MAY TIBOK ANG PUSO NG LUPA- PAGSUSURI

 

  1. PAMAGAT:                   MAY TIBOK ANG PUSO NG LUPA 

  2. MAY-AKDA:                 Bienvenido A. Ramos



    III.     BUOD:


KABANATA 1

Isinilang ang Tupang Itim


         Abril 1942. Sa kasagsagan ng sagupaan ng bagong lumalakas na pangkat ng gerilya at umuusig na mga kawal Hapones, balisang-balisa si Don Andres sa bahay-asyenda sa Lupang Pangako dahil manganganak na ang kanyang asawa na si Donya Consuelo. Si Don Andres ay isang ultimong kasike na nagtataglay ng salapi, kayamanan at di-maliparang uwak na lupain subalit sa pagkakataong iyo’y tila walang magawa ang mga ito upang maibsan ang hirap ng asawa nito sa panganganak. Wala rin ang kanyang panganay na anak na si Primo, marahil ay kasama ng mga gerilya. Maging ang ikalawa nitong anak na si Venacio na inutusang magtungo sa bukirin. Sa mga oras na iyo’y hindi mapirmi si Don Andres sa kanyang kinaroroonan sapagkat wala pa rin si Kulas, ang kanyang tauhan na inutusan upang tawagin si Dr. Samson. Awang-awa ito sa asawa sa lubusang pagpapasakit kumpara sa dalawa nitong pagbubuntis. Bagama’t hindi naniniwala sa hilot si Don Andres, inutusan nito si Aling Masang, ang kanilang kasambahay, na tawagin si Gunda, ang kilalang mangingilot sa lugar. Nang dumating ito, agad nilang pinaanak si Donya Consuelo, habang nasa labas ng silid si Don Andres, may kung anong saya sa loob-loob nito nang malamang lalaki ang iluluwal na sanggol ng asawa. Pagkaraan ng ilang sandali, natapos ang ire, nailabas ang bata, malusog at malaki. Subalit sa kasawiang palad, binawian ng buhay si Donya Consuelo. Ang dating saya na nadarama ng asawa’y napalitan ng hinagpis, ni hindi hinawakan ni Don Andres ang bagong silang na anak.



KABANATA 2

May Tinik ang Kataka-taka


            1947. Noon ay limang taon na si Felipe, ang anak na sa pagsisilang ay ikinamatay ni Donya Consuelo. Limang taon na ring nagluluksa ang bahay-asyenda sa pagkawala ng ilaw ng tahanan. Noon ay tanging si Magda, ang nag-aalaga kay Felipe, ang palagi nitong kasama at kausap sa bahay. Pinagbabawalang lumabas at makisalamuha sa ibang tao si Felipe. Bagama’t nakatambak ang mga laruan sa kanilang bahay, ninanais pa rin nitong magkaroon ng kalaro. Hindi rin siya kinakausap ng ama at hindi rin niya mahagilap ang kanyang mga kuya. Hanggang sa isang araw, nalingat si Magda sa pagbabantay sa kanya at siya nama’y sumalisi at nagtungo sa bukid. Doo’y nakilala niya ang anak ng magsasaka na sina Fidel, siyam na taong gulang at si Minyang, 6 na taong gulang. Ang dalawa ay magpinsan. Noong una’y ayaw ni Fidel na makalaro si Felipe sapagkat siya ay anak-mayaman kumpara sa kanila. Subalit di naglao’y naging matalik na magkakaibigan ang tatlo. Noon ri’y nalaman ni Felipe ang mga bagay na ipinagtataka niya, kung bakit wala siyang ina, kung bakit malamig, masungit at mailap ang ama nito sa kanya. Nalaman niya rin kung gaano di maliparang-uwak ang lupain na pagmamay-ari ng kanyang ama.

KABANATA 3

Mga Anak ng Digma


         Sa murang isip ni Felipe, kaniyang hinahangaan ang kanyang Kuya Primo dahil sa angking galing daw nito sa pakikipaglaban at angking katapangan. Nasa ika-anim na grado na si Felipe sa pampublikong paaralan sapagkat walang pribado noon sa Lupang Pangako at kaeskuwela nito si Minyang. Isang hapon, nagtungo si Felipe sa bakuran nina Tata Terong, ama ni Minyang. Doo’y nalaman niya ang bagong patayong ‘bahay’ ng kanyang Kuya Primo kung kaya’t inaya niya si Minyang na magtungo roon. Pagdating doo’y nag-iinuman ang mga lalaki kasama ang kanyang Kuya Primo. Natuklasan ni Felipe na hindi eskwelahan o bahay ang ipinapatayong gusali ng kanyang kuya sapagkat narinig niya itong magdadadala ng maraming magagandang babae. Napansin rin ni Felipe na takot ang mga lalaking naroon, siguro dahil may baril ang Kuya Primo niya. Napansin ng kanyang Kuya na naroon siya. Pinatagay nito si Felipe. Nahalata ni Felipe na lasing na ang kanyang kuya kung kaya’t inaya niya na itong umuwi subalit tumanggi ito’t kinuha ang batang si Tintoy na nakakalong sa kanyang ama na si Simeon. Pinatayo at pinatungan ng bunga ng santol sa ulo ang bata at akmang ipuputok ang baril nang tumakbo si Felipe, kinuha ang santol at humarap kay Primo. Noo’y ibinaba nito ang hawak na baril, ibinalik sa baywang. Pagkaraa’y umuwi. 

Natapos ang kabaret, na ani ni Primo sa kapatid ay libangan lamang. Malimit niyang madatnan ang ama na may kausap na magsasaka at mahihirap. Hindi siya nakikihalubilo sa usapan subalit nakikinig siya. May mga nangungutang, nagsasalanla na kung anu-ano. Kinagabihan, nakita niya ang ilang mga lalaking umutang sa ama o sa kuya Primo niya na nasa kabaret. Isinumbong nito sa ama subalit siya pa iyong panagalitan. 


       Noo’y ipinakita kung paanong igisa sa sariling mantika ang mga magsasaka sa kani-kanilang bisyo nang minsang magtungo ang mga ito sa tindahan ni Aling Barang. Subalit hindi pa rin nakuntento si Primo’t nagpatayo ng monte at sugalan at kumuha rin ito ng magaling na barahador na mas lalong ikinalugmok at kinagiliwan ng mga nagbabakasakaling magsasaka o ibang mga dayuhan, bata man o matanda.



KABANATA 4

Pagnanaknak ng Sugat


    Si Primo ay isang malaking tuso tulad ng ama. Maihahalintulad siya kay Midas, ang diyos-diyusan ng salapi. Kasa-kasama nito si Baldo, na nagsilbing kanyang kanang kamay at mahusay ang kokote pagdating sa kalokohan. Iminungkahi nito ang pagnanakaw ng mga alagang hayop o palay ng mga magsasaka. Di nagtagal, may nanakawan ng kalabaw, palay, nagapas na o gagapasin pa lang. Dahil sa patuloy ang pagnanakaw ng mga di kilalang tao, minsang nangahas si Pikong subalit ito’y walang awang pinatay. Mga dayuhan ang hinihinala ng ilan ang may kagagawan nito. Subalit upang makasigurado na hindi matuon ang hinala sa grupo nila Primo at Baldo, nag-isip muli ito ng maaaring gawin. Kinuha nila ng kalabaw ni Tisyo at kanilang nilagay sa kural ni Erning. Kung kaya’t kinabukasa’y may mga pulis na agad dumakip kay Erning. Dahil sa nakawan humingi ng proteksiyon ang ilan sa alkalde na mas lalong ikinatuwa ni Primo. Noo’y bumuo si Primo ng pangkat na magpapatrolya gabi-gabi sa utos na rin ng alkalde. Ang mga dating hindi nakahahawak ng armas, nang maarmasan ay nag-angkin ng kapalaluan. Hindi alam ni Primo na sinisira niya ang tahanan sa Lupang Pangako, maging ang tradisyon ng pamilya. Kahit pa ma’y naitatag ang sibilyan gard, mas lumaganap ang nakawan. Isang araw, umunti ang mga babae sa kabaret kung kaya’t humina ang kita. Muling nagmungkahi si Baldo kay Primo ng maaaring gawin. At agad naman nila itong sinimulan. Gumamit sila ng iba’t ibang paraan upang madali ang mga dalaga, dalagita o kahit pa may asawa upang maging bulaklak ng kabaret. Isang gabi, nabulahaw ang baryo nang magpanangis si Aling Ingga. Ina ni Pining. Si Aling Ingga ay pinsan ni Tata Tana. Agad na nagtungo si Tata Tana sa kubo ng pinsan upang usisain ang pag-iyak. Nalaman niyang ginahasa ni Primo si Pining na kanyang pamangkin. At noo’y tila siya mauulol sa galit. 



KABANATA  5

Pagsisiga ng mga Talahib


             Pagkauwi ni Tata Tana mula sa bahay nina Aling Ingga.  Agad itong kinuha ang pisaw at ikinabit sa baywang ang takyaran. Matanda na, mag-aanumnapu na si Tata Tana ngunit masigla pa rin itong kumilos. Mag-isa sa buhay simula nang masawi ang nag-iisang anak nitong si Delfin sa Bataan. Tinunton nito ang dinaanan ni Primo. Tahimik at sarado na ang mga tindahan. Simula ng matatag ang sibilyan guard ay nagpatupad na curfew si Primo kung kaya’t maagang nagsisiligpit ang mga taga-Lupang Pangako. Nang hindi matunton kung saan nagtungo si Primo, siya namang nagtungo sa kabaret si Tata Tana . Ilang sandali itong nagmatyag subalit walang siyang nakitang Primo. 

          Maagang nagigising si Tata Tana na natural na raw sa mga katulad nitong matatanda. At ngayo’y ang tanging naiisip niya ay si Delfin. Nang malaman niyang napatay ang anak, tinanggap niya iyon bilang pag-aalay ng isang tao para sa kanyang bayan. Subalit ng malamang nilapastanganan ni Primo ang pamangkin, nagbalik sa kanyang alala ang anak. Nakadama ito ng panghihinayang. Kung totoong iniligtas ni Delfin si Primo, at si Primo’y nagiging salot sa Lupang Pangako, anong saysay ng pagkamatay ng kanyang anak? Kinabukasan, nakiusap si Aling Ingga na pagpasiyensyahan na lang ni Tata Tana ang kababuyang ginawa ni Primo kay Pining. Pagkananaka’y nagtungo ang matanda sa bukid. Napansin niya ang mga malalagong talahib, at nagsindi ng posporo ang matanda upang lipulin ang mga ito. Nadatnan rin siya ni Mang Dario, na magtutungo upang tawagin si Andong Tawak sapagkat natuka ng ahas si Aping anak ng kapwa nila magsasaka. Lumisan si Mang Dario at marahil karaniwan lang ang pagsisiga ng mga talahib para rito subalit para sa kanya, dapat sigaan ang mga ito para lumabas ang mga ahas na namumugad doon.



KABANATA 6

Kidlat: Pagtatangis ng Lamig at Init


    Isang linggo na rin ang lumipas nang mangyari ang kalapastanganang ginawa ni Primo kay Pining. Panatag ito sapagkat alam niyang walang laban sa kanya ang kahit na sino. Nag-iinuman ang kanilang pangkat ni Baldo. Pinagpipiyestahan ang ginawa ni Primo kay Pining. Noo’y naitanong ng mga kasamahan nito kung bakit ang laki ng respeto nito kay Tata Tana. Binalaan niya ang mga tauhan na huwag na huwag nilang gagalawin ang matanda sapagkat siya’y ama ni Delfin, ang taong nagligtas sa kanya sa Bataan. Nagpatuloy sa pagkwento ng pangyayari kung paano siya iniligtas ni Delfin na siya namang ikinamatay nito. Napag-usapan pa nila kung gaano katapang at hanggang saan ang paninindigan ng matanda. Maya-maya’y nakarinig sila ng papalapit na yabag at tikhim na agad namang tinignan ni Baldo.  Nang makita’y si Tata Tana , dali-daling umalis sina Baldo, Pekto at Asyong at ilan pang kasama at tanging iniwan nila roo’y si Primo na agad naman niyang pinapasok, pinaupo at inaanyayahang uminom ang matanda. Tumanggi ang matanda. Nang matanong ni Primo kung ano ang sadya, nabigla si Primo nang sabihin nitong buhay nga niya ang kailangan nito. Agad na hinugot ni Tata Tana ang pisaw. Pinagtataga ng matanda si Primo. Nang marinig ng mga nagtatagong kasamahan ang ilang daing, pagapang na umakyat si Baldo sa bahay dahil sa kalasingan. At ang tanging bumungad sa kanya’y si Primo na naliligo sa sariling dugo, malamig, patay. Wala na ang matandang kausap. 


KABANATA 7

May Dugo ang Pisaw


         Dahan-dahang naglakad pauwi si Tata Tana tila naglalakad sa buwan. Pinakiramdaman ang bakuran saka natungo sa kabilang bahay. Doo’y sumaglit siya upang sabihin sa pinsan na si Aling Ingga na nakapatay siya ng ahas. Pinaalalahanan nitong kung may mag-usisa sa kanya’y sumagot na walang nalalaman. Kinabukasa’y pumutok na ang balita tungkol sa pagkamatay ni Primo. Noo’y marami ang natuwa dahil para na rin silang naiganti sa kabulastugang ginawa ni Primo at kanyang mga tauhan sa kanila. May ilang naghayag ng kalungkutan sapagkat wala na silang mauutangan. Nagsimula sa haka-haka, kuro-kuro at iba pa kung sino ang pumaslang kay Primo. Nagulantang ang lahat ng dumating ang dalawang pulis kasama ang ilang sibilyan guard na hinahanap ang tirahan ni Anastacio Robles. Tumahimik ang lahat. Sapilitan silang dumampot ng tao na makapagtuturo ng tirahan ng taong hinahanap nila. Di naglaon, agad na bumalik ang mga pulis, dala na si Tata Tana.  Marami ang hindi makapaniwala na siya nga ang pumaslang kay Primo dahil ibang-iba ang trato nito sa sa kanya, maging si Don Andres. Ang ilan naman ay nakumbinsing siya nga sapagkat simula pa lang ay taliwas na ang pananaw ng matanda sa mga pinaggagawa ng mga Di-Masikil.  Wala ring nakaaalam sa nangyari kay Pining. Pinaniwalaan nila ang balita ng ina nito na nagbakasyon ito sa isang kapatid sa San Miguel. 



KABANATA 8

At Humampas ang Unos


     Umpisa na ng tag-ulan. Ang ilang magsasaka’y nagbabalak ng mag-araro. Sa unang gabi ng pagbuburol kay Primo, nagliwanag muli ang bahay-asyenda, nagsuot ng bagot damit pangluksa gaya nang mamatay si Donya Consuelo.  Sa Lupang Pangako’y may tradisyon rin. Ang mga magsasakang kasama ni Don Andres ay nagtungo upang makiramay. Anak ng propitaryo ang nakaburol, kailangan na nilang magpakita ng pagdamay. Ang bawat nagtutungo sa bahay-asyenda ay nagdadala ng munting abuloy, maski manok, prutas o malagkit. Noo’y ang mga nagsipagdalaw ay di nakita si Don Andres, kundi si Venacio, mga abugado at bunsong kapatid nito. Sa mga sumunod na araw, dumalang ang mga dalaw. Dumating rin ang mga kamag-anak ni Don Andres galing sa Bulakan, Bulakan.  Kaya raw limang araw ibuburol si Primo upang masabihan ang mga kamag-anak na nasa malayong lugar. Nabalitaan ni Fidel ang pagkamatay ng Kuya ni Felipe kung kaya’t umuwi ito upang makiramay. Nagtungo si Fidel sa bahay-asyenda kasama si Minyang sukob ng isang payong. Sa daa’y kanilang napag-usapan ang pakakaiba ni Felipe sa kanyang ama’t mga kuya. 


      Pagkaraan ng tatlong araw pagkatapos mailibing si Primo, nabalitaan ng mga taga Lupang Pangako na lilitisin na si Tata Tana. Pinakamagaling na abugado ang kinuha ni Don Andres na galing pa sa Maynila at handa raw ubusin ng propitaryo ang kanyang kayamanan, mabitay lang ang matanda. Hindi mapigil sa pag-iyak si Aling Ingga sapagkat ang laki ng ipinayat ng pinsan nang minsang payagang madalaw ito. Kahit sandali lang. Hindi na rin kumuha ng abogado si Tata Tana sapagkat hindi na rin siya naniniwala na may katarungan pa. Masugid siyang pinababantayan ng mga tauhan ni Baldo sa mga pulis. Akala siguro’y tatakas siya. Isang gabi, pagkatapos siyang abutan ng pagkain ng guwardiya, inudyukan nitong tumakas siya sa gabing iyon. Sinabi ng guwardiya ang lagusan kung paano siya tatakas. Sumapit ang gabi, ginawa nga ng guwardiya ang napagkasunduan nila ni Tata Tana, ganoon rin ang matanda. Hindi tumakbo si Tata Tana, marahan itong naglalakad nang may nagkasa ng baril. Hindi tumakbo ang matanda. Kinabukasa’y natagpuan ang bangkay ng matanda na palutang-lutang sa ilog. 


KABANATA 9

Mga Alipato


    Mas nagbunga ng haka-haka at takot sa ilan ang pagkamatay ni Tata Tana. Akala nila’y dadaan sa makatarungang proseso ang paglitis sa matanda. Kinuha ni Aling Ingga ang bangkay ng pinsan sa munisipyo. Tahimik at mangilan-ngilan ang nakipaglibing sa matanda dahil na rin sa takot sa propitaryo. Nasara ang kabaret, maging ang sugalan sa pagkamatay ni Primo.  Binalangkas ni Don Andres ang mga hakbanging kanyang gagawin habang ibinuburol ang anak. Pagkatapos ng pagsiyam, ipinatawag nito ang anak na si Venacio. Ito’y nagtapos ng abugado dahil sa tiyaga at impluwensiya ng ama. Humingi ng payo ang ama sa anak. Kung kaya’t ipinatawag si Mang Kulas kay Felipe. Si Mang Kulas ay dating magsasaka ng pamilya Di-Masikil, matapa, walang kuskos-balungos, subok subalit may katandaan na. Pagdating ng matanda ay agad inutusang puntahan ang mga kamag-anak ni Tata Tana upang sabihing hanggang sa araw na iyon na lamang ang kanilang saka. Ang iba’y nanghina, nagulat, nagimbal sa balita. Sa oras na sabihin ni Mang Kulas ang pakay nito kasunod nito’y iyakan.  Noo’y nadatnan niya si Pako, nag-aararo, di alintana ang ginaw. Maraming anak si Pako, nagsasabong pa. Subalit nang malaman nito ang pakay ni Mang Kulas kung bakit siya naparoon ay tila siya sinaksak. Di mawari kung paano tatanggapin ang pagkawala ng saka. 

 

  Kumalat ang balita na binawian ng saka ang mga kamag-anak ni Tata Tana. Ang iba’y hindi umalis, isa na si Uro, sa katwirang wala silang mapupuntahan, wala na silang ibang mapagkukuhanan ng makakain. Nagmamatigas sila. Ang ila’y nais maghabla subalit wala silang ideya kung saan sila lalapit. Nang maiulat ni Mang Kulas kay Don Andres ang kalagayan ng mga binawian ng lupa, binigyan ng propitaryo ng 3 araw upang tuluyang lisanin ang lupang sinasaka. Nang gabing iyon, may dalawang lalaking nagawi sa bukid. Nagtungo ito sa kubo ng ilang magsasakang binawian ng lupa, sinulsulan ang mga ito na lumaban at huwag umalis. Pagkatapos ng limang araw, ibinalita ni Mang Kulas kay Don Andres na nagmamatigas pa rin sina Kardo kung kaya’t kinagabihan limang lalaki ang nagtungo sa kubo na tinutuluyan ni Kardo at kanyang asawang si Saning kasama ang limang anak. Natanaw ni Kardo na ang mga kalalakihang iyo’y may baril. Maya’t mayang may sumunog sa mandala. Agad niyang kinuha ang pisaw saka lumabas. Pagkababa nito sa kubo’y isang putok ang sumugat sa katahimikan. Hindi alam ng iba kung saan galing ang putok at kung bakit.



KABANATA 10 

Mga Langgam-Bundok


      Ang pagkapatay kay Kardo ay nanatiling mahiwaga. Ang pulis ay nagsagawa nga ng imbestigasyon subalit yaon ay naging karaniwang pagtatala lamang ng krimen. Malabo ang hinala sa mga tauhan ni Baldo, maging kay Don Andres. Pagkaraan ng ilang gabi, nagbalik ang dalawang lalaki. Nagbigay ng maliit na abuloy sa balo. Muli’y tinipon nila ang mga magsasaka sa bakuran ni Mang Tomas, palihim. Doo’y hinikayat ng mga ito ang mga magsasaka na magbuklod at magka-isa at upang hikayatin silang makisanib upang mapalaya sila sa pagkabusabos. Ang ila’y sumalungat sa dalawang lalaki, isa na si Omeng, kasamang magsasaka ni Don Andres.  Nagpabalik-balik ang mga lalaki upang maghasik ng bagong kamalayan sa mga magsasaka. Ang pangyayaring ito’y nakarating sa mga Di-Masikil, naalintana ang matandang Di-Masikil sa nalamang may mga taong-labas na nanghihimasok sa kanyang palakad. Agad nitong ikinunsulta kay Venancio na noon ay nag-aabugado. Noon rin ay ipinatawag muli ni Venancio si Baldo. Isang gabi’y nagbalik ang mga lalaki, muling nagpulong sa dating kamalig ni Mang Tomas. Maghahating gabi na nang umalis ang mga lalaki, hindi pa man nakalalayo ang mga magsasakang natipon-tipon ay nakarinig sila ng putok. Kinabukasa’y natagpuan ang bangkay ng dalawang di-kilalang lalaki sa sakahan ni Tata Terong.  Noo’y patuloy ang pag-ulan. Marami na ang nakapag-araro. Nabura na ang pilapil.Naghahanda na sa pagpupunla ang mga magsasaka.



KABANATA 11

May Kidlat sa Krus ng Daan


      Naramdaman ni Felipe ang unos, ngunit di niya mabatid kung saan nagmumula. Noo’y siya’y labimpito na, kakatapos sa hayskul. Noon rin ay lubusan na nitong nababatid ang mga pangyayari sa Lupang Pangako. Bilang isang Di-Masikil at bunsong anak, siya’y nagpipiglas. May nais siyang baguhin o tuluyang lagutin sa tradisyon ng kanyang angkan. Pakiramdam niya’y tila isa siyang binhing nahasik sa maling lupa. Malamig at malupit pa rin ang kanyang ama sa kanya. Madalas niya ring marinig sa kanyang ama na siya ang tupang itim sa kanilang angkan. Isang gabi, nasabi sa ama kung siya ay mag-aaral ng kolehiyo sa Maynila. Nasabi rin nitong agrikultura ang nais nitong kuha subalit agad tumutol ang ama sa kursong nais niyang kunin. Sinabi ng ama nito na mag-aaral siya kung hindi iyon ang kanyang kukunin. 

       Isang hapo’y nagtungo siya kina Tata Terong, ama ni Minyang. Hindi pa rin nagbago ang pakikitungo ng pamilya nina Minyang kay Felipe. Nais niyang ituring siya bilang isang normal na magsasaka rin. Subalit Ayaw mang itrato siya bilang anak ng kanilang panginoon ay hindi niya maikakaila. Hindi inungkat ng ama ang tungkol sa pag-aaral. Naramdaman niya ang pambabalewala sa kanya ng ama, noo’y hindi pumasok si Felipe sa taong-aralang iyon. Sa pagkakataong iyo’y nagkaroon ng malalim na pag-uusap sina Miyang at Felipe tungkol sa hindi pagsunod ng binata sa kagustuhan ng ama. Radikal magsalita sa Felipe. Malalim. Matalinhaga. 


     Si Venacio, as awa na Diyos, nakapasa ng bar exam. Nagpahanda si Don Andres. Ipagdiriwang ang unang manananggol ng Lupang Pangako. Tatlong araw ang handaan, at tulad ng nakaugalian, tungkulin ng mga kasama ang magdala ng anumang madadala. Sumang-ayon rin ang mga kasama. Marahil sa pagkakataong iyo’y ang panahon lamang ang hindi sumang-ayon. Panay ang buhos ng ulan. Tila may unos na darating. Noo’y napirmi sa bahay si Pidong at Sianang. Wala silang madala sa bahay-asyenda kung kaya’t naisin man nilang magtungo’y wala silang lakas ng loob. Noo’y umusal ng dasal ang mag-asawa.



KABANATA 12

Pamumulaklak ng Makahiya 

         

     Naging tungkulin na ng mga kasama ang alamin kung ano aang pangyayari sa kanyang propitaryo, kung nalaman ay magtungo roon at magdala ng kaukulang regalo. Ito’y naipakita ng mga kasamang magsasaka nang mamatay si Primo. At nang mabalitaang magkakaroon ng malaking handaan sa bahay-asyenda sapagkat si Venancio ay nakapasa sa bar exam, kailangan nilang magtungo roon upang makigalak. Lihim na natuwa si Minyang ang balita sapagkat magkakaroon ito ng pagkakataong makita si Felipe. Noo’y ayaw siyang isama ng ina sapagkat dinatnan siya’t hindi maaaring mabasa ng ulan. Subalit mapilit si Minyang, nakauunawa ang ina nito kung kaya’t pumayag rin lang. Maraming panauhin ang dumalo. Ang mga ito’y nagtutungo sa taas ng bahay-asyenda, ang mga magsasaka nama’y sa silong. Ang ipinagtataka ng mga kasama ay ang paglagi ni Felipe sa kanila. Madalas ang pagsulyap ng binata sa kusina kung saan naroon si Minyang kasama si Elena. Abala sa pagluluto. Noo’y nabanggit ni Elena kay Minyang ang isang babaeng mestisa. Naikompara ng dalawa ang kaibahan ng ganda ng mayayaman sa ganda ng mga anak ng magsasaka tulad ni Minyang. Di kalauna’y ipinatawag si Felipe ng ama nito. Pinagbihis. Nang hindi na nagbalik ang binata, mapilit na tumulong sa paghahain si Minyang sa itaas. Nagtungo ito roon dala na ang sopas subalit agad ring ipinapababa ito sa kanya. Doo’y nalaman niya na Menchu ang pangalan ng babaeng tinutukoy ni Elena, na siya namang kausap ni Felipe ngayon at narinig rin nito ang usapan ni Don Andres at isa pang matanda na ipakakasal na ang dalawa. Agad umalis ni Minyang. Umuwi habang umiiyak sa ilalim ng ulan. Nang mapansin ni Felipe na biglang nawala si Minyang, agad nitong iniwan ang kausap na si Menchu. Nang hindi mahigalap ng binata ang hinahanap na si Minyang, agad itong tumakbo palabas ng asyenda patungo sa kubo ni Tata Terong. Hindi pa nakalalayo’y nabanaagan niya ang isang anino ng babae, si Minyang. Tinawag nito subalit patuloy sa pagtakbo. Patuloy rin ito sa pagtakbo, napatigil ito ng masugatan nang  may pumutpot na makahiya sa paa. Nang makarating sa bahay nina Minyang, agad itong nagtawag, sumagot si Minyang at sinabing wala itong kasama. Nang malamang naroon nga ang dalaga’y nagpaalam na rin para umalis. 



KABANATA 13

Paniningil, Pagbabayad


Nagpatuloy ang pagbuhos ng ulan, tumaas ang tubig-baha, ang ibang magsasaka’y di makapagpunla. Ang iba’y nag-aaalala kung ano at saan sila kukuha ng makakain.  Iisa ang naiisip ng mga ito. Kay Don Andres.  Lalapit si Don Andres. Napansin ni Felipe ang sunod-sunod na pagdating ng mga magsasaka sa bahay-asyenda. Noo’y hindi siya nakiusisa sapagkat ang ama nito ang pakay nila. Maya-maya, ang dumating ay aalis. Kung nahihiya nang dumating, nang umalis ay nanlulumo. Doon ay nagtungo ito sa silid kung saan naroroon ang kanyang ama at ni Venancio. Ipinaalam sa ama ang kalagayan ng mga magsasaka ngayong may baha. Subalit binara’t binalewala ito ng ama saka siya sapilitang pinaalis. Nang gabing iyo’y di umuwi si Felipe sa kanila. Naglibot ito sa kubo-kubo ng mga magsasaka.  Inanyayahang kumain ito sa kanila subalit magalang na tumanggi. Maraming nabuwal na puno, tulad ng mangga, agad itong pumulot ng tatlong bunga ng mangga habang binabagtas niya ang daan patungo sa kubo ni Tata Terong.  Nilagnat si Minyang nang gabing iyon. Hindi na nagtanong si Aling Salud. Batid nito ang nadarama ng anak.  Tumawag ang binata. Agad namang pinatuloy ni Aling Salud. Wala ang ama ni Minyang sapagkat tumatawag ng albularyo dahil mataas pa rin ang lagnat ng anak na dalaga. Hindi nagtagal lumabas ang dalaga. Nagkaroon ng sandaling kumustahan at asaran sina Felipe at Minyang. Maya-maya’y dumating ang ama ng dalaga kasama ang albularyong si Ka Tikong,  nagulat ito ng makita si Felipe kausap ang anak na tila’y magaling na. Pagkatapos  maghapunan ay agad rin nagpaalam ang binata at nagtungo sa ilang kubo ng magsasaka. Doo’y may sinabi siya sa mga ito. May tumutol. May hindi. Noong gabing iyo’y tinahak ni Felipe kasama ang pitong magsasaka ang dalawang kariton patungo sa asyenda .


KABANATA 14

Sa Pagitan ng Nag-uumpugang Bato


        Sa likurang bahagi ng asyenda nagtungo sina Felipe at kanyang mga kasama. Ang lima’y inakyat ang bakuran at pumasok sa asyenda, ang tatlo’y mag-aabang sa labas ng pader. Ang mga pumasok ay agad nagtungo sa kamalig. Tahimik silang naghakot. Ang hindi nila alam at hindi rin alam ni Felipe na may nagtatanod sa bahay-asyenda tuwing gabi. At nang gabing iyon, ang nakatokang magtanod ay si Arsing at Giling na kapuwa may malapit na kaugnayan sa mga kasama ni Felipe. Palabas na ang mga nagsipaghakot. Tapos na silang magkarga. Ang huling sumampa sa pader ay si Teryo subalit sa kasawiang-palad ay nadulas at bumagsak. Sa pagkakataong iyo’y nagising ang mga tanod. Walang magawa ang ibang kasamahan ni Teryo, maging si Felipe kundi ang umalis kaysa silang lahat ang mahuli. Ramdam ni Felipe ang hinanakit ng ilang kasama kanina. Noo’y nagbalik siya sa asyenda, agad siyang inusisa ng ama, nalaman niyang nahuli si Teryo, pinahirapan at pinapakanta ng mga tauhan ng ama. Nilapitan ni Felipe si Teryo, akmang tutulungan subalit pinaalis siya ng ama. Nang gabing iyo’y alam niyang hindi siya makatutulog. Hindi niya magawang magpalit ng basang damit.


KABANATA 15

Ayaw Tumining ang Labo


      Noo’y nagkaroon ng pagsisiyasat ang mga tauhan ni Baldo sa mga kubo ng magsasaka. Noo’y kumakati na ang tubig baha. Limang araw rin itong naminsala. Nakita ni Felipe ang mga uliuli at naisip ang sarili. Tila siya hinihigop ng mga uliuli, sa pagsasalikop ng dalawang lakas-lakas ng ama at lakas ng mga magsasaka. Kailangan niya ng tatag. Nang malaman nito kinaumagahan na namatay si Teryo ay agad itong lumusong sa bukid. Alinlangan kung paano niya ibabalita sa mga kasamahan. Noo’y hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob at naibalita sa asawa ni Teryo ang pagkamatay nito. Hindi pa man nakaaalis si Felipe sa bukid nang kumalat ang balitang napatay si Teryo. Nagdaan si Felipe kina Minyang. Nagkaroon ng malalim na pagpapalitan ng kuro-kuro ang dalawa. Nalaman ni Felipe sa dalaga ang usap-usapan ng mga magsasaka tulad ng kawalang awa ni Don Andes, kung paanong ang mga magsasaka’y nangungutang sa ama nito subalit kailangang may i-prenda. Nabanggit rin ni Minyang ang pagdududa ng mga magsasaka kay Felipe. Noo’y inihayag ng binata ang hindi siya sang-ayon sa pagpapatakbo ng ama, maging siya man ang magmamana ng kanilang lupain ay hindi niya ninanais. Maging ang mga taong-labas na siyang bumubulag sa mga magsasaka ay kanila ring napag-usapan. Hindi nagtagal, nagpaalam na si Ipe. Napatigil ito sa dating kubo ni Mang Tomas, tila may pinagkakaguluhan. Noo’y nakita niya ang mga sako-sakong palay na tila nahulog o itinambak doon. Walang kumuha ng palay sa takot na mapagbintangan. Hindi pala kinuha nina Abling at Kiko ang palay. Nanlumo ang binata. Batid niyang nasusuklam ang mga kasamahan nito sa kanya.


KABANATA 16

Nagpipista ang mga Uwak


          Noo’y dalawang araw na nang kumalat ang balitang napatay si Teryo. Nakaiwan ito ng anim na anak at isang asawa na si Metring. Akala ng mga magsasaka’y ibibigay sa balo ang bangkay ng asawa kung kaya’t ito ay nagtungo sa bahay-asyenda ngunit hindi ito ibinigay.  Ipinamalita ni Metring ang ginawang pagtataboy sa kanya na parang aso. Gustuhin man ng mga kaanak ng bangkay na muling pumunta roon ay natatakot sila sapagkat sa daming armadong tauhan ni Don Andres. Pagkanakanaka’y nag-aaalok ng mga baril si Mang Tomas na palagi nilang nakikitang may kausap na di kilalang lalaki nang palihim kasama ang ilang magsasakang binawian ng saka.  Tumutol si Mang Ambo sa nais ng ilang gumamit ng dahas. Kung kaya’t muli silang nagsadya sa bahay-asyenda. Ang kanilang pakay na bangkay ay ibiniting patiwarik sa pintuan ng asyenda na parang hayop. Namuo ang galit sa kamag-anak ng patay. Naiyak ang ilan. Subalit hindi sila umalis. Noo’y pinakiusapan ni Felipe ang ama na ibigay ang bangkay at magbigay ng kaunting abuloy subalit tanging pagtangi at pagkamuhi ang natanggap nito. Lumabas ito ng bahay. Nakita ang mga magsasaka. Sa mga oras na iyo’y tulog ang kanyang ama at umalis ang kanyang Kuya. Agad nitong nilapitan ang tatlong nagbabantay sa bangkay upang sabihing ibaba na ito. Subalit hindi kumilos ang mga ito. Kung kaya’t siya mismo ang nagtanggal sa pagkakabitin ang bangkay. Noo’y may nagkasa ng baril, ang iba’y ginising ang ama nito. Direktahang sinagot ng binata ang ama. Habang ibinuburol si Teroy, nagmahal ang mga bilihin. Tila naglabasan ang mga uwak. Sa libingan, naiwan si Felipe na agad binalikan ni Minyang upang umuwi.

KABANATA 17

Digmaan ng mga Prinsipyo


     Nang hapong iyo’y nagtungo si Felipe sa bukid. Naramdaman niya ang igting, tago ngunit gumagapang. Unti-unting nagbangon ang mga tao sa bukid, kinokompone ang mga nasira ng baha. Nakangisi pa rin ang kahirapan. Batid ng binata na may nananamantala sa sa kahirapang iyon, hindi lamang ang kanyang Kuya Venancio at ama, kundi maging ang mga taong-labas. Noo’y nalaman niya kay Pentong na darating sa gabing iyon ang limang lalaki doon upang mamigay ng bigas, gamot at pagkain. Nagunita ni Felipe si Fidel. Nag-aaral ito sa Maynila. Sarili ng kanyang ama ang saka. Naisip ni Felipe na kung nasa Lupang Pangako ang kaibiga’y may kasama siyang mangunguna sa paglutas ng problema. Nabanggit ni Minong na ayon kay Impen ay bukod sa tulong ay namigay rin ito ng mga baril. Ngayo’y mas lalong bumigat ang alalahanin ni Ipe sa nagbabadyang pagputok ng karahasan. Lumabas sa bukid ang binata. Nagtungo sa dating kubo ni Mang Tomas. Noo’y nagpupulong ang mga magsasaka kasama ang ilang di kilalang lalaki. Nakipagsagutan si Felipe at inihayag ang nais. Pinakiusapan ang mga taong-labas na hayaan nilang ang mga taga-Lupang Pangako ang lumutas sa sarili nilang problema. Mula noo’y di na muling nagpakita ang mga di-kilalang lalaki. Alam ni Don Andres ang lahat ng pangyayari sa kanyang lupain, maging ang mga pulong kasama ang mga taga-labas. Isang tanghali, ipinatawag ng ama si Felipe ayon na rin sa udyok ni Venancio. Sinabi ng ama kay Ipe ang kasunduan ng kanyang kumpare na ipakasal sila ni Menchu. Hindi pumayag si Felipe. Binalaan siya ng ama na kung ipapahiya niya ito’y mabuting magkalimutan na sila.


KABANATA 18

Malalim ang Baon ng mga Sugat


   Matapos ang pakikipagkasundo ni Felipe sa mga di-kilalang lalaki’y saka na lamag niya nakita ang lawak, ang nakakalulang-lawak ng problemang binalikat. Nakita niya ang dalawang lakas- magkasalungat at nagtatagis. Noo’y sinariwa niya kung gaano katuso ang kanyang ama. Kung paano niya tinatakot ang mga magsasaka na babawiin sa kanila ang kanilang saka. Isang umaga, nagtungo si Ipe sa bukid. Nakasalubong niya ang ilang magsisimba, mamamalengke, mamimili ng ilang kagamitang sinira ng baha. May ibang maghahanap ng dibersiyon, isa na si Mang Fermin, na kaninang madilim ay nangutang sa ama na pampatanim, ayon rito’y isasabong nito ang kanyang bulik. Mamaya lamang, malungkot na nagbalik ang matanda, dala ang nabalibuhang bulik. Madalas na nitong punahin ang ganoong bisyo subalit ang mga magsasaka’y laging mangangatwirang nagbabakasakali lang, libangan lamang, maging ang mga babae ri’y nahilig na. Sa tingin ng binata, isa ito sa mga humahadlang upang umunlad mga buhay ng mga magsasaka. Isang araw ay nakausap niya ang ilang kasama ng ama sa gapasan, nabanggit ng mga ito kung gaano kaliit ang partihan, naimungkahi rin ni Ipe na magdalawang beses mag-ani sa isang taon, pinuna rin niya ang mga bisyo tulad ng pag-inom, pagsugal ng mga magsasaka. Pinayuhan niya ring sa halip na magbisyo ay asikasuhin na lang ang saka. Isinumbat ng mga magsasaka ang kawalang-awa at kawalang-malasakit ng ama. Hinihingi ng mga magsasaka na kahit papaano’y itaas ang partehan sa ani. Doo’y mas namulat siyang kailangan niyang labanan ang sistema ng pagpapalakad ng ama. Umuwi ito sa bahay-asyenda para sabihin sa ama ang hinihinhgi ng mga magsasaka.

KABANATA 19

Mga Unang Sugat ng Puso


 Nang malaman ni Felipe ang kasunduan ng ama at ng isang umano’y kumpare nito, ay kaniya itong ipinagwalambahala. Nakuro niya ang sigasig ng ama nang minsang kausapin siya nito isang umaga. Sinabi ng ama ang magbabakasyon raw sa bahay-asyenda si Menchu. Inanyayahan raw ng ama upang magkakilala sila ng lubos ni Menchu bago ikasal. Noon ay anihan na subalit para sa kanya’y naging taglagas. Noo’y sumagot sa ama si Ipe. Di pa niya nais magpakasal. Hindi mahalaga para sa kanya ang babae. Ang mahalaga ay ang kanyang karapatang makapamili. Isinumbat nito sa ama kung naging maligaya ba ito sa kanyang ama na mas lalong ikinagalit ng ama. Agad niyang inungkat ang hinihingi ng mga magsasaka na dagdag kaparte subalit pagmamatigas lamang ang kanyang narinig sa ama. Limang araw pagkatapos, dumating si Menchu. Inihabilin lamang ng ama nitong si Don Facundo sa kanya at saka nagbalik sa Maynila. Panay reklamo si Menchu sa kakapusan ng mga kagamitan at pasilidad ang bahay-asyenda bagama’t mayaman sila. Minsa’y nagyaya si Menchu na mamasyal raw. Subalit naglalaban ang loob nito baka magkita sila ni Minyang. At sa hapon ring iyo’y kasama si Minyang na naggagapas. Sa katunaya’y nag-aalala ang dalaga sapagkat tatlong araw na niyang di nakikita si Ipe. Noo’y nabanggit ni Luding ang pagdating ng panauhin ng pamilya Di-Masikil, isang magandang babae na ayon kay Don Andres ay mapapangasawa ni Ipe. Natulala si Minyang. Saglit na nabuwal subalit di kalauna’y tumayo at muling gumapas. Sa sandaling iyo’y palapit si Ipe kasama si Menchu sa mga nagsisigapas. Nakita sila ng ilang kababaihan, pati si Luding. Noo’y inaya ang kaibigang umuwi na subalit tumanggi ito. Sa pagkakataong iyon, napatingin si Minyang sa direksyon nina Ipe at Menchu, dali-dali itong umalis. Nang makaahon ay naupo ito’t umiyak.


KABANATA 20

Anatomiya ng Isdang Kapak

   

   Nakita ni Ipe ang pag-alis ni Minyang. Gustuhin man nitong habulin at magpaliwanang subalit hindi niya alam kung paano. Nadama nito ang kirot. Pilit ipinapaliwanag ni Felipe kay Menchu ang kaibahan ng lugar na kinalalagyan nila sa Maynila, maging ang pagkakaiba nilang dalawa. Nagtungo ang dalawa sa isang punong malaiba. Nadatnan nila ang ilang nagmemeryenda kung kaya’t inaya sila, si Menchu ay agad tumanggi. Inusisa siya ng ilang magsasaka subalit ang sagot niya’y pinsan lamang niya ito. Kinabukasa’y muling nag-aya si Menchu. Di tulad kahapon, noo’y di nagdala ng payong si Menchu, nakabakya lamang. Namimilapil sila’t nauuna si Felipe ng makasalubong nila ang isang lalaki. Noo’y pinaalalahanan ng lalaki si Felipe ukol sa napag-usapan nila. Magsasantaon na rin. Bigla itong nakadama ng panlalamig. Pinagmasdan ng lalaki si Menchu at di ito nagustuhan ng dalaga. Nagkaroon ng ilang sagutan . Nag-uusisa si Menchu kung sino iyon subalit hindi direktang sumagot si Felipe. Sa sobrang init, napaupo si Menchu. Nahihilo raw ito. Namumutla. Inakay siya ni Felipe patungo sa kubo ni Mang Anong, at tanging nadatnan doo’y si Aling Biyana. Doo’y nalaman niyang nagdadalang-tao si Menchu. Tatlong buwan na. Noong una’y hindi makapaniwala. Subalit nakadama siya ng kung anong paglaya sapagkat may idadahilan ito sa kanyang ama. Agad niyang iniuwi sa bahay-asyenda si Menchu.

KABANATA 21

Ganting Ulos 


   Tatlong araw na rin ang lumipas nang makita ni Minyang si Felipe si Menchu. Hindi na ito lumabas ng bahay upang tumulong sa paggapas. Idinadahilan nito ang mga nakatambak na tahiin sa ama upang maiwasan ang pagpunta sa bukid. Nang hindi makumbinsi ni Tata Terong ang anak, pinaki-usapan ang asawa nito na siya ang kumausap rito. Noo’y pinagsabihan  ni Aling Salud si Minyang na alanganin ang tulad nila sa pamilya na katulad nina Felipe. Napabulaslas ng iyak ang dalaga.  Noo’y dumating ang isang lalaking nagngangalang Diego, disiotso pa lamang, magandang lalaki. May kasama itong dalawang lalaki. Sila raw ay namimili ng palay. Pagkaraan ng ilang araw, nagbalik si Diego, mag-isa na ito. Palagi itong may pasalubong sa mga magulang ni Minyang. Akala nina Tata Terong ay nililigawan ang anak na si Minyang. Subalit hindi ito nagtapat ng pag-ibig sa anak. Nakuha ni Diego ang tiwala ng pamilya. Isang hapon, humingi ito ng tulong kay Minyang upang samahang bumili ng palay sa mas mataas ng presyo. Maraming magsasaka ang nasisilaw sa presyo sumalit agad umayaw dahil kulang pa ang kanilang ani upang ipambayad sa utang kay Don Andres. Doo’y lumantad ang bulok na sistema. Naghasik ng bagong kaalaman si Diego sa ilang magsasaka. Ang iba’y tuluyang nagbenta ng ilang kaban labag man ito sa kasulatang ginawa ni Venancio. Ilang araw pagkatapos, may ilang magsasaka ang hiningan ng ilang kabang palay ng mga armadong di-kilalang lalaki sa bukid. Nagalit si Don Andres sa mga ito, inakalang pinagloloko lang siya ng mga magsasaka. Agad-agad inutusan ni Venancio si Baldo at kanyang mga tauhan upang magbantay sa bukid at sa mga magsasaka. Nalaman ito ni Felipe ang mga pangyayari sa bukid at ang plano ng kanyang Kuya Venancio na maglabas ng trilyadora. Pakiramdam niya’y mag-isa siya. Wala si Fidel, nasa Maynila. Wala si Minyang, alam niyang ito’y nagdaramdam. Naramdaman niya ang ganting gulos ng kung anong patalim, hindi sa puso, kundi sa kaluluwang moral ng kaniyang pagiging tao.


KABANATA 22

Kanino ang Duguang mga Kamay?


       Hindi napilit ni Felipe ang ama na pairalin ang partihang sitenta-treinta. Nagkaroon pa sila ng matinding pagtatalo dahil dito. Noo’y pinagbantay nga ni Venancio ang mga tauhan ni Baldo sa bukid subalit imbes na magbantay at magprotekta’y sila pa ang lalong pumiperwisyo sa mga magsasaka. Nasunog ang ilang mandala. Maraming nawalan ng palay. Nagkalat ang mga bote ng alak at mga lata. Nang mabalitaan ito ni Felipe ay agad itong umuwi upang kausapin ang kanyang Kuya Venancio. Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa. Umalis si Felipe. Lumapit ito sa kinauukulan upang sana’y humingi ng tulong subalit nabigo. Mas naging pabigat ang mga tauhan ni Venancio sa mga magsasaka. Noo’y nakakita ng pagkakataon si Venancio ang nabiling trilyadora kay Sah Kree. Si Sah Kree ay mahusay na negosyante. Nagkaroon ito ng kaso at naareglo naman ni Venancio na naging daan upang sila’y maging magkaibigan.Naging mabilis ang pag-ani gamit ang trilyadora subalit maraming nawalan ng trabaho tulad ni Mang Damaso na naggigiik. Isang araw, nasira ang trilyadora at pinagbintangan ang mga nawalan ng trabaho. Dinampot nila si Damaso at sinabi sa asawa nitong dadalhin ito sa pulis. Nagtungo nga sa Mela sa munisipyo subalit napag-alamang wala roon ang asawang si Damaso. Umiiyak na umuwi si Aling Mela. Hindi na nakita si Damaso. 

KABANATA 23

Sino ang Hahatol?


    Nanatiling mahiwaga ang pagkawala ni Mang Damaso. Wala nang nangahas na mareport sa pulis o sa munisyo. Sa ilang nagdaang gabi, nagulantang ang mga tao sa Lupang Pangako sa puta-putaking putukan. Hindi na bago sa kanila kung may mapatay. Agad nila itong inililibing. Isang gabi, nagtungo si Felipe sa bukid upang bantayan ang mga kabulastugang ginagawa ng mga tauhan ni Baldo nang makasagupa niya ang isang grupo ng mga lalaki. Kasama sa pangkat ng mga lalaking iyon si Mang Tomas. Isinama siya ng mga ito sa isang kubo na hindi na sakop ng di-maliparang uwak na lupain ng kanyang ama. Hindi sa iginapos o piniringan. Noo’y muling inungkat ng mga dumakip sa kanya ang kanyang pangako na aayusin ang anumang gusot sa Lupang Pangako. Doo’y nagkaroon ng mahabang diskusyon si Felipe at mga di-kilalang lalaki. Mula sa kung paano napalawak ni Cayetano Di-Masikil, ang kanyang lolo, ang limang ektaryang lupain nito gamit ang pandaraya . Inihayag ni Felipe na ang nilalaban ng mga ito pandarahas na siyang ginagamit nila ngayon.  Hinikayat ng mga ito na sumama siya sa kanilang pangkat. Subalit agad tumanggi si Felipe. Noo’y tinakot si Felipe at akmang papatayin subalit di kalauna’y pinalaya. Nalaman ni Venancio ang nangyari sa kapatid kay Baldo. Noo’y pinaghihinalaan si Felipe ng kanyang Kuya at ama na kasama siya ng mga taong-labas. Agad nagplano ang mag-ama. Gumawa ng pekeng testamento si Venancio sa lupang pain kay Felipe. Noong una’y nagtaka si Felipe sa biglang pagbabago ng ama. Umaasa sina Venancio at ng ama nito na masisilaw si Felipe sa lupaing ibinigay sa kanya. Na kapag naging maylupa na ay  magiging sakim na rin ito. 


KABANATA 24 

Dalisay ang Liwanag ng Apoy


    Kung ilalarawan si Venancio, siya ang nagmana ng katusuhan ng ama. Silaw sa salapi at kapangyarihan. Ang kanyang pagiging abugado ay nagbigay lamang ng kaalaman upang manamantala. Walang karanasan sa negosyo si Venancio hanggang sa makilala nito si Sah Kree. Doo’y iminungkahi ni Sah Kree na magtayo ng planta ng abono. Sinimulan nila ang paghahanap ng lupaing posibleng pagtayuan ng nasabing planta. Inalam ni Venancio ang mga may-ari ng lupa sa napupusuang lugar kung saan nila ninanis itayo yaong planta. Kasama roon si Mang Inte, ama ni Fidel. Pinaki-usapan ni Venancio, inalok ng napakalaking halaga subalit agad itong tumanggi. Marami ang natuwa nang malaman ang ipapatayong planta. Marami ang nagpayo na ipagbili na ito. Subalit nanindigan ang matanda. Isang gabi, pininsala ng mga tauhan ni Baldo ang tanim ni Mang Inte na sana’y aanihin na. Nag-aapura ang dayuhan na maipatayo na ang planta kung kaya’t nangngingitngit na rin si Venancio na mapapayag si Mang Inte. Noo’y inutusan siya ng ama upang alamin ang ginagawa ng kapatid. Akala nila’y magiging katulad na rin nila si Felipe. Kung kaya’t napanatag ang ama’t naisipang gawing totohanan ang pagpaparte ng lupa subalit nagimbal ang tusong mag-ama ng maibalita ni Tata Kiyel na ipinamigay lang ni Felipe lahat ng inani, maging ang mga utang ng mga ito’y pinatawad na. Agad na ipinatawag ng ama ang bunsong anak. Muling nagkasagutan. Noo’y nalaman ni Felipe na sinusubok lamang siya ng kanyang ama. Bago magtapos ang gabing iyo’y itinakwil na siya ng ama. Nagtungo sa bukid si Felipe. Dama niya ang kasiyahan ng mga magsasaka. Nagulat siya ng makarinig ng putok. Nakita niya ang walang buhay na katawan. Nalaman niya kay Dedo bago ito bawian ng buhay na kagagawaan ito ng mga tauhan ni Baldo.  Noo’y dumating muli ang dalawang lalaki, hinihikayat siyang sumama sa kanila. Hindi sumagot si Felipe. Natulala.


KABANATA 25

Ang Masaklap na Kabalighuan


    Tinotoo ni Felipe ang  pagpapalayas sa kanya. Palipat-lipat ito ng kubong tinutuluyan. Subalit di kalauna’y hindi niya masikmura ang kagandahang-loob kung kaya’t napasya muna itong pansamantalang tumuloy sa dating kubo ng pinaalis na si Tata Tomas. Minsa’y nagsadya si Asyong sa kubong tinutuluyan ni Felipe. Noo’y sinabing inakala ng ama nitong sumama na siya sa mga taong-langgam. Nalaman ni Felipe na sumama na si Asyong sa pangkat ng mga kalalakihang iyon. May sarili na siyang armas. Subalit tumanggi si Felipe nang muling anyayahan sumama sa kanila. Sa mga gabing sumunod, malimit magulantang si Felipe dahil sa mga yabag at putok. Wari’y nasanay na ang mga magsasaka sa mga ganoong pangyayari na siya namang ikinatakot ni Felipe. Natuto na ang mga ito na magsawalangbahala.  Isang hapon nang nakikigapas si Felipe, bumagsak ang malakas na ulan. Ang mga kasamahan nito’y sumilong maliban sa kanya. Kung kaya’t kinagabihan, siya’y gininaw at nilagnat. Naulinigan ni Mang Ibyong ang mga halinghing na likha ni Felipe. Marami ang nakiramay kay Ipe. Nalaman ni Minyang ang nangyari kay Ipe kung kaya’t madilim pa lang ay nagtungo na ito roon habang tulog ang kanyang ina. Nang magkita ang dalawa’y tila walang pagdaramdam ang isa’t isa. Inumaga ng uwi si Minyang. Pagdating sa bahay, napagsabihan ng ina sa kilos na ginawa. Noon ri’y biglang nauwi si Fidel, di para humingi ng panggastos, kundi dahil kinausap siya ni Attorney Di-Masikil. Nalaman ni Felipe na umuwi lamang ito upang kumbinsihin si Mang Inte na ipagbili na ang kanilang saka sa kadahilanang kailangan niya ng malaki-laking pera sa pagpunta sa Amerika. Pilit kinukumbinsi ni Felipe ang kaibigan na huwag ipagbili subalit wala na itong magagawa. Natakot si Felipe sa mga maaaring mangyari gayong nagtagumpay ang pagpapatayo ng planta. Maraming natuwa sa pag-asang uunlad na ang Lupang Pangako. 


KABANATA 26

Ang mga Alipin


   Agad na naipatayo ang planta. Ang bawat tao sa Lupang Pangako ay nagkakandarapang makapasok sa planta. Nagreregalo. Nakikiusap. Maging ang mga pinakamagagandang anak na babae pilit na ipinapapasok na mas nagustuhan ni Venancio. Noo’y di na natiis ni Felipe ang makikain o makituloy sa kubo ng ilang magsasaka kung kaya’t kahit masakit sa kaniya’y nilisan niya ang Lupang Pangako. Nakilala niya si Iton sa kabilang bayan. Agad silang nagtungo kay Don Felino. Malapit si Iton sa propitaryo kaya agad natanggap si Felipe. Nakita niya ang pagkakaiba ng pamamalakad ng ama kay Don Felino. Nang unang magtungo ito sa bahay ni Don Felino, nakita niya si Ester, ang asawa ng kanyang amo. Maganda. Napalapit rin si Felipe sa mga katulong doon. Napag-alaman niyang ang iba sa kanilang ipinambayad-utang lamang ng magulang upang manilbihan. Nakita rin ni Felipe ang kaibahan ng pagtatanim roon at sa Lupang Pangako. Araw-araw nagtutungo sina Felipe at Iton sa bahay ni Don Felino. Isang araw, naghahanda ang mga ito para sa nalalapit na kaarawan ng kanilang panginoon. Noo’y dinatnan nilang nagkakabit ng kurtina si Ester. Tinawag ng babae si Felipe upang tulungang magkabit ng mga kurtina. Inusisa ng babae ang binata. Napag-alaman ni Felipe na tulad ng ilang mga katulong, si Ester ay ipinambayad-utang lamang ng kanyang ama kay Don Felino.  Nasabi rin nitong mahigpit siyang pinababanyan kung kaya’t gustuhin man niyang umalis at tumakas ay hindi niya magawa. Hiniling ng babae na tulungan niya itong umalis roon. Subalit di nakasagot ang binata. Dumating si Iton kung kaya’t nahinto ang usapan ng dalawa. Nang gabing iyo’y di nakatulog si Felipe. Palaisipan sa kanya ang pagkamatay ng magsasakang kanyang pinalitan. May kaugnayan kaya ito kay Ester?


KABANATA 27 

May Lason ang Hangin


    Madilim-dilim pa lang ay naghahanda na ang mga kasama para sa kaarawan ni Don Felino. Napansin niyang pinakakatiwala si Iton ng kanilang panginoon. Pili ang mga panauhin. Sa kabuuan ng pagdirawang, ang ipokrasiya ng mga nagsipagdalo ay naroon. Sa pagdiriwang ay hindi nakita si Ester.  Pumasok sa loob ng bahay. Saglit itong nagmasid. Agad rin itong bumaba, nang mapadaan siya’y nakita si Ester sa isang silid. Tinawag siya nito. Pinasok sa silid. Nang masagot ang ilang katanungan ni Felipe ay nagpasya na itong lumabas subalit biglang yumakap si Ester. Nalulunod siya subalit nagunita niya si Minyang. Marahan niyang kinalas ang mga kamay ni Ester saka lumabas. Ang pagdiriwang ay umabot hanggang gabi. Habang napapahinga si Felipe sa ilalim ng punong akasya’y namataan niya ang paisa-isang pagpasong ng mga lalaki. Kinabahan si Felipe ng makilala niya ang mga ito. Noo’y lumapit ang mga ito sa kinaroroonan niya. Maya’t maya’y nakilala siya ng mga ito.  Di nagtagal, umalis rin ang mga ito para kumain. Lasing si Iton ng iuwi ng mga kalalakihan sa kubo. Kinabukasa’y agad nagtungo si Felipe sa kubo ni Iton. Noo’y binalaan siya nito na huwag na huwag niyang pakikialaman ang asawa ng kanilang amo. Sinukat ni Felipe si Iton saka ito nagpaalam na dadalaw sa Lupang Pangako. Araw ng Linggo nang magbalik si Felipe. Nagulat ito nang matanaw ang usok mula sa planta. Noo’y nagtungo siya sa tindahan ni Aling Barang kung saan naroroon ang ilang malapit na magsasaka. Sinalubong nila ito. Nagkamustahan. Nagkabalitaan. Ipinamalita ni Tata Terong, ama ni Minyang kay Felipe ang magandang dulot ng bagong bukas na planta. Marami ang nagpapasalamat sa pagkakatayo ng planta subalit duda si Felipe sa planta. Sana’y hindi totoo ang kutob niya. Sana’y magpatuloy ang pagbabangon ng Lupang Pangako.


KABANATA 28

Pagnanaknak ng Dating Sugat


       Maghapong naglagi si Felipe sa Lupang Pangako. Nang magdilim na’y nagbalik na ito sa kabilang bayan.Nagsimula na silang mag-araro ni Iton. Kitang-kita niya ang malaking pagkakaiba ng Lupang Pangako sa lupang pinagsasakahan niya ngayon. Mula sa lupang pagtataniman hanggang sa pamamahala ng may lupa, maging ang relasyon ng magsasaka sa kanilang amo. Napag-usapan nina Iton at Felipe ang bagong planta na abono. Subalit napansin ni Iton ang kawalang pag-asa ni Felipe para sa kanilang lugar. Naibunyag rin ni Iton na hindi nasusudo sa partehan si Don Felino kundi ang mga taong labas.  Nang matapos si Felipe sa paghahanda ng lupa ay saglit siyang nagtungo sa Lupang Pangako. Nakasalubong ang mga bata ni Primo na tila’y gusto siyang takutin. Sa paglalakad, naabutan niya ang ilang lalak na patungo sa kabaret. Sumama siya sa mga kalalakihang iyon upang mapatunayan kung meron nga. Nang mapadaan sila sa tabi ng planta, nakita niya ang maitim na tubig ng ilog. Nalula siya sa kalakhan ng planta. Nagtuloy siya sa gawing likuran. Napatigil. Napailing ito’t nagbalik sa ilog. Nang makadama ito ng pangungulila kay Minyang, agad itong nagtungo roon. Nag-usap ang dalawa. Nagpalitan ng kuro-kuro tulad ng palagi nilang ginagawa. May naisip si Minyang na paraan upang mapigil ang mga kababaihan na pumasok sa kabaret. Nais nitong magpatayo ng patahian, at pagawaan ng mga kagamitang pansaka subalit wala silang perang mapagkukuhanan upang ito ay masimulan. Di nagtagal ay nagpaalam na si Felipe.


KABANATA 29

Pamumuno ng Panganorin


        Noo’y nakapagtanim na si Felipe. Masayang pinuri ito ni Iton nang minsan itong maglibot sa mga saka. Nakausap niya rin Ester, isang araw nang magtungo siya kay Don Felipe, sinabi ng babae na gusto nitong pagselosin ang asawa upang palayasin gamit si Felipe. Bago manaog ang babae, binigyan nito ang binata ng isang baril upang may pananggol ito. Tinanggap ito sapagkat alam niya minamatyagan siya ni Iton. Nasabi rin ni Felipe ang nais nilang itayong panahian ni Minyang kay Ester upang makahiram ng ipupuhunan. Malugod namang sumang-ayon ang babae. Kinabukasa’y agad nagtungo si Felipe sa Lupang Pangako upang ipamalita kay Minyang. Subalit nang makarating ito sa bahay ng dalaga’y wala ito roon at tila may itinatago ang mga magulang nito. Agad itong umalis. Sumilong ito sa isang puno nang bumuhos ang malakas na ulan nang itinaboy siya ng isang armadong lalaki. Nagtungo siya sa kabaret upang doon sumilong nang makita niya si Mang Inte sa planta na itinataboy ng mga guwardiya. Akma nila itong babarilin ng inawat ito ni Felipe. Iniuwi niya ang basang-basang matanda’t tila giniginaw sa kubo nito. Binantayan ito ni Felipe hanggang sa magising. Noo’y napag-alaman niyang kinuha lahat ni Fidel ang perang pinagbentahan ng lupa’t hindi man lang sumulat sa ama ng mapadpad sa Amerika. Pagdating niya sa kabilang baya’y nadatnan nitong hinihintay ni Iton, tila inuusisa. Sinabi na lamang nitong naumaga siya ng uwi dahil sa kabaret. Agad naman nitong pinagsabihan ni Iton. Natulog si Felipe pagkarating dahil ito’y puyat.  Pagdilat nito’y mukha ni Ester ang bumungad. Nagtungo ang babae upang sana’y iabot ang perang hinihiram ng binata nang madatnan sila ni Iton. Kinagabiha’y walang kibuan ang dalawang lalaki. Muling binalaan ni Iton si Felipe tungkol kay Ester. Agad namang tumanggi si Felipe. Noo’y nag-aya si Iton na magtungo sa kabaret na sinang-ayunan naman ni Felipe. Nang magkarating ang dalawa’y agad na binigyan ng babae. Si Iton ay nakipagsayawan sa napiling babae samantalang kinausap lamang ni Felipe ang babae na si Mercy. Simula noo’y nawili si Iton sa kabaret. Isang gabi’y nagtungo muli ang dalawa. Kilala na si Iton doon kung kaya’t ang tanging inihaharap sa kanyang mga babae ay mga magaganda’t bago. Noong gabing iyo’y iniharap sa kanya ang pinakamaganda sa lahat. Nang makita ni Felipe ang babae, agad itong umurong. Nakita rin siya ng babae, halata sa mukha nito ang pagkagulat. Noo’y nagdahilan si Felipe kay Iton at agad lumabas. Nahalata ni Iton ang ikinilos ng kasama. Alam nitong kilala ni Felipe ang hinarap nilang babae sa kanya kung kaya’t lumabas na rin ito. Habang pauwi, di mapigilan ni Felipe ang mapalingon at mapailing sa nakita.


KABANATA 30

Ang Tala sa Kabaret


       Nang makita ni Minyang si Felipe sa kabaret, hindi maikakailang nagulat ito. Hindi niya inakalang magtutungo roon si Felipe. Ang hindi nito alam na inaya lamang ang binata ng kasama at lalong hindi alam ni Minyang ang layunin ni Felipe kung bakit siya nagtutungo roon. Dahil sa kagustuhan ni Minyang na maisakatuparan niya na ang balak na magpatayo ng panahian para sa mga kababaihan, ay lumapit na ito kay Venancio upang makahiram ng perang maaaring pampuhunan. Nangako si Venancio na pahihiramin ito ng pera subalit magsisilbi siya sa kabaret upang mabayaran ang halagang hiniram. Hindi siya isang belyas sa kabaret, isa siyang receptionist roon at kadalasan lamang siyang inihaharap sa mga good customer sa kabaret na madalas niya namang tinataguan.  Hindi siya nakikipagsayaw sa mga ito ni magpakita. Hindi siya pinayagan ng mga magulang subalit hindi siya nagpapigil. Nasabi nito sa ina ang pagkikita nila ni Felipe sa kabaret. Noo’y binalaan ng ina ang anak na mag-ingat. Masakit pa rin ang loob ni Felipe kay Minyang. Hindi niya matalos kung bakit pumasok siya sa kabaret. Bumaba ang tingin nito sa dalaga. Minsa’y sumalisi si Ester sa kubo ni Felipe, ipinaalala ng babae ang perang hinihiram ni Felipe subalit hindi pa nito tinanggap. Noo’y sinabi ng babae kay Felipe na maghihintay ito sa kanyang silid sa gabing iyon kaysa magtungo pa ito sa kabaret. Kinagabiha’y alam niyang naghihintay nga si Ester subalit hindi ito nagtungo roon. Isang hapon, mapilit si Iton na magtungo sa kabaret. Tumanggi naman si Felipe. Kinumbinsi niya si Iton na wala naman siyang masamang gagawin at hindi niya pakikialaman si Ester. Noo’y nagtapat rin si Felipe kay Iton sa kutob niyang may kaugnayan ang lalaking kausap sa mga taong-labas, na bihag ni ang kanilang among si Don Felipe. Natigilan si Iton at agad rin umalis. Noo’y di na nagtutungo si Felipe sa Lupang Pangako. Hindi pa rin sila nakapag-usap ni Minyang. Gabi-gabi’y mag bagong mga belyas. May mga dayuhang babae. Isang hapo’y nakausap niya si Leonida, noong una’y sa planta siya nagtatrabaho, pagkaraan ng ilang buwa’y pagkatapos babuyin at pagsamantalahan ni Venancio at Sah Kree saka inilipat sa kabaret upang doon na magtrabaho. Sinidlan ng kaba si Minyang. Kailangan niyang makausap si Ipe.


KABANATA 31

Sumasabog ang Dike


      Isang gabi, habang umuulan, tinawag ni Iton si Felipe sapagkat sumabog ang patubig. Napigil ang tuluyang pagsabog ng dike. Inabot sila ng hatinggabi at umuwi ng basang-basa. Kinaumagahan, madilim-dilim pa’y nagtungo si Felipe sa Lupang Pangako. Nais niyang makausap si Minyang. Noo’y nakasalubong sa daan si Isko sa bukid. Nabanggit ni Isko na tila tamad na siyang magsaka’t mapirmi na lang sa pagtatrabaho sa planta. Napag-alaman din ni Felipe na mahigit 10 oras silang nagtatrabaho’t walang dagdag-sahod, walang pahinga kahit pa magkasakit. Ikinagalit iyon ni Ipe. Nadaanan din niya si Ka Siano, naghuhuli ng isda sa ilog, malapit sa planta. Malimit na silang makahuli roon ng isda, maging palaka. Nang makita ni Ipe, ang dating kay linis ng tubg ng ilog, ngayo’y maitim na. Muling napailing si Ipe. Nadaanan niyang nagmumura si Mang Tura, ang lupa nito’y katabi lang ng planta. Nasabi ng matanda na nagkapeste ang kanyang mga hayop, ni hindi na sila makabuhay ng halaman. Sa pagmumuni-muni’y di niya namalayang nakarating na ito sa kubo nina Tata Terong. Kinumusta ang mag-asawa. Saka binalingan nito si Minyang. Sandaling kumustahan. Agad na nagpaliwanag si Minyang kung bakit siya napasok sa kabaret. Nasabi rin ni Felipe na may nahiraman na siya. Agad inusisa ni Minyang kung ang nagpahiram ay babae, may halong selos sa pagsasalita na agad namang pinawi ni Felipe. Nalaman rin ni Felipe ang perang nahiram ni Minyang kay Venancio at Sah Kree at ang kapalit nitong pagsisilbi sa kabaret. Natigilan si Ipe. Agad rin namang kinumbinsi ng dalaga na kaya niya ang kanyang sarili. Noo’y magaan ang loob ni Ipe nang lisanin ang Lupang Pangako. 

    Si Sah Kree ay anak ng dayuhan sa katulong na Filipina. Noong umpisa’y walang puhunan ng ama. Nag-ipon ito’y nagbukas ng isang tindahan hanggang sa napalago’t naiwan sa anak nang mamatay. Naging mautak ito sa pagpapalago ng kanyang negosyo. Mababa ang tingin sa mga Filipino. Nang makilala si Venancio Di-Masikil na namili ng trilyadora, noo’y kulang ang pera ng abugado’t nagkaroon sila ng usapan. Noo’y nagplano sila ng mga negosyong pwedeng pagkakitaan isa na ang naipatayong planta at kabaret. Agad nagtiwala ang abugado sa kaniya at ipinaubaya ang pamamahala sa mga ito sa akalang magaling ito sa negosyo. Isang araw, pumutok ang balitang humihingi ng dagdag-sahod ang mga nagtatrabaho sa planta. Nagkaroon ng welga sa harap ng planta na agad ikinabahala ng mga namamahala. Noo’y palihim na kumuha ng tauhan si Sah Kree sa Maynila upang makasiguro sapagkat di ito lubos na nagtitiwala sa abugado. 


KABANATA 32

Pagdiringas ng mga Yagit


      Nalaman ni Felipe ang welga sa Lupang Pangako kay Iton. Kinagabiha’y nagtungo si Felipe sa Lupang Pangako upang sana’y makialam. Sa di kalayuan sa planta, nakita niya ang kulumpon ng mga kalalakihan, may mga babae, maging mga bata. May mga lalaking nasa harapan. Doo’y nakinig siya sa usapan. Nagulat ang mga ito nang tumutol sa paggamit ng dahas upang malutas ang problema. Agad na nakarinig na di-pagsang-ayon ang mga magsasaka sa kanya. Nang di makumbinsi ang madla. Nagtungo ito sa planta upang kausapin ang kanyang Kuya Venancio subalit ito’y nabigo. Umuwing lupaypay ang binata. Agad itong inusisa ni Iton. Doo’y nagkaroon sila ng sandaling diskusyon ukol sa mga taong labas. Inamin rin ni Iton na alam niya na ang pagkatao ni Felipe na hindi naman itinanggi ng binata. Sa halip, inihayag niyang laban siya sa sistema ng ama at laban rin siya sa sistema ng mga taong-labas na gumamit ng dahas. Nagpatuloy ang pagpipiket. Patuloy ring nagmatigas si Venancio at Sah Kree. Sa hangaring makatulong si Felipe’y nagtungo ito kay Piskal Suarez, kahit pa batid nitong wala itong laban. Nakilala siya ng piskal kasama si Asyong at Doming. Noo’y pinakiusapan ni Felipe ang piskal upang gumawa ng hakbang nang malutas ang problema sa pagitan ng welgalista sa planta. Hindi naman tumanggi ang Piskal. Hinikayat ang mga kasama na hangga’t maaari huwag gumamit ng dahas. Subalit tila di niya ito mapipigilan. Kinagabiha’y nagtungo si Ester sa kubo ni Felipe. Inaaya nitong tumakas na sila sapagkat wala si Don Felino, maging sina Iton. Subalit mariing tumanggi si Felipe. Nangako ang binata na kukunin ang babae subalit hindi pa ngayon. Nanaog ang babae. Sumugod sa Lupang Pangako si Ipe nang malamang nabaril ang ama ni Fidel na si Mang Inte. Usap-usapa’y mapilit ang matanda na umakyat sa pader kung kaya’t binaril. Noo’y naging dahilan ang pagkamatay ng matanda upang gumamit ng dahas ang mga kasama. Isang gabi, habang naglalamay ang mga ito’y nakarinig ng putok. Agad na kumalat na may nabaril umano ng welgalista ang guwardiya na bumaril kay Mang Inte. Noo’y inutusan ni Iktor si Felipe na sulatan si Fidel upang ipaalam sa kanya ang pagkamatay ng ama.


KABANATA 33

Pagbabalik ng Alibughang Anak


        Namukod tangi ang paglilibing kay Mang Inte sapagkat halos sumama ang buong bayan. Kasunod ng kabaong ay ang anak nitong si Fidel kasama si Felipe. Inaalo ni Felipe ang kaibigan. Marami itong gustong sabihin. Gusto niyang sumbatan. Sinabi ng kaibigan ang pagsisising wala ito sa tabi ng ama nang mamatay. At wala na rin siyang balak pang magbalik sa Amerika. Sa libing, ang nangunguna ang mga welgalista, nilapitan ito ni Ipe upang sabihing igalang ang libing ng namatay. Sa araw ring iyo’y nagkainitan si Venancio at Sah Kree sa itaas ng gusali ng planta. Tila nagsisisihan at nagduduhan. Pinakikiramdaman ang isa’t isa. Isang araw, nasabi ni Venancio ang lahat ng saloobin kay Baldo. Noo’y maraming inihayag ang tauhan sa abugado. Maraming lihim ang nalaman ni Venancio na galing mismo sa tauhan ni Sah Kree, kung paano siya pinagdududahan ng dayuhan. Bago matapos ang usapan, nalaman niya ring si Sah Kree ang pumatay sa guwardiyang pumatay kay Mang Inte. Dahil sa nalaman, nanlamig si Venancio. 

        Noo’y di iniiwan ni Felipe si Fidel. Pagkapagsiyam ay nagtungo ang dalawa sa munisipyo, sa pulisya upang ungkatin ang kaso. Nangako ang mga pulis na magsasagawa pa ng imbestigasyon. Nang gabing iyo’y naghihimutok si Fidel sa pagkawala ng ama na agad namang inaliw ni Felipe. Nagsalaysal si Fidel ng mga karanasan sa Amerika, kung paano siya nahirapang makisalamuha sa mga puti, kung gaano kababa ang tingin nila sa mga katulad niya at kung paano siya nalulong sa bisyo. Labis na nagsisisi si Fidel sa kasalanang nagawa sa ama na tulad ng kwento ng alibughang anak. Noon ri’y nabalita ni Felipe kay  Fidel na nakakuha ito ng saka sa kabilang-bayan. Naisalaysay rin sa kaibigan ang  mga dahilan ng hidwaan nila ng ama subalit di niya binanggit ang namamagitan sa kanila ni Minyang. Maselan para sa kanya iyon kung maituturing. Isinama rin niya ang kaibigan sa kanyang kubo sa lupain ni Don Felino. Ipinakilala sa mga katulong, maging kay Ester. Tumanggi ang kaibigang kumuha ng saka roon. Ipinamalita ni Fidel sa mga taga-Lupang Pangako na ayaw niya nang ungkatin pa ang pagkamatay ng ama subalit labis na tumutol ang mga kasamahan nito. Minsang kinausap ang mga magsasaka’y ayaw papigil at tila may balak sa mag-amang Di-Masikil. Agad nagtungo si Fidel sa kubo ni Felipe upang ipaalam ang binabalak ng mga magsasaka. Agad nagbalik ang dalawa sa Lupang Pangako upang paki-usapan ang mga ito na huwag ituloy ang anumang binabalak laban sa ama at kapatid at susubukang kausapin ang mga ito. Kung mabigo’y bahala na ang mga ito sa nais nilang gawin. Agad ring natungo si Felipe sa kanyang kuya Venancio. Nagmatigas ito kung kaya’t binalaan na lamang niya sa posibleng mangyari. Nang malaman ni Fidel ang nangyari, agad na iminungkahi ni Felipe sa kaibigang magtungo sa Maynila upang humingi ng saklolo sa may kinauukulan roon. Agad nagtungo ang dalawa nang walang nakakaalam. Tatlong araw sila roon. Ngunit waring huli na ang lahat nang malaman ni Felipe habang pabalik sila sa nayon ang balitang patay na si Venancio Di-Masikil. Namutla. Nanghina si Ipe. Punong-puno ng katanungan. Tila nawalan ng saysay ang kanyang pakikipaglaban. Maya-maya’y umiyak na parang bata.



KABANATA 34

Pagtining ng Labo


    Lupaypay na inihatid ni Fidel si Felipe kina Minyang. Walang kibo’t tahimik. Nag-usisa ito kay Aling Salud, napag-alamang nakita ang bangkay ng kapatid sa bukid. Noo’y wala roon si Minyang. Ipinatawag raw ito ni Venancio kanina. Kung kaya’t muling nagtanong ang binata na kung patay na si Venancio, paano nito ipapatawag si Minyang. Inilahad ni Aling Salud na kani-kanina lang nila nalaman ang balitang patay na ang kuya nito. Kaya hanggang ngayo’y nag-aalala na ito para kay Minyang sapagkat hindi pa ito umuuwi. Tila wala sa sarili si Felipe. Maya-maya’y nagpaalam. Sinabing babalik ito sa kanyang kubo upang kunin ang baril nito na agad namang pinigilan ni Fidel. Kinalma ng kaibigan si Felipe. Nagtungo ang dalawa sa mga magsasakang pinaki-usapan nila noong mga nakaraang gabi. Sinabi ng mga itong wala silang kinalaman sa pagkamatay ng abugado. Subalit si Felipe’y di agad naniwala. Nadatnan ni Felipe na nakaburol na ang kanyang Kuya Venancio.  Nakita ang ama’t agad nilapitan upang magmano. Walang namagitang salitaan sa dalawa. Marami ang mga nakikiramay. Tulad ng nakaugalian. Dumating ang mga pulis na taga-Maynila kung saan sila humingi ng tulong. Nagtungo ito roon upang ipaalam na nakakalat na ang kanilang mga tauhan sa planta. Isang madaling araw nang makarining sila ng putok ay agad nagtungo si Felipe kasama ang mga armadong lalaki lulan ng dyip patungo sa planta. Nalaman nilang pilit tumakas ang dayuhan na may kasamang babae. Kinilala ni Fidel at Felipe na si Minyang iyon. Lumiliwanag na nang naabutan nila ang dalawang sasakyan. Agad nagtungo si Felipe sa kulumpon ng mga tao. Nakita nito si Minyang, punit ang damit at umiiyak. Nilapitan at niyakap. Nang madakip ang mga muntikang tumakas ay agad ring umuwi sina Felipe. Bago ilibing si Venancio, umamin si Sio Lay, alyas Sah Kree sa mga krimeng ginawa tulad ng pagpatay sa abugado at ang tauhan nitong si Baldo, maging ang di pagbabayad ng buwis, pandaraya at iba pa. Noon ri’y pinalitan lahat ang mga may katungkulan sa Lupang Pangako. Hindi na muling binuksan ang planta, sa halip ginawa itong paaralang pang-agrikultura na ipinangalan sa ama. Iyon ang pinakamasayang anihan sa Lupang Pangako. Masigla at masayang nag-aani ang bawat magsasaka. Naipatayo na rin ang patahian at pagawaan ng mga kasangkapan sa pamumuno ni Minyang. Ipinasara na ang kabaret. Hindi nakalimutan ni Felipe si Ester, ipinasakamay nito sa kanyang kaibigang si Fidel na kausapin si Don Felino na palayain ang babae. Ang katahimika’y unti-unti nang lumalatag sa Lupang Pangako. Ibinigay na ni Don Andres ang buong pamamahala sa kanilang lupain sa natitirang anak na si Felipe. Unti-unting ibinabalik ni Felipe ang ibang saka sa mga masigasig na magsasaka. Ang partehan ay naging sitenta-trienta na. Noo’y naunawaan na ni Don Andres ang punto ng kanyang bunsong anak na si Felipe.

IV.    MGA TAUHAN


  1. Pangunahing Tauhan:


  • Felipe - bunsong anak ni Don Andres at Donya Consuelo; tinaguriang tupang itim ng pamilya Di-Masikil; tumulong sa mga magsasaka mula sa maling pamamalakad ng sariling ama.

  • Don Andres - ama ni Felipe; ang kilalang propitaryo sa Lupang Pangako; pinakatuso at gahaman.

  • Don Consuelo - asawa ni Don Andres; namatay pagkatapos isilang si Felipe.

  • Primo - panganay na anak ni Don Andres; dating gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; utak sa pagpapatayo ng sugalan at kabaret.

  • Venancio - ikalawang anak ni Don Andres; humalili kay Primo nang pumanaw; inilarawang ‘duwag’ subalit nagtaglay ng katusuhan at katalinuhan bilang abogado.


  1. Sekundaryong Tauhan:


  • Minyang - kasintahan ni Felipe; ipinamalas ang kakaibang katangian ng babaeng palaban upang mahango sa kahirapan ang mga kababayan.

  • Fidel - anak ni Mang Inte; matalik na kaibigan ni Felipe; nalayo nang nag-aral sa Maynila at inalok ng trabaho sa Amerika.

  • Mang Inte - ama ni Fidel; tanging magsasakang may sariling pitak na lupain na napilitang ipagbili kay Venancio para sa anak; nasiraan ng bait di kalaunan.

  • Tata Tana - ang pinaka-iginagalang na matanda sa Lupang Pangako; ama ni Delfin na nagligtas kay Primo; ang pumatay kay Primo.

  • Baldo - ang pinaka-kanang kamay ni Primo; naging tauhan rin ni Venancio.

  • Sah Kree - Sio Lay; ang sakim na Tsinong nagpatayo ng pabrika ng abono sa Lupang Pangako; utak ng panlalamang sa mga manggagawa, pandaraya, panggagahasa at pagpatay sa kakutsabang si Venancio.

  • Kardo - asawa ni Saning; isa sa mga binawian ng saka ni Don Andres; nagmatigas na umalis kalauna’y ipinapatay ni Venancio.

  • Mang Kulas - dating magsasaka ng mga Di-Masikil, matapat at walang kuskos-balungos subalit may katandaan na; inutusang ipamalita sa mga kaanak ni Tata Tana na babawian ang mga ito ng saka.

  • Menchu - Carmen ang tunay na pangalan; ang dalagang taga-lungsod; ipinagkasundong ipakasal ng mga magulang kay Felipe.

  • Don Felino - ang propitaryo sa kabilang-bayan kung saan nakakuha ng saka si Felipe; bihag ng mga ‘langgam-bundok’.

  • Ester - ang dalagang ipinambayad ng utang ng mga magulang kay Don Felino; asa-asawa ng matanda; humingi ng tulong kay Felipe na itakas siya nito.

  • Iton - ang kanang-kamay ni Don Felino; nagpasok kay Felipe upang makakuha ng saka.

  • Mga Misteryong ‘Langgam-Bundok’ - mga kalalakihang pagala-gala upang maghasik ng kamalayan sa mga magsasaka upang maghimagsik at gumamit ng dahas.


  1. Pantulong na Tauhan:


  • Aling Masang - ang matandang kasambahay ng mga Di-Masikil bago at nang isilang si Felipe.

  • Gunda -  ang mangingilot na nagpaanak kay Donya Consuelo nang isilang si Felipe.

  • Magda - Ang dalagang tanging nagbabantay at nag-aalaga kay Felipe noong ito ay bata pa.

  • Tata Terong - ama ni Minyang.

  • Aling Salud - ina ni Minyang

  • Aling Barang - may sariling tindahan na palaging tambayan ng mga magsasaka.

  • Pikong- magsasakang napatay nang mangahas lumaban sa mga magnanakaw.

  • Erning - magsasakang napagbintangang nagnakaw ng kalabaw ni Tisyo.

  • Seny - dalagang biktima ng isa sa mga tauhan ni Primo; niligawan nang makuha’y naging belas sa kabaret.

  • Maldo - nanligaw kay Seny; tauhang lihim ni Primo.

  • Siyano - asawa ni Sitang; binawian ng saka nang napabayaan dahil pumasok sa kabaret ang asawa.

  • Aling Ingga - pinsan ni Tata Tana

  • Pining - anak ni Aling Ingga; ginahasa ni Primo.

  • Elena - kasama ni Minyang sa paghahanda sa bahay-asyenda.

  • Ka Tikong - albularyo

  • Teryo - ang magsasakang napatay ng mahuli ng mga tauhan ni Venancio dahil sa pagnanakaw ng palay sa kamalig ng bahay-asyenda.

  • Diego - binatang taga-karatig bayan; namimili ng mga palay; napagkamalang manliligaw ni Minyang.

  • Tsip Morales - hiningan ng tulong ni Felipe upang magbigay proteksiyon sa mga magsasaka laban sa mga armadong lalaki na sapilitang nanghihingi ng palay sa mga ito.

  • Mang Damaso - asawa ni Aling Mela; paggigiik ang hanap-buhay; pinagbintangang sumira ng trilyadora, dinakip at di na nakita pa.

  • Mercy - babaeng naka-usap ni Felipe nang minsan itong magtungo roon.

  • Leonida - anak ni Mang Igno, ginahasa ni Venancio at Sah Kree noong siya’y nasa pabrika pa, ipinunta sa kabaret at kalauna’y nawala.

  • Kiko, Pidyong, Merto at Abling - mga magsasakang kasama ni Felipe at Teryo upang kumuha ng palay sa bahay-asyenda. 

  • Inggong Talisayin, Pako, Mang Tomas - mga magsasakang binawian ng saka dahil sa kaugnayan kay Tata Tana.

  • Pekto, Asyong - iba pang tauhan ni Primo.

  • MGA MAGSASAKA

V.   TAGPUAN 


         Sa Lupang Pangako


VI.   PAKSANG-DIWA 


        Paglaya ng mga Magsasaka


VII.   ISTILO AT PAGKAMASINING 


            Tradisyunal ang naging istilo sa paglalahad ng istorya. Ang nobela ay sinimulan sa karaniwang panimula at sinundan ng mga pangyayaring kumplikado. Kapana-panabik ang daloy ng istorya kaya’t walang kababagutan na bahagi. Mahusay ang paglalarawan ng mga tauhan at mga pangyayari sa bawat kabanata. Mabisa ang pagputol ng bawat kabanata, maging ang mga maiikling salaysay sa huling talata ng mga ito na  nag-iiwan ng mga katanungan sa isip ng mambabasa pagkatapos basahin ang mga ito. Pili ang mga salitang ginamit na mas lalong nagbigay bisa upang kumital sa isip ng mga mambabasa ang mga pangyayari sapagkat ito’y nagpapakilos sa imahinasyon upang mas maramdaman at mapabilang sa panahon na pinangyarihan ng akda. 



VIII. PAGPAPAHALAGANG AYON SA NILALAMAN

 

  1. Kahalagang Sosyal at Pangkabuhayan


      Ang mga pangunahing tauhan ay nasa mataas na estado ng pamumuhay. Mga itinuturing na panginoon sapagkat nagmamay-ari ng malawak na lupain, kayamanan, koneksiyon, kaalaman at kapangyarihan na naging daan upang manamantala at mang-api ng mga kanilang magsasaka’t manggagawa. Maliban sa isa na si Felipe, bagama’t siya’y anak ng panginoon, hindi siya nasilaw sa mga pagmamay-ari ng kanyang ama bagkus nais niyang putulin ang mali at baluktot na sistema ng pamamahala ng ama sa mga ito, maging ang mga maling bisyo ng mga magsasaka upang kahit papaano’y umunlad ang mga ito. Tinulungan niya ang mga magsasaka upang maibalik sa kanila ang mga bagay na talagang kanila. Sa ganoong paraan, pinatunayan lamang ni Felipe na hindi lahat ng tao ay nasisilaw sa pera at kapangyarihan. 


  1. Kulturang Filipino

      

  •      Mabuting pagtanggap sa mga panauhin - ipinamalas sa akda ang kulturang ito ng mga Pilipino. Ang mga magsasaka, bagama’t kapos at naghihikahos ay awtomatikong maghahanap ng maihahanda o maibibigay sa panauhin. Tulad ng mamatay si Primo at nang makapasa sa bar exam si Venancio, ang mga ito’y kusang nagdala ng anumang madadala upang maihain sa mga bisita tulad ng mga pinakatatagong malagkit, pinatabang baboy o manok, sandamakmak ng gulay o prutas. 


  • Pagpapahalaga sa katayuan ng pamilya - inilarawan sa akda kung paano magpahalaga ang mga Pilipino sa kanilang pamilya. Una na sina Tata Terong at Aling Salud na lubos na iniingatan ang kanilang kaisa-isang anak na si Minyang, inilarawan kung paano siya inalagaan at pinapayuhan sa mga pinagdaraanan nito. Isa pa ang pamilya nina Tata Tana, hindi hinayaan ng matanda na palampasin ang ginawang panggagahasa ni Primo sa pamangkin nitong si Pining kapalit man nito ang kanyang sariling buhay. 


  • Pagiging masiyahin kahit sa gitna ng unos - isa sa mga pinakakilalang katangian ng mga Pilipino ang pagiging masiyahin. Inilarawan kung paano nagiging kuntento at nanatiling masaya ang mga magsasaka kahit sila’y kapos sa buhay. Makakain ng tatlong beses sa isang araw ay biyaya na para sa kanila. Kung paanong nag-aawitan at nagsasalo-salo kahit kaunti ang ani. 



  1. Simbolismong Filipino


  • KALABAW - Sa pamamagitan ng paggamit ng kalabaw ay naipakita ng akda ang pagiging Pilipino. Ito ay sumisimbolo sa kasipagan at katiyagaan ng mga magsasakang Pilipino. Tulad ni Pako (Kabanata 9), bagama’t maliit at sapat na pambayad utang lamang ang inaani, ipinamalas niya ang kanyang kasipagan at katiyagaan, inaabot pa ito ng gabi sa pag-aaaro’t pagtatanim. Halimbawa na rin si Felipe, ipinamalas ng binata ang pagiging masipag at matiyaga lalong-lalo na sa mga gawaing-bukid. Itinuturing man siyang iba ng ilang magsasaka dahil anak siya ng may-lupa, di ito naging hadlang upang ipakita ang pagmamahal nito sa lupa at sa mga magsasaka.


  • FELIPE - Si Felipe ay isang simbolismong Pilipino. Siya ay sumisimbolo ng tapang ng mga Pilipino. Tapang upang tumuligsa sa mga baluktot na sistema ng namamahala. Tapang na lumaban na walang gamit na dahas o armas. Tapang upang maipagtanggol ang kapakanan ng nakararami. Siya rin ay simbolo ng pag-asa. Ipinakita sa akda na minsa’y napanghihinaan ng loob ang binata subalit hindi ito naging hadlang upang tuluyang sumuko. Sa halip, mas umiigting ang kagustuhang makatulong. Siya rin ay simbolo ng katalinuhan, hindi man nakapagtapos ng kolehiyo, subalit hindi siya mangmang upang hindi itama ang pagkakamali ng kanyang mga tusong kapamilya.







  1. Kahalagahang Pangkatauhan

 

  •  “Ang digmaan, sa anumang anyo, ay isa ring ina. At tulad ng mababangis na hayop, pinapatay niya ang mga mahihinang anak, ang natitira’y malalakas.” (KABANATA 3)

  • Ang buhay ay isang digma. Digmaan ng prinsipyo, katotohanan, paninindigan at paniniwala. Marapat lamang na ang bawat isa’y maging handa at matibay lalong-lalo na kung may nais putuling maling paniniwala o sistema. Magkaroon ng tapang at lakas ng loob na ipaglaban kung ano ang tama at nararapat para sa nakararami kahit ibuwis pa ang sarili. Ang bawat pagkakadapa’t pagkabigo ay magtuturo sa iyo upang lalong tumibay at magpatuloy. Huwag magpadala sa kung ano ang idinidikta ng iba, ng mga kilala. Sapagkat sa huli, palaging nagwawagi ang tama’t mabuti. 


  • “Siyempre, lahat sa buhay na ito’y babayaran mo. May kapalit. Sa lagay, nagpakaligaya ka, ayaw mong maghirap pagkatapos?” (KABANATA 3) 

  • Matutong umiwas sa anumang uri ng bisyo. Ito ang nagiging sanhi kung bakit ang mga naghihirap ay patuloy na naghihirap. Ang iba’y umuutang subalit nilulustay pa ito sa kanilang bisyo dahil sa  “baka sakali…”. Nagiging sagabal ito sa pag-unlad ng isang tao kahit pa sabihing dibersiyon lamang. Inuubos ang oras, lakas at pera. Sinisira nito ang pamilya, kinabukasan ng mga kabataan at nagpapalaganap ng paggawa ng anumang krimen. Nababaon lalo sa utang na tila ba’y iginigisa sa sariling mantika. 


  • “Ang salop, kung apaw na, dapat kalusin.” (KABANATA 8)

  • Patunay na ang lahat ay napupuno. Ang mga taong naapi, sinamantala o sinakta’y nag-iipon lamang ng lakas ng loob upang maghiganti sa may sala. Hindi mo masisisi ang isang tao, kahit pa sa maling paraa’y naghiganti ito. Ang bawat tao’y may kapasidad na makapanakit at masaktan. Ang bawat tao’y may emosyon at pagtitimpi subalit kung paulit-ulit na, may kapasidad rin itong gumawa ng kahit anong paraan, maghimagsik lang.


  • “Karapatan ng tao na magpabuti ng kanyang sarili. Pero hindi karapatang hamigin mo ang karapatan ng iba…” (KABANATA 10)

  • Walang sinuman ang may karapatang manamantala, mang-api o manakit ng kapwa para lamang sa sariling kapakanan. Hindi masama ang pag-unlad, basta’t sa tamang paraan. Hindi masamang yumaman, ang masama, mahirap na nga, pinaihirapan pa.


  •   “Ang alipin ngayon, kapag naging panginoon bukas, ay baka maging higit na malupit na panginoon.” (KABANATA 11)

  • Ang buhay ay parang gulong. Minsa’y nasa ibabaw, minsa’y nasa ilalim. Mag-ingat sa mga inaapi, inaalipusta o hanggang maaari’y iwasan nang gumawa ng mali sa kapwa. Walang may alam ng bukas o sa susunod. Gamitin ng tama ang kapangyarihang tinataglay.


  • “... Habang alam kong nasa katwiran ako, hindi ako matatakot.” (KABANATA 22)

  • Matutong ipaglaban kung ano ang tama. Huwag matakot sa proseso ng pagtutuwid ng mga bagay na alam mong mali. Piliing ipaglaban ang katotohanan sapagkat gaano man kalakas ang kampon ng kasinungalian, sa huli’y tama ang nagwawagi.


  • “... Walang problemang di napag-uusapan ng mahusay. Nang tahimik. Mahirap iyang mainit ang ulo…” (KABANATA 25)

  • Walang gusot na di naidadaan sa magandang usapan. Matutong huwag gumamit ng anumang dahas sa paglutas. Maging maunawain, kalmado at mapagpasiyensiya. Huwag padalos-dalos ng desisyon at pasya sapagkat hindi maitutuwid ang pagkakamali ng isa pang pagkakamali. 


  • “... Alam mo na. Iyang mayayaman man e may hidwaan. Hindi mayaman at mahirap lang.” (KABANATA 27)

  • Ang salapi palaging nagkakaalit ang mga tao. Maraming nasisilaw sa salapi na kung madalas ay rason kung bakit may galit maging ang mga magkakapatid. Nabubulag ang mga ito sa halaga ng pera at isinasantabi ang kahulugan ng pamilya, pagkakaibigan at pakikisama. 


  • “Mahal ko ang lupa, kaya gusto ko’y maging malaya ito. Ito’y lupa natin, bigay ng Diyos sa atin, dapat nating pangalagaan.” (KABANATA 33)

  • Anumang bagay na ating pagmamay-ari ay dapat nating pangalagaan. Sinupin. Marapat na gamitin ito sa tama at nararapat na paraan para sa ikalulugod ng Maykapal. Matutong makuntento sa anumang biyaya na ating natatanggap at huwag nang mangamkam ng mga bagay na hindi naman para sa atin talaga.


  • “... Parang baha. Oho, parang tubig baha. Kailangan munang maminsala, para malinis ang lupa.” (KABANATA 34)

  • Maraming pangyayari sa ating buhay kung kailan naitatanong natin kung bakit kailangan pang mangyari ang mga iyon. Subalit ang mga ito ay may dalang mensahe, ito man ay isang pagpapala o pagtutuwid.  Ang lahat ng nangyayari sa mundo ay may dahilan.

  • NASA HULI ANG PAGSISISI

  • Ang lahat ng ibinato mo sa mundo’y babalik sa iyo nang may interes pang kasama. Maging maingat sa anumang bagay na ginagawa upang di magsisi sa anumang bungang kapalit nito. 

IX.   Pangkalahatang Puna at Mungkahi


               Sa kabuuan, mahusay ang pagkakalahad ng istorya sa nobela. Magaling ang awtor sa aspektong kaya nitong paganahin ang iyong imahinasyon upang lubos na maunawaan at maramdaman ang nais iparating ng kanyang akda. Bagama’t usaping lupa ang paksa, maikukumpara sa ilang pangyayari sa kasaysayan ng Filipinas, ay naging kapana-panabik para sa akin. Naging bago at nabuhay ang pagiging maalam sa usaping agraryo. Napasakay, naisama at naipunta ako ng awtor sa kung anuman ang layon nito sa pagsulat ng akda. 


              Nanghihinayang lamang ako sa ilang mga tauhang hindi lubusang nalinang sa istorya. Tulad na lamang ni Sah Kree, maraming katanungan at hindi naging malinaw ang kaugnayan nito sa mga nabanggit na krimen sa huling parte ng nobela. Isa pa ay ang katauhan ni Iton bilang kasapi ng mga rebeldeng kilusan, paanong napaiikot ng mga langgam bundok si Don Felino gayong makapangyarihan ito? Bakit hindi nakabangga ng mga armadong kasamahan ni Iton ang mga pulis o militar? Bakit hirap na hirap tumakas si Ester kay Don Felino? Napano si Menchu? Maraming naging palaisipan sa akin na maaari ko namang hanapan ng posibleng sagot subalit mananatili itong pagkukulang sapagkat ang mga ito’y hindi lubusang nalinang sa nobela. Sana’y napalawig pa ang ilang karakter upang mas mapaganda ang akda. Gayon pa man, isang malaking oportunidad ang makabasa na ganitong akda mula sa napakahusay na awtor. 


SINURI NI:
Binibining Diane
binibiningdiane17@gmail.com

Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL