Ngunit Wala Akong Litrato Noong Nasa Kolehiyo Ako - SANAYSAY

 

  1. Pamagat ng Sanaysay: 

Ngunit Wala Akong Litrato Noong Nasa Kolehiyo Ako


  1. May-Akda: Reuel Aguila

  2. Taon ng Paglathala: 2009

  3. Buod: 

  Hindi tulad ngayon, madali na nating kuhaan ng mga larawan o retrato ang bawat pangyayari sa ating buhay. Hindi tulad noon, tila mayayaman lamang ang may kakayahang mag-may-ari ng kamera. Isang araw, ang manunulat, dahil bakasyon, may nag-uudyok sa kanya para linisin ang kanyang mga files. Doo’y nagsimula siya halungkatin lahat ng kanyang gamit. Doon niya napagtanto na wala siyang larawan noong siya’y nasa kolehiyo kundi ang kanyang ID lamang. 


  Dahil bukod sa mahal ang pagkuha ng larawan noon ay ito rin ang panahon kung saan naganap ang Martial Law. Noo’y kinaiinisan niya ang mga aktibista, ang mga lumalaban sa pamahalaan hanggang sa dumating yung araw na nasaksihan niya gamit ang kanyang dalawang mata ang katotohanan. Nang ipagkait sa bawat mamamayang Pilipino ang kanilang karapatan. Naging isa siyang aktibista. Wala man siyang naitalang larawan sa mga panahong iyon, subalit tandang-tanda niya lahat ng mga pasakit at pagpapahirap sa kaniya at kaniyang mga kasamahan. Walang larawang naitala sa mga oras na iyon kung kaya’t hindi naging kapani-paniwala sa iba kung paano binaboy at nilapastangan ng mga tauhan ng pamahalaan. 


  Noong kolehiyo siya’y wala nga siyang naitalang larawan niya subalit buhay na buhay pa rin ang alaala niya ang bawat pangyayari sa puntong iyon ng buhay niya.


  1. Teoryang Nakapaloob

  1. HISTORIKAL- Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan ang bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo. 

  • “TAPOS, BIGLANG-BIGLA, MARTIAL LAW..”

PALIWANAG: Sa kabuuan ng akda, naglalaman ito ng kanyang karanasan at maging kanyang kasamahan nang ipatupad sa Pilipinas ang Martial Law. Kung paano pinahirapan at pinagkaitan ng mga karapatan ang bawat mamamayan. Kung ano ang kanyang naging karanasan bilang isang mag-aaral na aktibista.


  1. SOSYOLOHIKAL- Ang pananaw na ito ay tumatalakay sa kamalayang panlipunan. Tinitingnan dito ang interaksyon at ugnayang tao sa tao, lipunan na umaayon sa kanyang kapaligiran at iba pang aspektong panlipunan.

  • “Biglang-bigla ay ang mga larawan ng tortyur at salvaging. Mga kaibiga’t kasama ko silang kinoryente sa bayag, pinahiga sa bloke ng yelo, nilagyan ng hose sa ilong, binugbog, plinantsa ang talampakan, nilaslas ang suso, nilamog sa bugbog, ni-rape, pinaslang. Ngunit lahat ‘yan ay walang litrato. Lihim din kung bumanat ang kaaway. Ngunit buhay na larawan ang mga kaibigang nakaligtas.”

PALIWANAG: Paglalarawan sa ilang pangyayari sa Martial Law. Kung paano binaboy ng mga tauhan ng pamahalaang diktador. Kung paano nagkaisa ang mga mamayan upang matapos ang ganitong mga pangyayari. 

  

  1. Paksang Diwa

  1. Tinalakay sa sanaysay ang mga pangyayari sa ilalim ng pamahalaan sa Martial Law. Kung ano-ano ang mga ginawa sa mga aktibista o mga lumalaban sa pamahalaan. 

  2. Inilarawan rin ng may-akda kung paano nabuhay sa kanya ang nasyonalismo. Ang pakikisangkot at pakikilahok sa mga gawaing laban sa buktot na pamahalaan.

  3. Kung paanong ang bakas at sugat ng pangyayaring ito ay mananatiling buhay kahit walang larawang nakuha.


  1. Istilo at Pagkamasining

Kahahangaan ang pamamaraan ng manunulat. Flashback ang ginamit nitong estilo ng paglalahad. Nakaka-aliw kung paano niya sinimulan sa kasalukuyan at kung paano niya ipinasok ang kanyang karanasan sa nakaraan. 


  1. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman

  1. Kahalagahang Sosyal at Pangkabuhayan

Kritikal ang kalagayang sosyal at pangkabuhayan sa akda. Hindi inilarawan kung anong estado mayroon pamumuhay ang may-akda subalit makikita sa mga inilarawang pangyayari na lugmok ang kabuhayan at sosyal na mga mamamayan.


  1. Kulturang Filipino

  1. Mahilig mangolekta mga sentimental na bagay- Binibigyan ng mga Pilipino ng pagpapahalaga ang mga bagay-bagay. Tulad ng mga resibo, ticket, larawan at kung ano-ano pa. 

  2.  Pagmamahal sa Bayan- Muling pinatunayan ng mga Pilipino sa akdang ito kung papaano lumaban ang sambayanan upang pababain sa puwesto si Marcos. 


  1. Simbolismong Filipino

Larawan- Simbolo ito ng alaala na kailanma’y hindi makalilimutan. Larawang papel o larawang-buhay man. Dito nakaukit ang mga mahahalaga, masasaya, masasakit at malulungkot na karanasan ng isang tao.


  1. Kahalagahang Pangkatauhan

  1. Ang mga sugat at pasa ay naghihilom ngunit ang mga sugat sa alaala ay kailanman nananatiling sariwa.”

  • Mananatiling buhay sa bawat mamayang Pilipino ang kanilang narasanan sa ilalim ng Batas Militar. Di matutumbasan ng anumang parangal ang kanilang pagpapakasakit. Ang magagawa lamang natin sa kasalukuyan ay huwag na muling hayaang mangyaring muli ang bangungot sa kasaysayan ng Pilipinas.

  1. “Napakaraming gawain ngunit walang litratong magsisilbing panungkit sa mga alaala. Tanging ang alaala mismo ang siyang maninindigan sa kanyang sarili, bilang mga litratong hindi kinunan, at hindi rin kukupas kailan man.”

-Hindi kailangan ng dokumentaryo sa lahat ng pangyayari sa ating buhay. Sapat na maranasan natin ang mga ito sa ating buhay, malaman ang aral at muling bumangon sa kung ano mang dagok ang dala ng pangyayaring iyon. 


  1. Paraan ng Pagkakasulat

 Di pormal o pamilyar ang uri ng sanaysay na ito. Subalit masining na naipahayag ang karanasan ng may-akda na nagbigay ng pagkakataon upang maranasan rin ng mambabasa. Simple ang mga salitang ginamit upang mas malinaw na maunawaan ng mga mambabasa ang akda. Ganoon rin, kahanga-hanga rin kung paano niya pinasukan ng mga kasalukuyang kalagayan pagdating sa pagkuha ng larawan at pagbibigay ng mas malalim na nilalaman ang pamagat.


  1. Pangkalahatang Puna at Mungkahi

Sa kabuuan, mahusay. Kahanga-hanga. Akala ko’y normal lang na kuwento ng isang tao kung bakit di siya nagkaroon ng retrato sa kolehiyo, subalit kagulat-gulat ang nilalaman nito.  Sana’y mabasa pa ng mas maraming kabataan ang ganitong klase ng akda upang mabuhay sa kanila ang nasyonalismo.


Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL

FREE PROF ED LET REVIEWER