Paglalahad ng Impormasyon at Realidad- Linggwistika at Pagtuturo ng Filipino
Paksa: Paglalahad ng Impormasyon at Realidad
Pagpapahayag ng Lohikal na Kahulugan sa Tulong ng mga Pangungusap
Panggamit ng Iba’t Ibang Anyo ng Isteytment
____________________________________________________________________________________
#Pagtalakay: Pagpapahayag ng Lohikal na Kahulugan sa Tulong ng mga Pangungusap
Lohikal
nagiging makahulugan kapag pinag-ugnay o pinagsama ang mga konsepto.
nagpapahayag ng relasyon o kaugnayan.
Mga Konseptong Gramatikal
Bahagi ng Pananalita
Pangnilalaman (Nominal) at Pangkayarian
Pangungusap
Ayon kay Tanawan,et.al (2007),ang pangungusap ay:
binubuo ng salita o lipon ng mga salita na nagtataglay ng buong diwa.
nagsisimula ito sa malaking titik at nagtatapos sa tamang bantas gaya ng tuldok,tandang pananong,at tandang padamdam.
Dalawang Uri ng Pangungusap
Di-Predikatibong pangungusap
Ang salita o lipon ng mga salita na walang simuno o panaguri ngunit buo ang diwa.
Mga Uri
1.Sambitlang panawag. Ito ay ang mga sambitlang salita na ginagamit bilang pantawag sa tao.
Halimbawa: Kuya A! Angel!
2. Padamdam. Ang mga pahayag na nagsasaad ng damdamin.
Halimbawa: Naku po! Aray ko!
3. Pagtawag. Ito ay ginagamit sa pagtawag.
Halimbawa: Kuwan! Hoy!
4. Pautos. Ginagamit sa pag-uutos.
Halimbawa: Takbo! Alis diyan!
5.Pangkalikasan/Penominal. Ito ay ang mga pangyayaring pangkalikasan na nagsasaad ng kalagayan ng panahon dulot ng kalikasan.
Halimbawa: Umuulan. Lumilindol.
6. Panagot sa Tanong. Ito ang mga pahayag na ginagamit bilang panagot sa mga tanong.
Halimbawa: Opo. Ayaw ko.
7. Panahon. Ito ang mga pahayag na nagsasaad ng panahon.
Halimbawa: Mamaya na. Sa makalawa.
8. Pagbati/Pormularyong Panlipunan. Ito ang mga pahayag o katagang ginagamit sa pagbati.
Halimbawa: Magandang umaga po. Kumusta ka?
9.Pagpapaalam. Ito ang mga pangungusap na ginagamit sa pagpapaalam.
Halimbawa: Paalam po. Tuloy na po ako .
10. Pamuling Tanong. Ang pangungusap na ito ay ginagamit kung gusto mong ulitin ng inyong kausap ang kanyang sinasabi.
Halimbawa: Ano ika mo? Saan nga ba?
11. Pakiusap. Ginagamit ang mga pangungusap na ito kung nakikiusap.
Halimbawa: Maaari ba? Sige na.
12. Pampook. Ang pangungusap na ito ay ginagamit bilang sagot sa mga tanong kung saan.
Halimbawa: Sa PSU. Sa Baguio.
13.Eksistensyal.Ang pangungusap na ito ay nagsasaad ng pagkamayroon o pagkawala. Halimbawa: May tao pa! Wala na.
Predikatibong pahayag o pangungusap
Ito ay may paksa at panaguri.
Dalawang Pangunahing Bahagi ng Predikatibong Pangungusap
Paksa
Panaguri
Mga Uri: Panaguring Pangngalan,Panaguring Panghalip,Panaguring Pang-uri. Panaguring Pandiwa,Panaguring Pang-abay,Panaguring Pawatas
Ayon sa Gamit
1.Paturol. Nagpapahayag ng katotohanan,kalagayan,palagay o pangyayari.Ginagamitan ito ng bantas na tuldok.
Halimbawa:
1. Magaganap ang eleksyon sa Mayo 10.
2. Nagbanta ng pagwewelga ang mga manggagawa kapag hindi itinaas ang kanilang sahod.
2. Patanong. Nag-uusisa o nagtatanong na sinasagot ng oo at hindi o kaya’y isang impormasyon o pagpapaliwanag. Ginagamitan ito ng bantas na pananong (?).
Halimbawa:
Kumain ka an ba?
Bakit mo ginawa iyan sa kanya?
3.Pautos o Pakiusap. Nag-uutos o nakikiusap na karaniwang nilalagyan ng kuwit kapag may tinatawag. Ginagamitan ito ng bantas na tuldok. Ang panlaping maki at paki ay karaniwang ginagamit upang magpahayag ng pakiusap at paggalang.
Halimbawa:
1. Pakikuha mo ang gamit sa bahay.
2.Pumasok ka nang maaga.
4.Padamdam. Nagsasaad ng matinding damdamin tulad ng sakit,tuwa,galit,at iba pa. Ginagamitan ito ng bantas na padamdam (!).
Halimbawa:
1.Naku! Nahulog na ang loob ko sa iyo.
2. Ito na ang pinakamaligayang sandal sa aking buhay!
Ayon sa Kaayusan
1.Karaniwang ayos. Kapag nauuna ang panaguri sa paksa.
Halimbawa:
1.Masisipag at mababait ang mga anak ni Dolly.
2. Matatalino silang magkakapatid.
3.Mapitagang sumagot sa kanyang guro ang bata.
2. Kabalikan o di-karaniwang ayos. Nauuna ang paksa sa panaguri. Ginagamitan ito ng panandang ay.
Halimbawa:
1.Ang mga anak ni Dolly ay masisipag at mababait.
2.Silang magkakapatid ay matatalino.
3.Ang bata ay mapitagang sumagot sa kanyang guro.
Ayon sa Kayarian
(a) Payak
(b) Tambalan
(c) Hugnayan
(d) Langkapan
#Pagtalakay: Panggamit ng Iba’t Ibang Anyo Isteytment
Pagpapahayag: Mauuri ang paraan
1.Paglalarawan/Deskriptib
-Makabuo ng malinaw na larawan sa isipan/imahinasyon ng mambabasa o tagapakinig.
-Wasto,angkop at piling mga salita.
-Detalyadong pamamaraan(bagay,pook,tao o pangyayari)
Mga Dapat Isaalang-alang na Hakbang
1.Pagpili na paksa o bagay na ilalarawan.
2.Pagbuo ng isang batayang larawan.
3.Pagpili ng sariling pananaw
4.Kaisahan
5.Pagpili ng mga bahaging isasama.
Dalawang Uri ng Paglalarawan
1.Karaniwan o obhektibong paglalarawan
-naglalayon itong makabuo ng malinaw na larawan sa isipan ng nakikinig o bumabasa.
Halimbawa
Isa siya sa aking mga estudyante sa Retorika.Matangkad siya kaysa sa kanyang mga kamag-aaral,may maputi at makinis na kutis,balingkinitan at maayos magdala ng damit. Nakatutuwang pagmasdan ang kanyang mga mata na kapag siya’y tumatawa ay kababakasan ng kanyang hindi maitagong damdamin.
Tampulan siya ng paghanga ng mga kaklase niyang lalaki subalit nagiging sanhi ng pangingimbulo ng mga kababaihan.
2.Masining o subhektibong paglalarawan
-sa paraang ito,napupukaw ang guniguni ng mga mambabasa o tagapakinig.
Halimbawa
Sa paningin ng isang anak,ang kanyang ina ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa.
Tulad ko,para sa akin,wala nang gaganda pa kay Inang. Kahit na sabihin pang may higit na maganda kaysa kanya,ipakikipaglaban ko ito.
Talagang maganda siya sa tunay na kahulugan ng salitang ito. Katamtaman angb taas niya na bumagay sa balingkinitan niyang katawan;malaporselana,wika nga ,ang kanyang maputi,makinis at mamula-mulang kutis;mahaba at malago ang kanyang buhok na animo’y gabing walang bituin sa kaitiman.
Mga Kasangkapan sa Malinaw na PAGLALARAWAN
1.Wika
2.Maayos na mga detalye
3.Pananaw ng naglalarawan
4.Isang kabuoan o impresyon
Halimbawa
Maliwanag ang umaga noon, Ang panahon ay kaaya-aya,ang hangin ay parang dampi ng buntung-hininga sa pisngi.Subalit lingid sa kamalayan ni Benigno ang lahat ng iyon. Nasa loob siya ng isang silid na air-conditioned,naiidlip;sa loob niyon,hindi nakapaglalagos ang sinag ng buwan sa gabi,ni ang sikat ng araw sa umaga. Laging nakasara ang mga bintana,upang kaipala’ymakita ang mamahaling kurtina na buhat pa sa Hongkong;Iyo’y yari sa telang damask ang kulay maroon at umano’y mahirap matagpuan sa alinmang mansyon ng sino mang opisyal ng pamahalaan.
-Mula sa “Satanas sa Lupa” ni Celso A. Carunungan
2.Paglalahad/Ekspositori
-Paglalarawan o pagsasalaysay na makakatulong sa gagawing pagpapaliwanag ng isang pangyayari o katotohanan.
-Kahulugan ng isang salita
-Lipon ng mga salita
-Paano ginagawa ang isang bagay.
-Bakit ganoon ang isang pangyayari.
Mga Katangian ng isang Mahusay na Paglalahad
1. Kalinawan
2. Katiyakan
3. Kaugnayan
4. Diin
Uri ng Paglalahad
1.Pagbibigay-katuturan-isang uri ng paglalahad na nagbibigay ng paliwanag tungkol sa kung ano ang isang bagay o salita. (Madaling maunawaan,iwasan ang maliligoy ng mga salita)
2 Uri
a. Pagbibigay Kahulugan-nasasalig sa maayos at makatwirang paghahanay ng mga salitang nagbibigay nang maayos at malinaw na kaalaman.
3 Sangkap (Pananalita o Salita/Bagay,Kaurian at Kaibahan)
Halimbawa: Ang kapayapaan ay uri ng kalagayan ng tao o kapaligiran,kung saan ito ay libre o Malaya sa anomang suliranin,pagsubok,tukso,bagabag at anomang kaguluhan.
b. Paraang Pasanaysay- pagbibigay ng katuturan ang isang bagay o salita ay kailangan ng paliwanag na gumagamit ng paglalarawan, paghahalimbawa, pagtutulad at paghahambing, pagsusuri, at kung minsan ay sanhi at bunga.
2.Sanaysay
3.Pagbibigay ng Instruksyon Kung Paano ang Paggawa ng Isang Bagay
4.Ang Ulat
Mga Paraan ng Pagpapaliwanag Kung Naglalahad
1. Pag-iisa-isa
2. Pagbibigay ng halimbawa
3. Pagbabahagi-bahagi
4. Paghahambing
5. Sanhi at Bunga
6. Pagsusuri
Halimbawa
Ang paglaki ng sanggol ay nakasalalay sa tamang pagkain. Ang gatas ang pangunahing kailangan ng kanyang katawan. Para sa sanggol,ang gatas ng ina ang pinakamahusay. Batay sa kanyang kalagayan,maaaring simulan ang karagdagang pagkain mula sa ika-2 hanggang 6 na buwan.
-Mula sa “Pagpapasuso ng Ina” Dr.Rebecca A. Biscocho-Bangahan
3. Pagsasalaysay/Naratib
- Magkuwento o mag-ugnay-ugnay ng mga pangyayari
- Magbigay aliw at magpalipas ng oras.
2 Paraan
Pasalita
Pasulat
Pagkunan ng Paksang Isasalaysay
1.Sariling Karanasan (Malungkot at Masaya)
2. Nakita at Napanood
3. Napakinggan o Narinig
4. Nabasa
5.Likhang-isip
Mga Katangian ng Pagsasalaysay
1. May maganda o mabuting pamagat
a. maikli
b.may orihinalidad at di-karaniwan
c.hindi katawa-tawa
d.lumikha ng pananabik
*Panahon,Pook,PangunahingTauhan,
Mahahalagang Pangyayari sa isasalaysay
2. May mahalagang paksa o diwa.
3.May wasto o maayos na pagkakasunud-sunod ang mga pangyayari.
4.Ang mabuting pagsasalaysay ay may kaakit-akit na simula.
5. May kasiya-siyang wakas ang mabuting pagsasalaysay.
Halimbawa
Isang araw ay tinawag si Barlaan si Josaphat at sinabi ritong siya ay malapit nang mamatay. Muling pinaalala kay Josaphat ang kahalagahan ng pananatili ng pananampalataya at panalangin kung ibig lamang ng isang tao na mabigyang-lugod niya ang Diyos. Iniutos sa kanya na sunduin ang mga monghang nagsisipanirahansa di-kalayuang pook at magdala siya ng mga kagamitan sa pagmimisa. Ito’y sinunod niya at ang matandang si Barlaan ay nagdaos ng banal na pag-aalay. Makaraan ang ilang saglit,matapos niyang ipanalangin si Josaphat at hingin para sa kanyang minamahal na anak sa pananampalataya ang pagkupkop sa Diyos,siya’ynamatay.
-Mula sa “Barlaan at Josaphat” ni San Juan Damasceno
salin ni P.Antonio de Borja Kabanata XXXIX
4. Pangangatwiran
- Paraan ng pagpapatunay sa isang paniniwala.
- “Bakit”
-Manghikayat o kumumbinse
-Paglalarawan,Paglalahad at Pagsasalaysay
Mga Hakbangin sa Pangangatwiran
1.Dapat alam kung anong paksa ang nangangailangan ng pangangatwiran.
2.Kailangang malaman ang pagsusuri ng isang proposisyon upang sa gayon ay maangkupan ng mabubuting mga argumento.
3.Dapat pag-aralan ang paraan ng pangangatwiran upang makatipon ng mga gagamiting katibayan sa pagbuo ng argumento.
4.Pag-aralan at suriin ang mga argumento at ang mga ebidensiya.
Tatlong Paraan ng Pangangatwiran
1.Paraang lohikal na maaaring isagawa sa istilong pagtutulad.
*Ang buhay ay parang isang maskara.
2. Paraang Patiyak o Paraang Induktibo.
*Kahirapan ng Buhay sa Gitna ng Pandemiko
3.Paraang Pasaklaw o Paraang Deduktibo
*Krimen:Bunga ng mga Suliraning Pangkabuhayan
Proposisyon Bilang Paksa
-Isang paninindigan sa anyo ng pangungusap na nagsasaad ng mga bagay na maaaring tutulan o panigan,kaya nagiging paksa ng pagtatalo.
-Pinatutunayan sa pamamagitan ng mga argumento.
Tatlong Uri ng Pangangatwiran
1.Pangyayari
“Nagkaroon ng lihim na kumperensiya ang mga Pangulo ng iba’t ibang samahang pangmag-aaral sa hindi malaman mga dahilan.”
2. Kahalagahan
“Ang pakikiisa ng mamamayan sa pamahalaan ay mahalaga upang malutas ang kinakaharap na pandemic.
3.Patakaran
Dapat Alisin ang mga Tradisyunal na Dyip at Palitan ng mga Modernong Dyip
Mahusay na Proposisyon
1.Napapanahon
2.Walang Kinikilingan
3.Isang ideya na taglay para sa isang argumento.
4.Patunayan ng mga Ebidensiya
5.Malinaw at Tiyak
6.Nag-aanyaya ng isang pagtatalo.
Ang Pagsusuri ng Proposisyon
1.Itala ang mga maaaring gawing argumento sa proposisyon.
2.Kung nakatala na ang mga argumento,iayos ang mga ito.
3.Tuklasin ang isyu.
4.Pagkatapos ng pagsusuri sa mga proposisyon at mga argumento,linawin ang mga ebidensiya.
(mga saksi,obserbasyon,pangyayari,ang mga dalubhasa,ang mga opinion ng mga taong kilala at awtoridad sa paksa)
Dapat Tandaan:
1. Limitasyon ang paksang pangangatwiranan.
2. Unawain muna at magkaroon muna ng sapat na kaalaman tungkol sa paksang ipagmamatwid.
3.Magkaroon ng sapat na katunayan upang magtagumpay sa pagmamatwid.
4.Ilahad ang mga katwiran nang tiyak at malinaw.
5.Dapat makabuluhan ang mga kaalamang nakapaloob.
6.Suriing Mabuti ang mga katwirang ilalahad.
7.Pangibabawin ang pagsasaalang-alang,katarungan at bukas na kaisipan sa pagmamatwid.
8. Pinagkukunan ng mga inilalahad na patunay ay mapagkakatiwalaan.
9.Ipakita na ang pangangatwiran ay may tiyak na tinutungo.
10. Pangibabawin ang layuning manghikayat.
Halimbawa
Totoo! Ako’y may ambisyon;subalit ito’y ambisyon ng pagiging hamak na galamay sa ilalim ng Maykapal upang pagkasunduin ang nagkawatak-watak na mamamayan;upang minsan pa’y buhayin ang pagkakaisa at pagmamahalan sa madugong lupain-isang ambisyong naghahangad na masilayan ang maningning na silahis ng isang malaya,nagkakaisa,maunlad at nagkakapatirang mamamayan.
-Mula sa “The Compromise of 1883” ni Henry Clay
Mga Sanggunian
Aklat
Fernandez,Jeraldine Bautista,et.al.2015.Komunikasyon sa Akademikong Filipino.Grematima Printing Services,Batangas City,pahina61-63
Tanawan, Dolores, et.al. 2007.Istruktura ng Wikang Filipino. Jimcy Publishing House,Cabanatuan City,pahina 154-162
Lorenzo,Carmelita S.,et.al.2002.Sining ng Pakikipagtalastasang Panlipunan (Pangkolehiyo). National Book Store,Mandaluyong City,pahina 93-56.
Elektronikong Batis
https://books.google.com.ph/books/about/Komunikasyon_at_Linggwistika.html?idvbaqc_7FXNsC&redir_esc=y
Pahina 42-102
Comments
Post a Comment