ANG NAWAWALANG KUWINTAS - PABULA

 

  1. Pamagat: 

ANG NAWAWALANG KUWINTAS

(Pabula Mula sa Negros Oriental) 


II. May Akda: Walang impormasyon ukol dito

III. Taon ng Pagkalathala: Walang impormasyon ukol dito

IV. Buod:

  Noong unang panahon, ang inahin at ang uwak ay malapit na magkaibigan. Isang araw, ang uwak ay masayang-masaya dahil nakabili siya ng isang napakagandang kuwintas. Isang araw, dumalaw ito sa kaibigan niyang si Inahin. Nakaita ng Inahin ang kuwintas nito at agad nagtanong kung maaari niya itong mahiram at nangakong ibabalik agad kinabukasan. Nagdadalawang-isip ang uwak subalit dahil kaibigan niya ito, pinagbigyan niya ang inahin subalit kukunin niya agad kinabukasn upang gamitin sa kasiyahang dadaluhan niya. 

      Pagkatapos ay agad na naglakad-lakad ang Inahin kasama ng kanyang mga sisiw. Labis siyang hinangaan ng mga hayop dahil sa angking ganda ng kuwintas na suot-suot niya. Kinabukasan, muling bumalik ang uwak upang kunin ang kuwintas sa Inahin na abalang-abala sa pagkahig sa lupa kasama ang mga sisiw subalit sinabi nitong nawawala niya ang kuwintas na agad na ikinagalit ng uwak. Dahil walang maibayad ang Inahin sa uwak nagkaroon sila ng kasunduan na habang hindi pa nahahanap ang kuwintas o wala pa itong maibabayad, kukuha ng sisiw ang uwak sa bawat araw. At hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin sa pagkahig ang Inahin at patuloy sa pagkuha ng sisiw ang uwak. 





V. Mga Tauhan

  1. Pangunahing Tauhan

  1. Inahin- kaibigan ng uwak; humiram ng kwintas subalit kanya itong nawala.

  2. Uwak- Kaibigan ng Inahin; nagpahiram ng kwintas sa Inahin

  1. Pangalawang Tauhan

  1. Mga sisiw- mga anak ng Inahin

  1. Pantulong na Tauhan

  1. Iba pang mga hayop- Humanga sa ganda ng kuwintas na suot-suot ng inahin.

VI. Tagpuan

   Halamanan- Lugar kung saan kadalasang nagkikita ang magkaibigang Inahin at Uwak. Dito rin hiniram ng inahin ang kuwintas ng Uwak.


VII. Teoryang Nakapaloob

`1.   Eksistensyalismo- Sa pananaw na ito, pinagtutuunan ng pansin ang kalagayan ng tauhan na ang pokus ay nasa pagbuo niya ng paninindigan at kung paano niya tinaggap ang bunga ng kanyang desisyon.

  •  “Labis na pinagsisisihan ng inahin ang panghihiram ng kuwintas sa uwak at ang hindi niya pag-iingat sa hiniram.”

PALIWANAG: Ipinakita kung paano pinanindigan ng inahin ang kondisyon ng kanyang kapabayaan kapalit man nito ang buhay ng kanyang mga sisiw.   

     

 2. FEMINISMO- Ang pananalig na ito’y nagbibigay-diin sa karanasan, katangian at kakayahan ng mga kababaihan- ang kanilang pananagumpay, pagkabigo’t muling pagbangon.

  • “Uy, napakaganda ng kuwintas mo kaibigang Uwak. Matagal ko nang gustong makapagsuot ng ganyan pero hindi ako makabili. Pwede ko bang hiramin muna ang kuwintas mo. Ibabalik ko rin agad bukas.”- Inahin

PALIWANAG: Sa bahaging ito, ipinakita ng tauhan ang kahinaan ng isang babae. Madaling maakit ang mga kababaihan lalong-lalo na sa mga materyal na bagay. Minsa’y nagiging diyos na nila ang mga ito kung kaya’t gagawa sila ng paraan upang masubukang magkaroon ng ganoong bagay.


VII. Paksang Diwa

  1. Tinalakay sa pabula ang magiging mainggitin. Ganoon rin ang di pagbibigay ng pagpapahalaga o pag-iingat sa mga bagay na hiram lamang o mga bagay na ipinagkatiwala.


VIII. Istilo at Pagkamasining

      Tradisyunal ang ginamit na estilo ng may-akda. Nagsimula sa paglalarawan ng mga tauhan, unti-unting pagpasok ng suliranin at kung paano nagwakas ang pabula. Mahusay sa pamamaraang naiguguhit sa imahinasyon ng mambabasa ang mga tagpo gamit lamang ang mga payak na paglalarawan sa mga ito. 





IX. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman

  1. Kahalagahang Sosyal at Pangkabuhayan

  Masasabi nating ang inahin at ang kanyang mga sisiw ay nasa mababang uri ng lipunan at ang uwak ay nasa itaas. Pagpapakita na may posibilidad pa ring magkaroon ng pagkakaibigan ang mga taong magkaiba ang estado ng buhay. 


  1. Kulturang Filipino

  1. Pagiging Sigurista- Tulad ni Uwak, isang mayamang hayop, napakasigurista katulad ng karamihan sa mga Pilipino lalo na kung pinag-uusapan ay ang mga mamahalin o mahahalagang bagay na pagmamay-ari ng mga ito.

  2. Madaling masilaw sa mga materyal na bagay- Hindi natin maipagkakaila na karamihan sa atin ay madaling masilaw sa mga materyal na bagay tulad ng Inahin. Dahil sa kagustuhan nating magkaroon ng mga iyon nagagawa nating manghiram.


  1. Simbolismong Filipino

  1. INAHIN- Sinisimbolo ng mga taong mahilig humiram subalit di marunong ingatan ang mga bagay na hiniram. Simbolo rin ng pagiging inggit subalit hiniram pa rin niya ang kuwintas kahit wala naman itong mahalagang lakad kundi upang hangaan siya ng ilang mga hayop. Simbolo ng hindi pagiging kuntento.

  2. Mamahaling Kuwintas- Simbolo ng mga materyal na bagay sa mundo na inaasam-asam ng mga tao. Simbolo rin ito ng karangyaan. 

  3. Uwak- Simbolo ng kaibigang ipinagkatiwala ang mahalagang kaibigan subalit binigo. 


  1. Kahalagahang Pangkatauhan

  1. Matutong makuntento sa mga bagay na mayroon ka. Huwag mabulag sa ningning ng isang bagay upang hangaan lamang ng ilang tao. Tulad ng Inahin, dahil lamang sa nais niyang makasuot ng ganoong kuwintas ay isa-isang nawawala ang bagay na mas mahalaga pa- ang kanyang mga anak.

  2. Ingatan at pahalagahan ang mga bagay na ipinahiram o hiniram. Sapagkat kalakip nito’y tiwala ng taong hiniraman mo. Kapag ang tiwala ay minsan nang nasira, asahan mo, kailanma’y di mo na ito maibabalik gaya ng umpisa.


X. Paraan ng Pagkakasulat

  Payak ang pagkakasulat ng may-akda. Payak ang suliranin, ang mga tauhan, ang mga salitang ginamit. Maayos ang pagkakasunod-sunod nat ang daloy ng kwento. Malapit rin sa realidad ang ginawang halimbawa’t aral ng may-akda bagama’t hayop ang mga tauhan. 


XI. Pangkalahatang Puna at Mungkahi

       Maayos at mahusay ang kabuuan ng kwento. Maikli lang subalit nauunawaan. Subalit, sana ay pinalawak pa ng kahit kaunti ang bahagi na kung saan suot na ng Inahin ang kuwintas, gayon rin ang dahilan kung bakit ito nawala. Sana ay mas binigyang-diin pa ang naging reaksyon ng Inahin sa kondisyon ng uwak upang nang sa gayo’y mas nailapit pa sa tunay na katangian ng isang ina. 


Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL

FREE PROF ED LET REVIEWER