Paglalahad ng Impormasyon at Realidad - Paghahatol at Pagbibigay-Opinyon
Paksa: Paglalahad ng Impormasyon at Realidad
Paghahatol at Pagbibigay-Opinyon
PANIMULA:
Bilang guro sa Filipino at nagtuturo ng panitikan mahalaga na maikintal natin sa isip ng ating mga mag-aaral ang mga mabubuting aral sa bawat akdang itinuturo natin sa kanila. Isa sa mga paraan para maisakatuparan ito ay ang pag-uugnay ng kanilang mga sariling karanasan sa mga pangyayari sa buhay ng mga tauhan sa bawat akdang pampanitikang tinatalakay. Upang malaman ang kaugnayan ng mga pangyayari kailangan humihingi tayo ng opinyon mula sa kanila at malaman natin bilang guro kung paano nila hatulan ang mga desisyon ng mga tauhan o kaya ay sila mismo ang magbigay hatol sa mga pangyayari sa akda. Upang maging mabisa ang pagbibigay-opinyon at pagbibigay-hatol kailangan maturuan natin ang ating mga mag-aaral kung papaano bumuo ng isang mahusay na pangungusap na susuporta sa kanilang mga opinyon. Sa paksang ito ating tatalakayin ang mga salitang mainam gamitin upang maipahayag ng matibay ang opinyon at hatol ng mga mag-aaral.
NILALAMAN:
Ano ang paghahatol?
Ang paghahatol o pagmamatuwid – ay ang katotohanang pinagtitibay o pinatu-tunayan sa pamamagitan ng mga katwiran o rason. (Arogante)
Mga Dahilan sa Paghahatol o Pagmamatuwid:
upang mabigyang - linaw ang isang mahalagang usapin o isyu
maipagtanggol ang sarili sa mali o masamang propaganda laban sa isang tao
makapagbahagi ng kanyang kaalaman sa ibang tao
makapagpahayag ng kanyang saloobin
mapanatili ang magandang relasyon sa kanyang kapwa
Ano ang pagbibigay-opinyon?
Ang isang opinyon ay isang saloobin o damdamin lamang batay sa mga makatotohanang pangyayari at hindi maaaring mapatunayan kung tama o mali.
Sa pagbibigay ng opinyon, makakabuti kung tayo ay may sapat na kaalaman sa paksang pinag-uusupan upang masusing mapagtimbang-timbang ang mga bagay at maging katanggap-tanggap ang ating mga opinyon.
Mga salitang ginagamit sa Pagbibigay ng Matatag na Opinyon
Buong giting kong sinusoportahan ang...
Kumbinsido akong...
Labis akong naninindigan na...
Lubos kong pinaniniwalaan...
Mga salitang ginagamit sa Pagbibigay ng Neutral na Opinyon
Kung ako ang tatanungin...
Kung hindi ako nagkakamali...
Sa aking pagsusuri...
Sa aking palagay...
Sa aking pananaw...
Sa ganang sarili...
Sa tingin ko...
Sa totoo lang...
Halimbawa:
•Para sa akin ay wala namang naiaambag sa tao at sa mundo ang internet.
•Pilipinas ang pinakaligtas at pinakamagandang bansa sa buong mundo.
•Pinakamatibay ang telepono na Motorola dahil bukod sa nauna ito sa merkado ay maganda ang patalastas nito sa telebisyon.
KONGKLUSYON:
Mahalaga na sa pagtatapos ng bawat aralin ay kunin natin ang opinyon at saloobin ng ating mga mag-aaral, una, upang malaman natin kung naunawaan ba nila ang paksang tinalakay, pangalawa, upang malaman kung nakinig nga ba sila sa talakayan, pangatlo, upang malaman natin kung ano ang napulot nilang kaalaman at panghuli upang makita natin ang kanilang kakayahan pagdating sa pagbuo at pagbibigay ng sariling opinyon.
SANGGUNIAN:
Comments
Post a Comment