ANG TABO- SOSLIT

 Ang Tabo

ni Nena Bondoc Ocampo

Mula sa Ani: Panitikan ng Kahirapan, 6


Ang mga Hudyo, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Marcos 7:3

Hindi ko matandaan noong araw kung ako ay naghuhugas ng kamay bago kumain. Kung naghuhugas man, malamng sa magbabanlw lang kami ng kamay, tapos, iwiwisik ang mga dliri o kaya'y pupunasan sa laylayan ng damit. O kaya'y magpupunas sa basahang nakasabit sa gilid ng banggera. Pero alam kong hindi kami nagsasabon dahil sayang ang sabon. Kung gusto mo'y makisabon ka ng kamay kung may sabong panlabang maliit na. Pero, 'yong sabong mabango ay nakataas sa lalagyan ng Colgate na makakagalitan ka pag madalas ang gamit.

Pero ang isang tandang-tanda ko, kasama sa paghahain namin sa mahabang lamesa ang tabo. Tabo??!! Oo, tabo. 'Yong tabong lata na dating lalagyan ng pineapple juice o ng iba pang de-latang masarap, na dahil nga sa sarap ng laman ay hindi maitapon ang lalagyan kahit may kalawang na 'yon. 'Yong tabong ginagamit sa paliligo, pero nililinis na kasama ng mga kalderong iniisis ng pakiling o ng abong galing sa kalan. 'Yong tabong kapag naliligo ang mga beybi ay itataas mo pa ng bahagya habang dahan-dahan mong ibubuhos ang lamang tubig, kasi iyon ang kanilang shower. Ang kamay na lang ng nagpapaligo ang kumukusot kung saan pa may sabon sa ulo ng beybi. (Ako ang tagabuhos na iyon nung araw pag pinaliliguan ng ina ko ang mga alaga niyang pamangkin ko.)

Sa haba nga ng mesa namin ay dalawang tabo ang isinasama namin sa paghahain. Nilalagyan iyon hanggang sa kalahati ng malinis na tubig. Kapag naroon na ang kanin at ulam, magkukrus na kami at madadasal ng kapirot, pagkaraan ay magkukrus uli. Ang pangalawang pagkukrus ang hudyat para kumain na. Doon napaka-importante ng tabo-- bilang hinawan ng kamay. Maghihinaw ka muna ng kamay para hindi "mamulaklak" ang daliri mo sa pagkuha ng kanin.

Sa paghihinaw ay babasain mo ang kamay mo. Una, para hindi dumikit ang kanin; at pangalawa, para hindi masyadong mapaso sa umuusok pang kanin sa malaking palaton, mas maliit naman nang kaunti kaysa sa palanggana. Anong bakit? Aba'y kung pista at Pasko lang inilalabas ang mga kutsara! At saka, kukutsarahin mo pa ba naman ang mga ulam noon na kung hindi bulanglang ay inihaw, o kaya'y prito o pindang. 

At saka, sa ganoong kahabang mesa, hindi ka pwedeng tutulog-tulog. Pag nalingat ka, mainit na palaton na lang ang mahahawakan mo. Sa ulam nga, kung walang sabaw, hindi puwede ang "again-again". Kaya kung ano ang parte mong tinanggap, iyon na ang ulam mo. Ang tamang kain ay isang kurot na ulam, isang malaking subong kanin, sundan ng lagok ng inumin.

Noon ang alam ko'y hindi puwedeng kumain ng higit sa isang hipon, dahil magtatae raw. Ang manok daw ay nagiging dahilan ng kati sa balat, kaya hindi rin ubrang dalawang hiwa ang kakainin mo. At kung sinigang, masusustansiya raw ang litid na nakakapit sa buto at saka pampalakas daw. Lumaki ang paghigop ng maraming sabaw. Sinusunod namin iyon.

Malaking biyaya kapag nagkaroon ng prutas. Kaputol lang ang saging. Ang pakwan ay kasing kapal lang ng daliri ang hiwa, kaya namumuti na ang balat kung bitawan namin. At sa mangga ka hahanga sa tatag ng pulso ng ina ko sa paghihiwa. Ang pisngi ay pinagtatlong partem ang bunot ay halos matapyas na ang buto. Pero suwerte pa rin ng makakakuha ng bunot, dahil dalawang gilid ang may lasa. Buti na lang bunso ako, sa akin madalas mapunta ang bunot.

Tuwang-tuwa kami kapag may nanghiram ng salok ng ama ko. Tiyak na may laman iyon ng kung ano ang pinitas ng nanghiram. Biyaya na naman kung may kaimito, santol, mangga, bayabas, at iba pang prutas sa panahon. 

Ang baso man ng inumin ay hindi puwedeng sarili mo. Dalawa o tatlo kayong magsasalo sa baso, kaya hindi ka dapat mahirinan kung malayo sa iyo ang puwesto ng kasalo mo sa baso. Gayon man, kung talagang kailangan ay puwede mo ring damputin ang sarten ng katapat mo, pero huwag na ang hinawan dahil marami na ng sumalok doon.

Kung tapos ka nang kumain at alam mong wala ka namang hihintaying himagas, maghinaw ka na lang uli sa tabo. Punas lang uli sa tgiliran at laro na naman. Iyon ay kung hindi ikaw ang nakatokang maghuhugas ng pinggan o mag-iisis ng lamesa.

Kung gayon makikita ng isang nars o ng secretary of health ang gayon naming pagkain, tiyak na malelektyuran sa mga araling pangkalusugan ang ina ko. Pero sa kabila noon ay lumaki kaming malulusog. Lagnat, sakit ng ngipin at sakit ng tiyan lang ang idinadaing namin at dahol lang ng ikmo ang madalas na igamot. Kapag tumagal nang dalawang araw ang lagnat, hmmm, ang sarap ng royal tru-orange.

Ang ikinuwento kong nakamulatan namin ay hindi iniaral ng mga ninuno namin, ng batas ng kainan. Iyon ay kinakailangang dahil sa aming kalagayang pangkabuhayan. Pero iyon ding mga pagsasalo-salong iyon ang nagbigkis sa aming magkakapatid upsng kahit ngayong may sari-sariling pamilya na kami ay nagdadamayan pa rin at nagtutulungan kung may nangangailangan. Hanggang ngayon, ang lata ng bigas ng isang kapatid ay puwedeng kunan ng pansaing ng iba pang kapatid. Ang pagkakasakit ng isa ay alalahanin ng maraming iba pa. Ang kakulangan sa pangmatrikula ng anak ng sinuman ay malasakit ng iba pa, kahit malayo na ang kanyang tirahan.

Hindi kami madalas maligo noon dahil mahal ang sabong mabango at sayang ang damit na kasusuot pa lang kahapon pero tingin namin sa isa't isa ay maganda pa rin. Ang damit nga namin ay nagdadaan sa kung ilang magkakasunod bago ko manahin. Pero kung Linggong sumisimba kami ay malutong sa almirol pati ang kamison ko. At kaya nga iyon may almirol ay para may panlaban sa dumi.

Ngayon, ang mga damit naming magkakapatid ay naglalakbay sa mga aparador. Ang mga nagtatrabaho sa abroad ay Santa Claus kapag nagbubulatlat ng balikbayan box. Ang walang panlakad ay nag-aabiso lang sa isa at may darating. Mamimili ka pa kung gusto mo. Maging ang alahas ay akin lang sa bayaran, pero atin sa gamitan. Iyon ang maganda sa aming natutuhan sa ina at ama ko.

Kung mayroon man kaming batas na sinusunod, iyon ay ang huwag mong titikisin ang kapatid mo. Sa mga suliranin, kung sino ang may kakayahan, tumulong. Kung sino naman ang may kailangan, gawin mo lahat mong makakaya at huwag kang magmalaki. Kung kailangan mong umiyak, ilakas mo lang at nang marinig namin at bahala na kami.

Iba ang batas sa pag-ibig, ng pagmamahal, ng pagmamalasakit. Itinatanim iyon sa puso ng mga karanasang masisigla at nakakagalak. Pinagtitibay iyon ng mga pagtutulungang hindi naghihintay ng kapalit. Pinagaganda niyon ang pagsasamang  kahit matilamsikan ng tampuhan ay madaling napapalis at napapakikinang ng tunay na pag-unawa. 

E, mano ba kung hindi kami naghuhugas ng kamay noon. Pag umayaw namin kami sa mesa, busog na kami. At saka sabi ng ate ko, ano mang nasa kamay at pinggan, pag naisubo na ay laman na rin ng tiyan. 

Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL

FREE PROF ED LET REVIEWER