SANA BUKAS- PAGSUSURI NG PELIKULA

 

  1.  Pamagat ng Pelikula

SANA DATI

 (If Only)

(2013)


  1. May Akda

               Isang Pagpapakilala Kay Jerrold Tarog


              Si Jerrold Viacrucis Tarog ay isang Filipino filmmaker at composer. Ang kanyang tampok na independiyenteng pelikula ay ang Confessional (2007), sinundan ng Mangatyanan (2009) at Sana Dati (2013). 

                   Si Jerrold Tarog ay ipinanganak sa Maynila noong Mayo 30, 1977 at lumaki sa Canlubang, Laguna. Siya ay nagtapos sa University of Philippines Rural High School sa Los Banos, Laguna noong elementarya. Ipinagpatuloy niya ang sekundarya sa University of Los Banos upang mag-aral ng agribusiness management pero di kalauna’y nahinto ito sa kabila ng mababang marka nito. Hindi nagtagal lumipat siya sa University of the Philippines Diliman ay nagtapos sa kursong music composition. Sandali rin itong dumalo sa International Academy of Film and Television sa Cebu.


                     Sa pagsisimula niya sa filming career, marami siyang pangalan sa iba’t ibang larangan. Bilang isang screenwriter, kilala siya bilang si Ramon Ukit, o ang isinaling pangalan ng kanyang paboritong American fiction writer na si Raymond Carver. Bilang editor, kilala siya bilang Pats R. Ranyo, isang anagram ng karakter na kanyang ginampanan sa sarili nitong pelikula na Confessional, Ryan Pastor. Bilang sound designer, kilala siya bilang Roger “TJ” Ladro, anagram ng kanyang pangalan. Inilarawan niya ang kanyang sariling filming expertise bilang “self-taught” o natuturo sa sariling kaparaanan.

 

                       Naging musical director sa pelikulang Agimat na pinangungunahan ni Bong Revilla Jr. Nakatrabaho niya rin si Dante Mendoza sa iba’t ibang indie films tulad ng Masahista (2005), Manoro (2006), Tirador at Foster Child (2007). Noong 2006, nagsimulang mag-direhe si Tarog sa maikling pelikulang pinamagatang Carpool. 

                                 Maraming nang napanalunan si Tarog sa larangan ng pelikula. Tulad na lamang ng Young Critics Circle award para sa Best Achievement in Aural Orchestration sa kanyang film background music sa pelikulang Masahista noong 2005, ang kanyang pelikulang Mangatyanan ay nagwagi bilang Best Production Design sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival noong 2009, at ang kanyang pelikulang Sana Dati na nagwagi ng pitong parangal ilan doon ay ang Best Director, Best Editing, Best Original Music Core at Best Sound. Sa kasalukuyan, patuloy na pinagtutuunan ng pansin ni Tarog ang sequel ng Heneral Luna, Goyo: Ang Batang Heneral, na inaasahang ipapalabas sa taong ito.


                                  

  1. Buod ng Pelikula

            Ikakasal na si Andrea at si Robert sa hapong iyon. Pilit pinapauwi ang kapatid nito upang balikan ang sapatos na nais nitong isuot sa hapong iyon. Simple at ekslusibo ang nasabing kasalan, tanging mga malalapit na kaibigan at kapamilya ng dalawa ang imbitado at inaasahang dadalo.

        Nagsimulang gumulo ang lahat nang dumating ang misteryosong lalaki na si Dennis, isang videographer sa kasal. Habang tinatanong nito si Andrea ng iba’t ibang bagay ukol sa mapapangasawa nito, bakas sa mukha ng babae ang lungkot, kawalan ng gana at interes. Walang anumang saya o pananabik na mababasa sa kanyang mukha o mauulinig sa kanyang pananalita. Ganoon rin naman, mababakas ang mumunting saya subalit hindi rin mawawala ang lungkot sa pananalita ni Robert habang patuloy nitong sinasagot ang mga tanong ng videographer. Ilang ulit nagpabalik-balik si Dennis sa silid ng hotel kung saan naka-check-in si Andrea upang ipagpatuloy ang paputol-putol na interbyu. At sa huling pagkakataon ng pagpapalit tanong at sagot ng dalawa ay unti-unting ipinapaalala ni Dennis ang nakaraan ni Andrea. 

            Sa pamamagitan ng mga kagamitan ni Dennis, unti-unting bumabalik ang lahat ng alaala ni Andrea kasama si Andrew. Si Andrew, ay isang videographer tulad ni Dennis, siya ang lalaking pinakamamahal at dapat sana ay pakakasalan na ni Andrea. Subalit sa ‘di inaasahang pagkakataon, inatake ito bago pa man ito makapag-propose sa kanya. Muling nabuhay ang lahat ng alaala nito sa kung paano sila nagkakilala, ang lahat ng pangarap at pangako nila sa isa’t isa. Sa pagkakataong iyon, kung kaya’t dinala nito sa rooftop ng hotel upang doon tuluyang ipaalala ni Dennis kay Andrea kung gaano kamahal ng dalaga ang kanyang nakakatandang kapatid na si Andrew. Samantala, nang magsisimula na ang seremonya ng kasal ay nagkagulo ang pamilya ni Andrea dahil hindi nila ito mahanap sa buong kwarto kung saan ito huling nakita. Maging si Robert ay lubusang nag-alala at nangamba. Hinanap niya si Andrea hanggang sa matagpuan nito sa rooftop na tila nagpapahangin lamang at sa pagkakataong iyon, nabunutan ng tinik sa dibdib si Robert. Niyakap niya ito nang mahigpit. At sa huling pagkakataon, hiniling ni Andrea kay Robert na kombinsihin ito upang pakasalan siya. Batid ni Robert kung gaano nito kamahal ang yumaong kasintahan pero mas mahal niya si Andrea. Naalala niya kung paano siya nasaktan nang palihim sa mga panahong masaya si Andrea sa piling ni Andrew. Pilit niyang ipinagdarasal na kahit sa pagkakataong ito, siya naman ang piliin niya.

        Nang makarating si Andrea sa silid kung saan ito naka-check-in, wala pa rin ang kapatid nito kung kaya’t tinawagan nila, habang kausap ito ni Andrea, pilit nitong tinatanong kung gusto ba talaga nitong pakasalan si Robert dahil nakita nito ang mga larawan, sulat at maging ang singsing na galing kay Andrew, natigilan si Andrea. Pero sa huli’y napakiusapan rin ang kapatid nito na dalhin na lamang ang sapatos na iyon sapagkat ito’y mula kay Andrew at nais niya itong muling isuot sa huling pagkakataon.

          Sa huli’y nagpasya si Andrea na ituloy ang pagpapakasal kay Robert, sa kabila ng mga tanong at pagpapaalala nila ukol sa nakaraaan nila ng yumaong kasintahan. Ituloy niya ang pagpapakasal kay Robert gamit ang pagmamahal na alay ng lalaki para sa kanya. Sa huli’y napagdesisyunan ni Andrea na bitawan na ang lahat ng kanyang nakaraan at tanggaping kaya niya muling magmahal lalong-lalo na ang lalaking hindi siya sinukuan sa kabila ng lahat. Na kahit hindi niya unang minahal si Robert ay kaya nitong mahalin. Sa kasal, sinabi ni Andrea kay Robert habang nagpapalitan sila ng wedding bows na mahal niya ito na naging tanda ng bagong simula. 

 

  1. Pagsusuri

  1. Uri ng Panitikan

            

   Pelikula- Salamin ng buhay.


  1. Pamagat

          “SANA DATI” o If Only  ang pamagat ng pelikula sapagkat ipinakita dito kung paano pilit pinigilan ng marami si Andrea upang huwag magpakasal at ipaalala ang nakaraan nila ng lalaking labis nitong pinakamamahal at ipinakita rin kung paano naglakas ng loob si Andrea upang bitawan ang kanilang nakaraan ni Andrew. Ipinakita kung paano pinilit ipinaalala kay Andrea ang kanyang nakaraan at kung paano niya ito tinanggap at kusang binitawan dahil sa batid nitong hindi na maibabalik pa at ito’y tapos na. Na kahit gaano man niya hilinging bumalik ang lahat ay malabo na.  Na kahit gaano pa niya hilinging bumalik ang lahat ay malabo ng mangyari. Gustuhin man niyang balikan ang nakaraan ay mananatili na itong imposible.


  1. Mga Tauhan

  • Andrea Gonzaga (Lovi Poe) -  Larawan ng babaeng marunong tumanggap at bumangon sa kabila ng nakaraan, babaeng naniwalang lahat tayo ay may karapatan at kakayahang magmahal muli sa kabila ng mapait na hatid ng tadhana sa dating relasyon. Babaeng nagpatunay na hindi natin kailangang mamuhay sa nakaraan bagkus harapin ang kasalukuyan kasama ng mga taong hindi ka iniwan. 

  • Dennis Cesario (Paulo Avelino)- kapatid ng dating kasintahan ni Andrea; ang videographer sa kasal. Siya ay umaasang mapipigilan si Andrea sa pagpapakasal kay Robert kung kaya’t pilit nitong ipinapaalala ang nakaraan ng nito kasama ang nakatatandang kapatid nito.

  • Andrew Cesario (Benjamin Alves)- nakilala ni Andrea bilang isang videographer; iniwan ang pamilya at isinakripisyo ang pangarap para lang makasama ang babaeng mahal niya; naging kasintahan ni Andrea; ang lalaking dapat ay pakakasalan nito subalit naatake sa puso at namatay.

  • Robert Naval (TJ Trinidad)- dating pulitiko; ang lalaking pakakasalan ni Andrea sa araw na iyon. Larawan ng lalaking martir at handang gawin ang lahat para sa babaeng kanyang minamahal. Hindi nito ginamit ang posisyon upang piliting pakasalan siya ni Andrea bagkus ang tunay na nararamdaman nito para sa babae.



  1. Reaksyon

  1. Sa mga nagsiganap

  • Lovi Poe- Napakahusay! Saktong-sakto ang kanyang pagganap. Hindi OA. Mahusay umarte. Dalang-dala ang karakter. Animo’y siya talaga iyong nasa kwento. Naipadama niya sa kung sino man ang manunuod ang sakit, lungkot at pighati ng isang taong nawalan ng taong pinakamamahal. Simple at natural ang pagbitiw ng mga linya at pagbibigay ng emosyon. At sa aking palagay, nabigyan niya ng hustisya ang karakter ni Andrea sa pelikula.


  • TJ Trinidad- Nakakabilib! Bagama’t sa umpisa’y kaiinisan ang presenya at karakter nito sa pelikula. Mapapaiyak ka sa galing nito sa pag-arte sa katauhan ni Robert. Natural at napakamakatotohanan ang kanyang pag-arte bilang isang lalaking martir. Binigyan niya ng hustisya kung paanong masaktan ang mga kalalakihan sa paraang palihim. Sa totoo’y siya ang pinakapaborito sa mga karakter sa pelikula.


  • Paulo Avelino- Magaling! Tulad ng ibang karakter, natural ang pag-arte niya bilang si Dennis. Makatarungan ang kanyang pagganap. Madarama mo ang emosyong nais palabasin ng direktor sa katauhan nito sa pelikula. 


  • Benjamin Alves- Hindi man kalakihan ang bahagi niya sa pelikula, subalit ipinakita pa rin niya ang husay sa pag-arte. Binigyan niya ng hustisya ang pagganap niya bilang si Andrew bilang kasintahan ni Andrea. Mapapahanga ka sa kakisigang taglay nito.

             

  1. Istilo ng Manunulat ng Iskrip

  • Napakagaling! Simple subalit makatotohanan. Magaling ang pagkakalahad ng mga iskrip ayon sa nais palabasin ng may akda. Gumamit rin ito ng flashback o pagbabalik-tanaw na mas lalong nagpatingkad sa pelikula at nagpanatili ng interest ng manunuod.. Mararamdam mo ang mga emosyon na dapat mong maramdaman sa pamamagitan ng mga linya ng mga karakter. Halo-halong emosyon ang mararamdaman mo sa mga salitang binibitawan pa lang ng mga karakter. Maiinis, magagalit, maiiyak, madudurog ka sa bawat palitan ng linya nila. May pagkakataon ring mananahimik ka dahil sa husay ng pagpapalitan ng salita. Hindi na ginulo o mas pinanatili niya itong simple mula umpisa hanggang dulo, tulad ng nais ng awtor. Mas madaling maunawaan ang nilalaman ng pelikula sapagkat ito’y may simpleng banghay, simpleng nagsipagganap, simpleng aral at simpleng nilalaman subalit mahusay na paggamit ng wasto at tumpak na salita.


  1. Istilo ng Pagdidirehe

  • Napakahusay! Mahusay! Sabi nila, malaki ang papel ng direktor sa pagrerebisa ng iskrip. Ang pagkabuo ng pelikula ay hindi dahil sa kagustuhan ng direktor na makapaglikha ng malaking pelikula bagkus upang makapagkwento ng isang istorya. Ang paraan ng pagdidirehe ay napakahusay at napakalinis. Napaka-swabe ng timpla ng pelikulang ito. Mula sa produksyon hanggang sa pinakamaliit na tao sa pelikulang ito. Wala akong aktuwal na kaalaman sa galaw ng kamera, pero ultimo’y yung pokus at paglalayo ng kamera sa mga artista’y maayos na nailahad at nabigyang-diin. Hindi ito tipikal na love story na kung saan may kontrabida na magiging sagabal sa pagmamahalan ng dalawa. Ito’y simpleng love story na may bagong timpla, may bagong pait. 


  1. Mga Teoryang Pampanitikan

  • Romantisismo. Pananalig na ang higit na pinahahalagahan ay ang damdamin kaysa isip.

 “Kung ang pagkadurog ko ang bubuo sa iyo, handa akong maging abo.” Ang pinakahangarin ng pelikula ay ipakita ng iba’t ibang mukha ng pag-ibig. Ipinakita ni Andrew na kaya niyang itapon at isakripisyo ang lahat para lang makasama si Andrea, ang babaeng pinakamamahal niya.  Ipinakita ni Robert ang pagmamahal na walang kondisyon para kay Andrea, ipinakita niya na bagama’t may mas mahal itong iba, hindi pa rin mawawala ang labis nitong pagmamahal. Ipinakita niya kung paano magmahal nang tapat kahit may mahal na iba ang taong iniibig nito.  Patuloy itong nanatili sa tabi ni Andrea kahit palihim itong nasasaktan. Ganoon rin naman si Andrea, ipinakita niya na bagama’t hindi si Robert ang great love nito, ay kaya pa rin niyang magmahal sa kabila ng kanyang masakit na nakaraan.        


  • Eksistensyalismo. Sa pananalig na ito, ang kalayaan at hangaring awtentiko ang tanging nais kilalanin dito. 

Ipinakita sa pelikula na may kalayaan ang tao upang magdesisyon at manindigan para sa sarili nito. Tulad ni Andrea, sa kabila ng pagpapaalaala ni Dennis sa nakaraan nila ni Andrew, pinili pa rin nitong pakasalan. Pinili pa rin niyang bitawan ang kanyang nakaraan at harapin ang kasalukuyan. Pinili pa rin magmahal muli sa kabila ng mapait na nakaraan. Pinili niya pa ring pakasalan ang lalaking hindi siya sinukuan.


  • Realismo. Ang pananalig na ito’y naglalarawan ng buhay sa katotohanan at walang idealismo. 

Maraming bahagi ng pelikula ang nagpapakita ng tunay na mukha ng buhay. Inilarawan dito ang ilang katotohanan ng buhay tulad na lamang ng pagiging martir ni Robert na bagama’t batid nitong mahal pa rin ni Andrea si Andrew ay nanatili ito sa tabi nito kahit na anong mangyari. Bukod pa rito, inilarawan rin sa pelikula kung paano naglalakas- loob ang minsang naiwan ng minamahal upang patuloy na mabuhay at magmahal na kadalasan nating nakikita sa totoong buhay. 


  • Impresyunismo. Ang pananalig na ito’y kakikitaan ng paghihimagsik sa mga tradisyunal at nagpupumiglas sa ritwal na kaganapang lumulunod sa kalayaan. 


Ipinakita sa pelikula na hindi lahat ng naiwan ng taong labis na minamahal ay hindi na maaari pang magmahal muli o hindi na kayang magmahal muli. Kadalasan nating napapanood sa ibang pelikula na palaging hindi natutuloy ang kasal dahil sa napagtanto ng karakter na may mas mahal pa rin itong iba kahit na patay na. Subalit sa pagkakataong ito, pilit iwinaksi ng pelikula kung paano nagkaroon ng lakas ng loob si Andrea upang palayain ang sarili nito sa nakaraan at harapin ang lalaking hindi nang-iwan kahit pa hindi ito ang pinakamamahal nito.

                           

  • Simbolismo. Ang pananalig na ito’y naglalahad ng mga bagay, damdamin at kaisipan sa pamamagitan ng mga sagisag.


Maraming simbolismo ang ginamit sa pelikula. Si Andrea ay sumisimbolo ng katatagan at modernong Filipina, katatagan sapagkat ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang buhay sa kabila ng pagkawala ng kanyang minamahal. Ang camera ni Andrew na kalaunan ay naiwan kay Dennis na sumisimbolo ng pagiging masinop ng mga Pilipino lalong lalo na sa mga okasyon upang maitala ang mga magagandang alaala. At higit sa lahat, ang pagbitiw ni Andrea ng katagang “Mahal kita.” kay Robert na sumisimbolo ng pagbitaw niya sa alaala ng kahapon at tanda ng bagong simula kasama ang lalaking nagmahal at patuloy na magmamahal sa kanya sa hirap at ginhawa.


  • Feminismo. Ang pananalig na ito ay nauukol sa karanasan at damdamin ng isang babae.


Inilarawan sa pelikula ang katangian ng isang babae. Ipinakita ang kalakasan at kahinaan nito sa larangan ng pag-ibig at pamilya. Ipinakita ni Andrea, bilang isang babae, na hindi rason ang pagkawala ng taong pinakamamahal upang tuluyang hindi maniwala sa pag-ibig. Ipinakita rin niya ang pagtanggap at lakas ng loob upang palayain ang mga alaala na bumubulag sa kanya upang magmahal uli. Ipinakita rin nito na dumarating rin sa punto na ang mga babae ay nagiging makasarili at nakakalimutan ang sakit na dinaranas ng ibang taong nagmamahal sa kanila. Sa huli, pinatunayan ni Andrea na ang mga babae ay may paninindigan at marunong magdesisyon hindi para sa sarili kundi para na rin sa nakakarami.


  1. Bisang Pampanitikan


  1. Bisa sa Isip

  • Pinakapangunahing tumatak sa aking isipan ay may karapatan at kakayahan tayong magmahal muli sa kabila sa pait at sakit na ipinaranas ng tadhana sa ating nakaraan. Napag-isip-isip ko na kapag ang tao ay nasaktan, iniwan, hindi pinili o hindi nakita ang halaga, hindi doon natatapos ang buhay niya. Kapag nasaktan, tanggapin. Kapag iniwan, tanggapin. Hindi pinahalagahan, tanggapin. Matutong tumanggap upang mapalaya sa kung anumang nagtatali o nagkukulong sa sarili sa nakaraan. Matutong tumingin pa sa ibang bagay at huwag lang sa mga bagay na tapos na.




  1. Bisa sa Damdamin

  • Sa umpisa, naawa ako sa sitwasyon ni Andrea. Nakakadurog makitang magpakasal ang isang taong hindi naman sigurado sa nararamdaman nito sa lalaking naghihintay sa kanya sa harap ng altar. Pero mas nakakadurog ang sitwasyon ni Robert, may mga taong nasasaktan ng palihim dahil sa labis na pagmamahal sa isang tao. At mas pinipiling masaktan sa ganoong paraan, lalo na kapag nakikita niyang masaya ang mahal nito kahit pa sa piling ng iba. Nais lamang ipadama ng pelikula, na sa pag-ibig, iba’t ibang mukha man ito, kalakip pa rin nito ang sakit. Ipinadama ng pelikula, ang sakit na dala ng iba’t ibang mukha ng pag-ibig.


  1. Bisa sa Kaasalan

  • Nais lamang ipabatid ng pelikula, na huwag tayong malugmok sa nakaraan. Huwag tayong matakot harapin at hanapin ang mga kasagutan sa tanong na “Sigurado ka na ba?” Huwag tayong mamuhay sa pagduda at walang kasiguraduhan. Huwag nating ipilit ikulong ang ating sarili sa nakaraan kung kaya naman nating lumaya sa sarili nating kaparaanan. Matuto tayong magpahalaga sa mga taong nanatili at patuloy na nananatili sa kabila ng lahat ng masasaya at malulungkot na pangyayari. 


  1. Bisa sa Lipunan

  • Nais imulat ng pelikula ang bawat isa na hindi kasalanan ang muling magmahal. Huwag nating gawing mundo ang dapat ay tao lang. Matutong tumanggap ng kawalan, kapighatian at pagluha. Matutong magdesisyon at manindigan at huwag magduda sa sariling nararamdaman. At lalong huwag husgahan ang mga taong iniwan, sinaktan, pinagpalit o hindi pinahalagahan. Huwag husgahan ang mga taong nagmamahal sa sarili nilang kaparaanan. 


  1. Bisang Pangmoral

  • Ang tanging mensahe ng pelikula ay “ano ang kayang gawin ng pagmamahal?” Matutong magpalaya at magparaya. Matutong magmahal ng walang hinihinging kondisyon. Hindi napag-aaralan ang magmahal, kusa itong nararamdaman kapag hindi ka mamumuhay sa ipinaranas ng nakaraan. Hindi napag-aaralan ang magmahal, kusa itong nararamdaman kapag pinili mong tignan ang kabutihan. Ang bawat tao ay may karapatang magmahal at mahalin. Ang bawat tao ay may kakayahang masaktan at manakit, sadya o hindi man.

  1. PAMAGAT 

         

FOREVERMORE 

(2014)


  1. May Akda

               

                Isang Pagpapakilala kay Cathy Garcia-Molina


                      Si Cathy Garcia-Molina ay isang direktor ng mga pelikula at telebisyong Pinoy. Karamihan sa kanyang mga katha ay mga romantic-comedy films sa Star Cinema. Mayroon rin siyang mga dinidireheng serye sa telebisyon na mapapanuod sa ABS-CBN. Itinuturing siyang isa sa mga mahuhusay na direktor ng bansa, dahil sa pitong likha nitong pelikula ay napasama sa listahan ng mga pelikulang may pinakamatataas ng kita sa Filipinas.


                   Siya ay ipinanganak noong ika-8 ng Nobyembre 1971 sa Lungsod ng Quezon City. Bunsong anak nina Sikatuna Antonio Garcia at Luisa Rosales Garcia. Siya ay ikinasal kay Engineer at Technical Direktor Philip Rey “Epoy” Molina at biniyayaan ng dalawang supling. Siya ay kilala sa kanyang mga pelikulang It Takes a Man and a Woman (2013), One More Chance (2007), A Very Special Love (2008), You Changed My Life (2009), Miss You Like Crazy (2010), My Amnesia Girl (2010), A Very Special Love (2008), Unofficially Yours (2012), Four Sisters and A Wedding (2013), A Second Chance (2015), She’s Dating the Gangster (2014), Just The Three of Us(2016), My Ex and Whys (2017), Seven Sundays (2017), Unexpectedly Yours (2017) at My Perfect You (2018). Naging direktor rin siya sa 6 na episode ng Maalaala Mo Kaya (2002-2009), Precious Hearts Romances and Presents: Bud Brothers (2009), Got to Believe (2013-2014),  Forevermore (2014-2015), Pangako Sa’yo (2015), Dolce Amore (2016), The Story of Us (2016) at La Luna Sangre (2017).


                 Marami na ring napanalunan si Molina sa larangan ng pagiging direktor. Ilan sa mga ito, Most Popular Film Director at Movie Director of the Year sa kanyang pelikulang One More Chance sa ika-38 GMMSF Box-Office Entertainment Awards at 24th PMPC Star Awards for Movies noong 2008, Most Popular Director sa kanyang pelikulang A Very Special Love sa 39th GMMSF Box-Office Entertainment Awards at sa pelikulang You Changed My Life sa 40th GMMSF Box-Office Entertainment Awards at sa kanyang pelikulang A Second Chance sa 47th GMMSF Box-Office Entertainment Awards. 

                   

                       


  1. Buod ng Teleserye

          Ang istoryang ito ay ukol kay Alexander “Xander” Grande III, ang mapanghimagsik na unico hijo ng hotel magnate at Maria Agnes Calay, ang mapagpakumbaba, maganda at masipag na anak ng isang straberry farmer sa La Presa, Benguet. Sila’y nagtagpo nang nag-crashed si Xander mula sa himpapawid patungo sa strawberry truck ng pamilya ni Agnes na dapat sana ay magde-deliver na ng mga naaning strawberry. Ang laman nitong ilang basket ng strawberry ay nasira at hindi na mapakinabanggan pa dahil sa tindi ng pagkahulog ni Xander sa mga ito. Pagkatapos ng aksidenteng iyon, pilit siyang pinagbabayad ng kanyang mga magulang upang bayaran ang perwisyo at kawalang pag-iingat sa pamamagitan ng pagtatrabaho nito sa taniman ng strawberry nina Agnes. Sa paglipas ng araw, hindi naging madali para sa dalawa ang mamuhay sa iisang lugar, tila sila mga aso’t pusa na hindi magkasundo sa anumang bagay. Lalong-lalo na para kay Xander, subalit sa tulong ng pamilya ni Agnes at ang buong nayon ng La Presa, ang dating suwail at makasariling anak ay naging masiyahin, maunawain at mapag-alaga na lalaki na minahal ng lahat. Di kalaunan, nahulog at napamahal sa isa’t isa sina Xander at Agnes. Subalit lingid sa kaalaman ni Agnes, may mga bagay pang hindi naaayos si Xander sa kanyang first love na si Kate Saavedra. Lalo pang gumulo at sinubok ang pagmamahalan ng dalawa nang nagkaroon ng alitan sa lupa sa pamamagitan ng pamilya nilang dalawa. Kung kaya’t gumawa ng pinakamabigat na desisyon si Xander kung ano ang mas importante. Isinakripisyo ni Xander ang babaeng pinakamamahal niya at pinili nilang maghiwalay ng landas dahil iyon ang mas makabubuti sa kanila. 

        At sa loob ng dalawang taong hindi pagkikita, muli silang pinagtagpo. Ginawa lahat ng paraan ni Xander upang maibalik ang titulo ng lupa ng La Presa sa mga magsasaka. Ganoon pa man, naging mailap pa rin si Agnes sa binata. Lalo pa nang malaman ng dalaga na may kasintahan ang binata. Sa kabila ng kasiyahan, may masamang balita ang kanilang natanggap, nasira ang patubig ng mga magsasaka kung kaya’t nagpasya ang mga ito na hanapin ang nasirang tubo kasama si Agnes, Jay, Andrew at Xander. Upang agad na mahanap ay nasirang tubo, nagpasya ang bawat isa na maghiwa-hiwalay. Ang mga magsasaka kasama si Mang Buds, Xander at Jay  sa isang direkyon, si Andrew at Agnes naman. Subalit nang magdilim, naghiwalay rin ng daan si Andrew at Agnes. Nang makarating si Andrew sa iba pang kasamahan, nagpasya si Xander at Jay na hanapin ang dalaga sa kagubatan. Di kalauna’y nahanap ni Xander si Agnes. Nang pabalik na ang dalawa ay biglang bumagsak ang napakalakas na ulan kung kaya’t sila’y nagpasya na maghanap muna ng masisilungan. At sa pagkakataong iyon, nagkaroon sila ng pagkakataong makapag-usap. Habang hinihintay nilang tumila ang ulan, nakakita sila ng shooting star at kapwa nilang ipinikit ang kanilang mga mata. At sinabi ni Agnes kay Xander na ang hiniling niya ay sana huwag nang matapos ang gabing iyon. 

            Sa umagang iyon, nahanap rin sila ng kani-kanilang pamilya. Kasama na doon ang kasalukuyang kasintahan ni Xander na si Alex. Nang makarating na sila sa kani-kanilang bahay, bumalik rin si Xander at Agnes sa normal na buhay. Ipinakulong ni Xander si Sheree ang kanyang stepmother at ang kapatid nito na si Julius dahil sa pagsira ng agro-resort project na pinamumunuan ng pamilya Grande. Sa kabilang dako, nakatakda nang umalis si Agnes patungong Japan upang doon mag-aral. Nakipaghiwalay rin si Xander kay Alex dahil batid nitong mahal pa rin ng binata si Agnes. 

         “Sige, wala naman akong magagawa eh. Ganoon naman dapat kasimple ‘yun. Kung siya, siya. Kung ako, ako. Basta tukayo, mangako ka ah, i-promise mo na hindi mo na ito uulitin sa iba. Kasi unfair eh, kasi masakit, masakit na masakit.” Sinabi ni Alex bago iwan si Xander.

         Si Xander naman ay nagtungo sa La Presa upang dalawin si Agnes at sa kasamaang palad, nakaalis na si Agnes. Samantala, bago umalis si Agnes patungong Japan, nagtungo muna ito sa Mt. Pulag upang doon tuluyang magpaalam kay Xander. At lingid sa kaalaman nito, na nasa likuran na niya si Xander. Sa huli, hiniling ni Xander kay Agnes na pakasalan siya nito. 

     

     “Since forever na tayo, dito na ako magtatanong, kung saan humahalik ang langit sa lupa,” sinabi ni Xander bago niya tuluyang ayain ang dalaga na magpakasal.


  1. Pagsusuri


  1. Uri ng Panitikan


             Teleserye/ Teledrama- ay isang uri ng panitikan na napapanood sa telelisyon na karaniwang hindi makatotohanan o pawang walang pruweba na masasabing totoo. Nagmula ito sa dalawang salita na “tele”, pinaikling salita para sa “telebisyon”, at “serye”, salitang Filipino para sa “series” at “drama” para naman sa drama. Ito ay karaniwang ginagamit bilang pangkalahatang katawagan para sa mga Filipino soap operas sa telebisyon.


  1. Pamagat

             Ang teleserye ay pinamagatang “Forevermore” sapagkat ito ay magandang halimbawa sa paboritong kasabihan ng mga Filipino ukol sa pag-ibig na “Kung kayo, kayo talaga sa huli.” Pinatunayan nina Agnes at Xander na sa kabila ng mga problema at pagsubok na kanilang pinagdaanan, minsan man silang nagkahiwalay, magka-iba man sila ng estado sa buhay, pilit man silang inilayo sa isa’t isa ng tadhana, nagkasakitan man silang dalawa, nakahanap man sila ng iba, ang totoo at tunay na pagmamahal nila para sa isa’t isa ang siyang nagsilbing instrumento upang matupad nila ang kanilang “road to forever.”

Ipinakita rin sa akda kung ano ang kayang gawin ng isang tao para sa minamahal nito. 


  1. Mga Tauhan

  • Alexander “Xander” Grande III (Enrique Gil)- ang makasarili at iresponsableng anak ni Alexander at Bettina. Siya ang lalaking pinakamamahal ni Agnes at sa huli’y hiniling nitong magpakasal sila.

  • Maria Agnes Calay (Liza Soberano) - Ang babaeng may malalim na paniniwala at anak ng straberry farmer. Siya ang babaeng pinakamamahal ni Xander.

  • Katherine “Kate” Saavedra (Sofia Andres)- Dating kasintahan ni Xander and ito rin ang first love nito na kung saan ay ayaw tanggapin na tapos na sila. Bumalik siya upang sirain at paghiwalayin si Agnes at Xander, upang muling bumalik si Xander sa kanya. Kabilang siya sa mga taong dahilan ng pagkasira ng La Presa. 

  • Buboy/ Mang Bubs Calay (Joey Marquez) - ang ama ni Agnes

  • Bettina Rosales-Grande (Lilet)- Ikalawang asawa ni Alex Grande Sr. at ina ni Xander. Ayaw niya si Agnes para sa anak dahil sa estado ng pamumuhay ng pamilya nito at sinubukan niya ring paghiwalayin ang dalawa. 

  • Alexander “Alex” Grande Jr. (Zoren Legaspi)- Ang istriktong ama ni Xander.

  • Mirasol Amparo (Irma Adlawan)- nanay-nanayan ni Agnes.

  • Donia Soledad Grande (Marissa Delgado) - Lola ni Xander na inayawan si Agnes para sa apo.

  • Orly Cranberry (Jason Francisco) - Executive assisstant ni Xander at isa sa mga bayani sa serye.

  • Jay Fernandez (Diego Loyzaga)- Parehong kaibigan nina Xander at Agnes at di kalauna’y nagtapat ito ng nararamdaman para kay Agnes.

  • Marites “Mamang” Calay (Almira Mulach)- Ang bayolohikal na ina ni Agnes na umalis upang magtrabaho sa ibang bansa.


  1. Reaksyon

  1. Sa Mga Nagsiganap


  • Liza Soberano- Mahusay! Hindi ko man gusto ang pag-arte ni Liza noong una, nabighani at napabilib ako sa galing niya sa pag-arte habang tumatagal ang serye. Natural at damang-dama ang nais iparating ng kanyang karakter sa pelikula. Medyo naiilang lang ako sa tuwing nahihirapan siyang magsalita ng Filipino pero hindi iyon naging hadlang upang magampanan niya nang maayos ang karakter nito. May mga pagkakataong ring hindi niya nabibigyang hustisya ang karakter nito marahil ay kulang sa emosyon at galing sa pagbitiw ng mga linya. Sa kabuuan, habang tumatagal ang serye, mas gumagaling ang kanyang pagganap bilang si Agnes.


  • Enrique Gil- Tulad rin ni Liza, isang napakahusay na aktor si Enrique. Mapapaiyak at madudurog ka sa kaparaanan niya ng pagbitiw ng mga linya. May mga emosyong hindi mo maipaliwanag sa tuwing siya na iyong magsasalita at tila ba ikaw ang kausap niya. Malulunod ka sa sarili mong luha dahil marunong itong kumonekta sa mga manunuod. Natural at hindi malayo sa realidad ang katangiang mayroon ang karakter nito at siya namang binigyang nitong hustisya. 


  • Sa Mga Katulong na Tauhan- Mahusay ang bawat karakter na mas lalong nagpaganda at nagbigay-buhay sa teleserye. Magaling sa pagpapakita ng emosyon at sa pagbitiw ng mga linya na mas lalong nagbigay-rason sa mga manunuod na lalong tangkilikin at mahalin ang teleserye. Saktong-sakto at natural ang pagganap at hindi kakikitaan ng anumang hirap sa pag-arte na nagbigay kabuluhan sa teleserye.


  1. Istilo ng Manunulat ng Iskrip

  • Napakagaling! Ang mga istorya sa teleserye ay nabigyang-linaw sa pamamagitan ng salaysay, dayalogo upang mas lalong palutangin ang istorya. Maraming kaparaanang ginamit ang manunulat tulad ng pagbabalik-tanaw, metapora upang mas lalong patingkadin ang mga emosyong nais palabasin sa bawat pangyayari sa serye. Bagama’t natural at simple ang daloy ng istorya ng mga karakter, ito’y naging kapanapanabik sapagkat sa mga linyang binibitiwan ng bawat tauhan. Marahil ay madaling hulaan ang wakas ng serye subalit nananatili pa ring tanong sa mga manunuod kung paano magtatagumpay ang mga bida upang makamit ang inaabangan ng lahat. At dahil iyon sa husay ng manunulat ng iskrip. Hindi rin naging mahirap intindihin ang mga dayalogo na naging dahilan upang tuluyang makapasok o magkaroon ng matibay na ugnayan ang mga karakter sa mga manunuod. Hindi rin naging madamot ang manunulat ng iskrip sa pagbibigay ng mga makabagbag-damdaming eksena, tila ang mga manunuod ay nakasakay sa roller coaster  sa halo-halong emosyong hatid ng serye. 


  1. Istilo ng Pagdidirehe

  • Wala akong masabi sa sobrang husay ng pagkakadirehe ng serye. Naubos ang mga salita upang ilarawan kung gaano kanatural, kaganda, kasimple ang serye. Tunay na napakahusay ang direktor upang makamit ang pinakalayunin ng palabas. Mas lalong binigyang buhay nito ang akda sa mas kapani-paniwalang paraan. Maging ang mga edits at mga tunog na ginamit sa akda ay natural at angkop. Bagama’t hindi lang nakapokus sa iisang paksa ang serye, makikita ang kaisahan ng mga pangyayari sa kabuuan. Magaling rin ang paggalaw at paglapit ng kamera na tipong madadala ka sa kung nasaan man ang mga karakter, mararamdaman mo ang mga nararamdaman rin ng mga karakter. At sa ganoong kaparaanan, napaka-epektibo ang serye para sa akin.

 

  1. Teoryang Pampanitikan

  • Romantisismo. Ang pananalig na ito ay mas pinahahalagahan ang damdamin kaysa pag-iisip. Namamayari rito ang emosyon at likas na kalayaan. 


Ipinakita sa serye ang iba’t ibang mukha ng pag-ibig. Pagmamahal sa pamilya, si Agnes ay naging isang larawan ng isang anak na mapagmahal at gagawin ang lahat upang matulungan ang kanyang pamilya at mapasaya ang kanyang mga magulang. Pagmamahal sa kalikasan, ipanikita sa serye kung paano ipinaglaban nina Agnes ang La Presa mula sa balak na patayuan ito ng resort. Pagmamahal ng magulang sa anak, ipinakita ni Mang Buds ang labis na pagmamahal sa anak, pinrotektahan at inaruga niya si Agnes upang punan ang mga pagkukulang ng kanyang ina. Pagmamahal ng isang kaibigan, ipinakita sa akda ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang tunay at tapat na kaibigan. Pagmamahal na walang hinihinging kapalit, ipinakita ni Jay kay Agnes na bagama’t batid nitong wala itong nararamdaman sa kanya kundi bilang isang kaibigan lamang, nanitili ito sa tabi ng dalaga upang patunayan ang kanyang nararamdaman. Pagmamahal na makasarili, ipinakita ni Kate ang ganitong uri ng pag-ibig sa paraang handa niyang sirain ang relasyon ni Xander kay Agnes upang muli itong magbalik sa kanya. Pagmamahal na mapagparaya, ipinakita ni Alex ang ganitong uri ng pag-ibig nang buong puso niyang pinalaya si Xander at tinanggap na mahal pa rin nito si Agnes. At higit sa lahat, pag-ibig na wagas, pinatunayan nina Xander at Agnes ang ganitong uri ng pag-ibig dahil sa kabila ng kanilang mga pinagdaanang pagsubok, pinaghiwalay man sila ng tadhana, inilayo man sila sa isa’t isa, pinatunayan nilang ang wagas na pag-iibigan nila ang siyang magiging daan upang kanilang tahakin ang buhay ng magkasama.

                          


  • Eksistensyalismo. Sa pananalig na ito ang kalayaan at hangaring awtentiko ang tanging nais kilalanin dito. 


Sa serye, ilang beses ipinakita kung paano nanindigan at nagdesisyon ang bawat karakter. Inilarawan kung papaanong piniling isakripisyo ni Xander ang relasyon nila ni Agnes upang maprotektahan ito at maisalba ang La Presa. Ipinakita rin ni Agnes ang paninindigan upang ipagtanggol ang kanilang lupa, ang La Presa at ang kanilang hanapbuhay. Ipinakita rin nila kung paano nagpasya ang dalawa na muling patunayan ang pag-ibig nila sa isa’t isa. 


  • Realismo. Ang pananalig na ito ay naglalarawan ng makatotohanang pangyayari sa buhay. Ang mga tauhan ay nagtataglay ng ordinaryong suliranin sa buhay at ang usapan ng mga tauhan ay parang natural. 


Ang buong serye ay masasalamin sa totoong buhay. Kung paanong mamuhay ng simple at masaya ang mga magsasaka na tila hindi kakikitaan ng pagod na isa sa pinakamagandang katangian ng mga Pilipino.  Kung paano piniling iwan si Agnes ng kanyang tunay na ina upang doon magtrabaho sa ibang bansa na hindi na bago ngayon sa ating bansa, maraming mga magulang ang pinipiling mangibang-bansa upang masuportahan ang mga anak. Ang pagmamaltrato ng mga nakatataas sa mga mahihirap tulad ng ipinagawa sa mga mamamayan sa La Presa upang mapaalis lamang sila sa kanilang lupain. 


  • Klasismo. Pananalig na pinananaig ang isipan kaysa damdamin. Ang pananalig ring ito ay nagsisimula sa pinakamataas patungo sa pinakamababang uri. 

Ipinakita sa akda ang pagmamalupit ng mga mayayaman at makapangyarihan sa mga dukha. Tulad ng pagmamalupit at pagsasabotahe ng magkapatid na Sheree at Julius sa mga taga-La Presa na nagawa pa nilang ipabugbog at ipasira ang mga pananim ng mga magsasaka roon. Inilarawan rin sa serye ang mababang pagtingin ng mga Grande sa estado ng pamumuhay nina Agnes lalo na nang kanilang malaman na ito’y kasintahan ng kanilang apo na si Xander. 


  • Modernismo. Ito ay pananalig na nagbibigay-diin sa pagbabago kung kaya ipinakita ang paghihimagsik sa isang tradisyon, kaugalian o paniniwala.


Maraming tradisyon, kaugalian o paniniwala ang nais buwagin ng serye. Isa na roon ang paniniwalang ang mayaman ay para lamang sa mayaman. Bagama’t hindi naging madali para kay Agnes at Xander na ipaglaban ang kanilang relasyon dahil sa ayaw ng pamilya ni Xander si Agnes dahil sa katayuan ng pamilya nito. Subalit hindi iyon naging rason upang ipagpatuloy nila ang naudlot nilang pagmamahalan at kanilang pinatunayan na ang pagmamahal ay hindi dapat nakabase sa estado ng buhay. At isa pa, nais rin sirain ng serye ang paniniwalang pera lamang ang makapagpapaikot ng mundo. Pinatunayan ng mga taga-La Presa na hindi kailanma’y matatakpan ng pera ang mga kamalian at katiwalian ng sinuman at mananaig pa rin ang katotohanan. Lalog-lalo na nang makulong ang maagkapatid na sina Sheree at Julius na may pakana ng lahat ng paghihirap nila. 



  1. Bisang Pampanitikan

  1. Bisa sa Isip

  • Ikinintal ng serye sa akin na “Walang hindi kayang gawin sa ngalan ng pag-ibig.” Nais ipabatid ng serye na kayang gawin ng taong umiibig ang lahat para sa kanyang iniibig. Ito’y hindi lamang umiikot sa iisang mukha ng pag-ibig. Handang gawin ng ama ang lahat para sa kanyang anak tulad ni Mang Buds kay Agnes. Handang gawin ng anak ang lahat para sa kanyang mga magulang, kadugo man ito o hindi tulad ng ginawa ni Agnes sa kanyang Papang at Mamang. Handang gawin ang lahat ng isang kaibigan ang lahat para sa mga ibang kaibigan tulad ng ginawa ni Jay para kay Agnes. Handang gawin ng nagmamahal ang lahat para sa ikaliligaya ng minamahal, tulad ng pagpaparayang ginawa ni Alex kay Xander, ni Jay kay Agnes, at ni Xander kay Agnes. 


  1. Bisa sa Damdamin

  • Matutong maging totoo sa sariling nararamdaman. Ang tunay na pag-ibig ay hindi laging bed of roses, may mga tinik rin ito. Nais ipadama ng serye, na kapag pinili nating magmamahal, ihanda na natin ang ating sarili sa sakit. Pero kung tunay nga ang iyong nararamdaman para sa isang tao, maniniwala kang ang ikalawang pagkakataon ay hindi imposible. 


  1. Bisa sa Kaasalan 

  • Matutong magpatawad, umintindi sa mga taong nanakit sa iyo. Masyadong maikli ang buhay upang manatili at magtanim ng galit sa mga taong nanakit, nang-iwan at nagpaluha sa iyo. Matutong mamuhay ng payapa at masaya sa kabila ng mga problema at pagsubok na pinagdaraanan natin sa ating buhay. Maging isang mabuti, mapagpakumbabang tao subalit matutong ipaglaban ang mga bagay na alam mong tama. Matutong makisama at magkaroon ng magandang ugnayan lalong lalo na sa mga taong malalapit sa iyo. Huwag magbibitiw ng mga pangakong hindi naman kayang panindigan. 


  1. Bisa sa Lipunan

  • Napakaganda ng mensahe ng teleserye sa bawat manunuod nito. Huwag gamitin ang yaman upang kontrolin ang buhay ng iba. Huwag gamitin ang pera upang makuha ang mga bagay na pagmamay-ari na ng iba. Huwag gamitin ang pera upang manipulahin ang mga bagay-bagay na maaaring makasama o ikapahamak ng iba. Mamuhay ng may pantay na pantay na pagtingin sa bawat isa. 


  1. Bisang Pangmoral

  • Matutong magparaya at magpalaya lalong-lalo na sa mga bagay na hindi para sa atin itinadhana. Matutong tumupad ng mga pangako. Magkaroon ng lakas ng loob upang harapin ang mga problema na ibinabato sa iyo ng mundo. Makuntento at maging masaya sa mga simpleng bagay na iyong natatanggap. Matutong tumanggap ng pagkakamali, matutong magpatawad at humingi ng tawad. Matutong rumespeto sa desisyon ng bawat tao nang walang panghuhusga. 


PAGSUSURI NI:
Binibining Diane

Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL