MAGTATAGUMPAY KA RIN- PAGSUSURI

 

  1. Pamagat ng Sanaysay: 

MAGTATAGUMPAY KA RIN

  1. May Akda: Greg Laconsay

  2. Taon ng Paglathala: 1990

  3. Buod:

  Walang saysay ang isip kung hindi ginagamit. Kung nais mong magtagumpay huwag mong ikulong ang iyong sarili sa mga “kasi” o magdahilan para hindi sumubok. Huwag pahintulutan ang sarili na mamuhay sa negatibo. Huwag humanap ng masisisi dahil sa iyong pagkabigo. Huwag ikukumpara ang sarili sa iba. Bagkus humanap ng inspirasyon para mas pag-igihan mo pa. Gamitin ang isip na ipinagkaloob ng Diyos sa atin, ibuhos mo ang iyong kakayahan sa mga bagay na alam mo dahil darating rin ang araw, ang araw na para sa iyo upang maging matagumpay sa lahat ng pinapangarap mo.

 

  1. Teoryang Nakapaloob:

  1. Dekonstruksyon- Ito ang pag-iisa-isa ng mga sinasabi ng may-akda sa teksto. Pagpapakahulugan ito sa mga sinasabi ng teksto batay sa sariling pang-unawa sa lutang na mga kaalaman tungkol sa relasyon ng tao sa kanyang lipunan, kasaysayan ng tao at lipunan ng tao.

  • Isipin mo: Ang isip ay hindi isang sisidlan na kailangang punuin kundi upang papagliyabin.”

PALIWANAG: Dito pinaikot ng manunulat ang buong kabuuan ng sanaysay sa pamamagitan ng pagkukumpara at pagbibigay ng konkretong halimbawa upang mas mabigyang diin ang kanyang sariling saloobin.


  1. Humanismo- ang pananaw na ito ay nagbibigay ng pangunahing halaga sa tao dahil ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng bagay at panginoon ng kanyang kapalaran.


  • “Binigyan ng Diyos ng isip ang tao; ang iba’y tinaggap lamang ito, ang ilan ay ginagamit ito.”

PALIWANAG: Katulad rin ito ng kasabihang nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Walang taong walang isip. Subalit nasa tao rin kung papaano niya gagamit ang isip na ito, kung papaano niya iguguhit ang kanyang landas patungo sa tagumpay na inaasam ng lahat. 

 

  1. Paksang-Diwa:

  1. Tinalakay sa sanaysay ang marapat gawin ng isang tao upang magtagumpay sa kabila ng estado sa buhay, kulay , kapansanan, nakaraan, pisikal na kaanyuan. Binigyang-diin sa sanaysay na walang ibang paraan upang makamit ang tagumpay na inaasam kundi gamitin ang isip. 


  1. Istilo at Pagkamasining:

Tradisyunal ang istilo ng manunulat. Direkta subalit may talinhaga. Mahusay ang pagkakalahad ng ideya at pananaw ng manunulat. Simple subalit malakas ang dating o impact nito sa babasa. Mahusay sa nakapanghihikayat ang paksa at kung papaano ito pinawalawak ng may-akda. Mahusay na naipahayag ng manunulat ang sarili nitong pananaw, kuro-kuro at damdamin sa kanyang sariling estilo o pamamaraan.


  1. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman

  1. Kahalagahang Sosyal at Pangkabuhayan

Walang mahirap o mayaman, walang maganda o pangit, walang matalino o bobo, walang malaki o maliit pagdating sa pagkamit ng mga pangarap at maging matagumpay.


  1. Kulturang Filipino

  1. Madiskarte at Mapamaraan- Likas sa mga Pilipino ang magiging mapamaraan o madiskarte sa buhay. At mas lalong hinihikayat ng manunulat ang mga kabataan sa panahon ngayon na mas gamitin ang isip upang magtagumpay sa napiling larang o landas.

  2. Crab Mentality- Inilarawan rin sa akda ang pananaw na ito. Kung saan, karamihan sa atin ay masyadong nagpapadala sa inggit at kaiinisan ang mga mas umaangat sa atin gayong wala naman tayong ginagawa upang magbago ang kinalalagyan natin. 

  3. One-Day Millionaire- Sa ibinigay na halimbawa na may-akda, “Bigyan mo ng mamiso ang dalawang bata. Ang isa ay ibibili kaagad ng makakain o laruan ang kwarta. Ang isa naman ay bibili ng sago, gagawing palamig at ititinda.” Karamihan sa Pilipino ay ang unang bata. Sa kasalukuyan, hindi na nag-iisip ang mga Pilipino kung papaano nila palalaguhin ang salaping mayroon sila, bagkus agad itong ibibili ng kung ano-ano at pagkatapos ay magsisisi kapag ubos na. At kadalasang bunga nito ay ang pagkabaon sa utang.

  1. Simbolismong Filipino

ISIP- Simbolo ito ng karunungan. Likas sa mga Pilipino ay matalino, karamihan sa mga umaasensong Pinoy ay galing lamang sa hirap at ginamit ang sariling isip at kakayahan upang makarating sa kinaroonan. 


  1. Kahalagahang Pangkatauhan

  1. Sapat nang may isa kang nalalaman… nguni’t doon mo ibubuhos ang iyong kakayahan.”

-Hindi mo kailangang maging pinakamatalino, pinakamagaling o pinakamayaman para magtagumpay. Ang mahalaga ay alam mong gamitin ang iyong sariling kakayahan at kaalaman upang maging matagumpay ka sa tatahakin mong landas.

  1. “Ang bigong tao ay naghahanap lagi ng butas para sa kanyang kabiguan. Sisisihin niya lahat maliban sa kanyang sarili.”

-Huwag tayong panghinaan ng loob kung tayo ay nabigo. Ang kabiguan ay paghahanda lamang para sa ating tagumpay. Huwag tayong humanap ng butas o dahilan upang sisihin. Tanungin mo ang iyong sarili. Magbulay-bulay kung maari. Pagkatapos ay sabak uli. Ang bawat isa ay may nakalaang oras. Gawin mong sandata ang iyong mga natutunan sa iyong pagkakadapa at huwag gawing dahilan ang sugat sa pagkakadapa para manatiling nakadapa ka na lang habambuhay.


  1. “Ang mahalaga ay hindi kung ano ang nasa iyo kundi kung paano mo ginagamit ang nasa iyo.”

- Hindi naman kailangang nasa iyo lahat. Nasa iyo nga, di mo naman alam gamitin. Ang mahalaga ay kung paano mo mas lalong nililinang, hinuhubog ang bawat bagay na mayroon ka, sa paraang iyon, mas lalong nabibigyang halaga ang mga ito. Huwag mong hayaang makalawang at mabulok ang mga bagay na alam mong mayroon ka, mga bagay na alam at kaya mong gawin. Iyan ay biyaya ng Diyos kung kaya’t dapat lamang na marangal nating ipagmalaki.


  1. Paraan ng Pagkakasulat

 Ang sanaysay na ito ay di-pormal o pamilyar. Ang pananalita ay parang usapan lamang ng magkakaibigan kaya magaan, madaling maintindihan at palagay na palagay ang loob ng may-akda. Mahusay ang pagkakasunod-sunod, mula sa konsepto hanggang sa pagbibigay ng halimbawa. 



  1. Pangkalahatang Puna at Mungkahi

Napakahusay ng manunulat. Mula sa umpisa hanggang sa dulo ng akdang ito’y may kapupulutang aral, mai-uugnay mo ang iyong sarili sa bawat parte ng sanaysay. Napakanatural ng pagpapaliwanag o pagpapahayag ng may akda. Sana ay mas nagbigay pa ng mga kilalang Pilipino na matagumpay dahil sa kanilang natatanging pagsisikap at mapamaraan. 

  


Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL

FREE PROF ED LET REVIEWER