagkababae at pamilya.


  1. Kahalagahang Pangkatauhan

  • “...Nadama kong inihahanap ko ng katarungan ang aking kalagayan.” - Celso

-Walang sekretong di nabubunyag. At habang patagal nang patagal na inililihim ito sa tao, mas patindi nang patindi ang maaaring maging bunga nito. Marapat na habang bata pa ay unti-unti nang ipaliwanag ang kalagayan nito, hindi upang saktan ito, kundi upang hindi siya mamuhay sa pagtataka. Wala nang mas masakit para sa isang tao na siya mismo ang makatuklas ng isang katotohanan.


  • “...Huli na nang malaman ko ang katotohanan…”- Isidra

  • Laging nasa huli ang pagsisisi. Bago tayo madala ng sariling akala natin ay maiging siguraduhin muna nating mabuti. Madaling manggaya, madaling manloko. Huwag magpapabulag sa mga bagay na hindi natin nakikita. Hindi mo man iyon ginusto subalit ang sugat ay mananatiling sugat kahit maghilom pa.


  • “Walang kasalanan si Celso. Maaawa ka sa kanya”- Isidra

  • Hindi nararapat na ibuhos ang galit at pagsisisi sa taong maituturing na naging bunga ng pagkakamali o maling akala. Lalo pa’t hindi niya alam ang kanyang totoong pagkatao. 


  1. Paraan ng Pagkakasulat

Mahusay ang pagkakasulat ng akda. Kung papaano nagsimula hanggang wakas. Mabisa ang paraan ng manunulat sa pagpapa-ikot sa mga pangyayari. Bagama’t talamak na ang ganitong mga istorya ay humanga pa rin ako sa husay ng manunulat sa pagbibigay ng ibang emosyon at paglalarawan.


  1. Pangkalahatang Puna at Mungkahi

 Sa kabuuan, mahusay ang pagkakalahad ng maikling kwento. Mahusay ang awtor sa aspektong kaya ka niyang paikutin at pag-isipin kung ano ang susunod pang mangyayari. Nakadadala ang sakit sa pamamagitan lamang ng paglalarawan at mga ginamit na salita. 


    Nanghihinayang lamang ako sa bahagi na kung saan dapat ay binigyan muna muli ng pagkakataon na magkita ang tunay na mag-ama. Tila napakabilis lang ng pangyayari at hindi nabigyang-diin ang mga posibleng mahahalagang eksena na mas magbibigay pa sana ng kulay sa akda. 

    


Comments