ANG GAMUGAMO SA LAMPARA NI JULIO MADARANG

  1. Pamagat ng Maikling Kuwento:

ANG GAMUGAMO SA LAMPARA NI JULIO MADARANG

(Maikling Kuwentong Tagalog)

  1. May Akda:

Reynaldo R. Duque

  1. Taon ng Pagkalathala: 1986

  2. Buod:

  Isang gabi, nagmumuni-muni si Juli Madarang sa kanyang munting dampa. Siya ay nag-iisa nang naninirahan doon sapagkat ang kanyang asawang si Felisa ay namatay dahil napulmonya noong nagsisikap silang maghanapbuhay para sa kanilang anak na si Salacnib. Si Salacnib ay matalinong bata subalit naging isang lider ng grupo noong nagkaroon ng protesta laban sa pamahalaan sa syudad kung saan siya nag-aaral, nadakip at di kalauna’y pinatay. 


  Habang naghahanda ng makakain ang matanda, napansin niya ang isang gamugamo na nakikipaglaro sa apoy ng kanyang lampara. Pagkatapos nitong kumain, napansin niyang nandoon pa rin ito. Maya-maya pa’y nakarinig ito ng tahol ng aso at malakas na putok. Di kalauna’y may kumatok na isang binata, di nagdalawang isip ang matanda na patuluyin ito. Ginamot ang sugat nito at pinakain. Maya-maya’y naikuwento ng binata kung bakit siya hinahabol ng mga armadong lalaki, doon na rin isinalaysay ng matanda ang nangyari sa kanyang anak. Ibinigay ng matanda ang minana niyang itim na rosaryo at tabak sa binata. Lumipas ang gabi, paggising ng matanda’y wala na ang binata sa higaan. Maya-maya’y may kumakatok sa pintuan, nang kanyang buksan ay mga armadong lalaki at ang tserman ng barangay, pilit pinapaamin ang matanda ukol sa pagpapatuloy sa binatang si Crisanto Dimasupil. Nanatiling tikom ang bibig ng matanda kung kaya’t hinalughog nila ang bahay ng matanda nang wala silang makita, pilit pa rin nilang pinagsasalita ito subalit iginiit niyang wala siyang pinatuloy at tinatagong Crisanto Dimasupil. Noo’y sinaktan nila ang matanda hanggang sa mapaluhod ito subalit nanatili pa ring tikom ang bibig nito kung kaya’t pinaulanan nila ito ng bala. Bago mamatay ang matanda, kanyang nakita ang gamugamo, buhay pa rin at patuloy na nakikipaglaro sa apoy ng lampara.


  1. Mga Tauhan

  1. Pangunahing Tauhan

  1. Julio Madarang- isang matandang nag-iisa; naulila ng asawa’t anak; tutulong sa isang binatang tulad ng kanyang anak.

  2. Salacnib Madarang- anak ni Julio Madarang; matalino; subalit kalauna’y namatay dahil lumaban sa maling pamamalakad ng pamahalaan.

  3. Crisanto Dimasupil- ang binatang hinahabol ng mga armadong lalaki na tumuloy sa bahay ni Julio Madarang; tulad siya ni Salacnib na tumutuligsa sa pamahalaan kung kaya’t pinagbintangan.


  1. Pantulong na Tauhan

  1. Felisa- asawa ni Julio Madarang na agad namatay dahil sa pulmonya.

  2. Barangay Tserman- kasama ng mga armadong lalaki na nagtungo sa dampa ni Julio Madarang upang hanapin ang tinutugis nilang binata.

  3. Mga armadong lalaki- mga lalaking humahabol kay Crisanto Dimasupil; kalauna’y pinatay si Julio Madarang dahil ayaw nitong magsalita tungkol sa kinaroroonan ng binatang hinahanap.


  1. Tagpuan

DAMPA NI JULIO MADARANG- Dito naganap lahat ng pangyayari sa akda, maliban sa mga flashback ng kwento. Dito nagsimula at nagwakas ang kwento.


  1. Teoryang Nakapaloob

  1. Eksistensyalismo- Sa pananaw na ito, pinagtutuunan ng pansin ang kalagayan ng tauhan na ang pokus ay nasa pagbuo niya ng paninindigan. Mahalaga na makita ang pagtanggap niya sa naging bunga ng pansariling pagpapasya.


  • “Itay, hindi ko itinatangging anak ninyo ako. Ngunit hindi na ninyo ako pagmamay-ari. Ako’y pag-aari na ng bayan!”- Salacnib

PALIWANAG: Ipinakita lamang sa bahaging ito ang paninindigan ni Salacnib noong panahong pinagsasabihan siya ng ama. Buo ang loob niya na kalabanin ang pamahalaan, kapalit man nito ay ang kanyang buhay.


  1. Humanismo- ang pananaw na ito ay nagbibigay halaga sa tao dahil ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng bagay at panginoon ng kanyang kapalaran.


  • “Alam ko na kung ano ang gagawin nila sa akin. Pag tumakbo ako, babarilin nila ako. Nang ayaw kong tumakbo, binugbog nila ako. Napilitan akong lumaban…” - Crisanto

PALIWANAG: Nangibabaw rito ang angking talino at lakas ng loob ng tauhan, na siyang naging susi upang makatakas siya sa mga mga armadong lalaki.

 

  1.  Realismo- Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksihan ng may-akda sa kanyang lipunan. 

  •  “Pag-aaralin kita hanggang gusto mo. Igagapang kita sa hirap, anak. At patutunayan mo sa iba na hindi hanggang hayskul lamang ang pag-aaral.”- Julio

PALIWANAG: Sa bahaging ito’y nagpapakita ng realidad. Handa ang isang magulang na magsakripsyo para sa kaniyang anak upang maiahon niya ito sa hirap. 


  1. HISTORIKAL- Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan ang bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo. 

  • “Nang panahong iyon, uso na ang mga demonstrasyon at rali sa syudad. Isa si Salacnib sa mga lider. Binabatikos nila ang mga kabulukan ng lipunan.”

PALIWANAG: Kung susuriin ang taon ng pagkakalathala ay pagkatapos ng rehimeng Marcos. Ang pangyayaring ito sa kasaysayan ng Pilipinas ay naganap noong rehimeng Marcos na kung saan kumilos ang 200,000 na kabataan laban sa karahasan ng gobyerno. 



  1. SIMBOLISMO- Ang pananaw na ito ay nagbibigay-tuon sa imahen. Pinaniniwalaang ang imahen ang nagsasabi ng kahulugan. 


  • “Huwag kang lalapit sa apoy!” Tahimik niyang kinakausap ang gamugamo, “Masusunog ang pakpak mo. Alam mo, nakikipaglaro ka sa kamatayan!”

PALIWANAG: Ginamit ang apoy at ang gamugamo. Sa akda, ang apoy o ang liwanag ay ang katotohanan at ang gamugamo ay mga taong nagwawaksi ng kamalian ng pamahalaan. At sa tuwing lumalapit ang gamugamo sa apoy, lalong nanganganib ang buhay nito.


  1. Paksang-Diwa

  1. Tinalakay ng akdang ito ang kabayanihan ng ilang kabataang lumaban sa kabulukan ng lipunan kapalit man nito’y ang kanilang buhay at kaligtasan. Ipakita ng akda ang labis na pagmamahal sa bayan.

  2. Ipinakita rin ang pagpapahalaga sa pamilya sa akda. Kung paano nagsusumikap ang mga magulang para sa kanilang anak.

  3. Tinalakay rin sa akda ang baluktot na pamamahala at maling pamamaraan ng pagdakip sa maysala at ang pagpapahirap sa mga tumutuligsa sa pamahalaan.

  4. Pinapaksa rin ng akda na mailap ang katotohanan. Sa tuwing gumagawa ang isang tao ng paraan upang mapalapit sa katotohanan ay para na rin niyang inilalapit ang sarili nitong kamatayan subalit hindi iyon dapat maging hadlang upang maging bulag, pepe at manhid ang isang indibidwal sa maling nangyayari sa kanyang lipunan. 


  1. Istilo at Pagkamasining

 Flashback ang ginamit ng may-akda sa paglalahad. Ang kwento ay nagsimula sa kasalukuyang pangyayari at muling pagbabalik sa nakaraan. Mahusay ang paglalarawan sa bawat eksena na mas nagbigay buhay pa sa kwento.

  

  1. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman

  1. Kahalagahang Sosyal at Pangkabuhayan

Ang mga pangunahing tauhan ay masasabi kong normal ang pamumuhay ng pamilya. Bagama’t naghihirap ay may kakayahan pa rin nilang suportahan ang kanilang anak at pag-aaral.


  1. Kulturang Filipino

  1. Pagpapahalaga sa Pamilya- Ipinakita sa akda ang labis na pagpapahalaga sa pamilya ng mga tauhan. Handa silang magsakripisyo para lamang sa ika-aayos ng kanilang pamilya. 


  1. Pagmamalasakit sa Kapwa- Malambot ang puso ng mga Pilipino. Kadalasan ay hindi marunong magsara ng pintuan ng tahanan lalong-lalo na sa mga nangangailangan tulad ng ginawa ni Julio Madarang sa binatang si Crisanto kahit di man niya ito kilala. 


  1. Pagmamahal sa Bayan- Hindi natin ito maikakaila. Marami ng buhay ay ibinuwis para lamang sa kalayaan ng ating bansa. Tulad ng mga bayani, pinatunayan sa akda, na hindi mo kailangang maging isang kilalang tao para maging isang bayani, kailangan mo lang ng tapang ng loob at paninindigan.


  1. Simbolismong Filipino

  1. Gamugamo at Lampara- Ang lampara ay ang katotohanan at ang gamugamo ay ang tao. Habang lumalapit ang gamugamo sa liwanag, lalong nanganganib ang kanyang buhay, ganoon rin ang tao, habang pilit niyang inaabot ang katotohanan, nakikipaglaro ito sa kamatayan.


  1. Itim na Rosaryo at Tabak- Sinisimbolo ng itim na rosaryo ang pananampalataya at ang tabak ay ang tapang ng isang Pilipino.


  1. Salacnib Madarang- Sinisimbolo niya ang mga kabataang tumutuligsa sa mga baluktot ng pamamahala. Simbolo ng kabayanihan at kabataang may pagmamahal sa bayan.


  1. Kahalagahang Pangkatauhan

  1. Igagapang kita sa hirap, anak.”- Julio Madarang

-Matutong magsakripsyo. Walang magulang na ayaw maging matagumpay ang kanilang anak. At bilang anak, marapat lamang na makita natin ang kanilang hirap at magpursige upang masuklian sila.


  1. “Ang gamugamo ay naglalaro pa rin sa palibot ng apoy ng lampara sa may altar. Buhay pa rin ang gamugamo...”

-Hindi dapat tayo matakot sa kamatayan. Lalo na kung ang rason ay upang makamit ang katotohanan. Huwag tayong matakot masunog ang ating pakpak, o tuluyan tayong lamunin ng apoy, dahil sa huli, mananaig pa rin ang katotohanan.


  1. Paraan ng Pagkakasulat

     Mahusay ang pagkakasulat ng akda, ang pagkakalahad nito. Maayos ang pagpasok ng mga flashback. Simple ang ginamit na mga salita na mas nagbibigay ng opurtunidad para sa mga mambabasa na mas maunawaan ang kwento lalo na’t ito’y may koneksyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Naipinta ng manunulat ang bawat senaryo sa imahinasyon ng mambabasa na mas nagpasidhi at nagbigay ng mas epektibong pag-unawa sa nais niyang ipahayag.

 

  1. Pangkalahatang Puna at Mungkahi

Mahusay ang manunulat. Hindi ko naranasan ang ganoong pangyayari sa aking buhay subalit ipinadanas ng manunulat ang mga pangyayari sa ating bansa sa isang maikling kwento lamang. 


Marahil ay medyo nanghihinayang lang ako sa ilang parte na kung saan hindi masyadong nabigyang linaw o mas malalim na paglalarawan tulad ng pagkikuwento ni Crisanto kay Tandang Julio. Sana ay nabigyang diin pa ang parte na iyon. Subalit sa kabuuan ay malinaw at epektibo pa ring nauunawan ang kwento.



Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL