KASAYSAYAN NG PANITIKANG FILIPINO

 Paksa: Kabanata I (Ang Panitikan at Kasaysayan):

  • Kasaysayan ng Panitikang Filipino

  • Mga Akdang Pampanitikan na Nagdala ng Malaking Impluwensiya sa Buong Daigdig


Layunin: Madalumat ang kasaysayan ng panitikan; at

matukoy ang mga akdang pampanitikan at impluwensiya nito.

 

Kahulugan ng Kasaysayan

Ayon sa lahok mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang kasaysayan, sa iskolastikong pananaw, “ay ang pag-aaral sa mga pangyayari ng nakalipas na panahon, lalo na ang mga kapakanang pantao.” Kung gayon, sa pamamagitan ng mga tala ay maaaring siyasatin ang nakaraan.

Kahulugan ng Panitikan

Sa pinakapayak na paglalarawan, ang isang panitikan o panulatan ay ang pagsulat ng tuwiran o tuluyan at pagtula na nag-uugnay sa isang tao. Subalit upang maipagkaiba ito mula sa ibang mga walang saysay na babasahin o patalastas lamang, ang mga panitikan ay ang mainam na pagsulat na may anyo, pananaw, at diwang nakasasanhi ng matagal na pagkawili at gana. Samakatuwid, may hugis ang mga ito, may punto de bista at nakapagpapahaba ng interes ng mambabasa ang isang sulating pampanitikan.

Ito rin ay ang pagpapahayag na kinapapalooban ng katotohanan o ‘di katotohanan at pagpapahayag sa paraang nagpaparanas sa bumabasa ng kaisipan at damdamin ng manunulat, at sa paraang abot-kaya ng mangangatha o manunulat. Sa panitikan nakakatalamitan ng isipan ng mambabasa ang isipan ng manunulat ng iba’t ibang panahon ng iba’t ibang bansa. Walang kamatayan ang panitkan at mapalad ang mambabasa sa kasalukuyan sapagkat nababasa niya ang iba’t ibang pagbabagong nagaganap di lamang sa daigdig na ginagalawan niya kundi sa daigdig ng nakalipas na panahon. Ito ay kinikilalang sangay ng estetika―sangay ng pilosopiya na siyang tumutugon sa tanong na, “ano ang sining?”

Sa kabuuuang pag-uuri, ang panitikan ay nahahati sa dalawa: ay piksiyon at di-piksiyon na mga akda.

Ang salitang panitikan ay hindi dapat maihambing sa salitang literatura. Bagamat pareho lang ang pagpapakahulugan, ang salitang “panitikan” ay mula sa wikang Filipino samantalang ang salitang “literatura” naman ay mula sa wikang EspaƱol.

Ang Panitikang Filipino

Ang Panitikang Filipino ay kalipunan ng mga naitalang likha ng mga Pilipino (nasa Pilipinas man o ibayong lugar), pasalita man o pasulat, na bunga ng karanasan sa pamumuhay sa lipunang Pilipino. Ito ay maaaring nilikha sa wikang EspaƱol o Wikang Filipino, at kahit sa wikang Ingles at Intsik na rin. 

Ayon naman kay Arrogante (2007), ang panitikan sa Pilipinas ay maaaring pangkatin sa dalawang paraan: ayon sa paghahalin at ayon sa anyo. Ipinakikita sa paghahalin ang paraan ng pagsasalin o pagpapamana ng panitikan sa susunod na lahi. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Pasalindila;

  • Pasalinsulat; at 

  • Pasalintroniko. 

Sa kabilang panig, ang uri ng panitikan ayon sa anyo ay kinikilala bilang pinakapangkaraniwan na pag-uuri sa panitikan. Dito nahahati ang panitikan sa tatlong anyo: 

  • Patula (Poetry);

  • Patuluyan (Prose); at 

  • Patanghal (Drama). 

Mga Dahilan Sa Pag-aaral ng Panitikang Filipino

Sa pag-aaral ng wikang Filipino ay nakakamit ang mga sumusunod (Kahayon, et al., 1989, p.23):

  1. Upang makilala ang kalinangang Pilipino, malaman ang ating minanang yaman ng kaisipan at taglay na katalinuhan ng lahing ating pinagmulan;

  2. Upang mabatid natin ang mga kaisipan sa ating panitikan at makapagsanay upang maiwasto ang mga ito;

  3. Upang matalos natin na tayo’y may marangal at dakilang tradisyon na nagsilbing patnubay sa mga impluwensya ng ibang mga kabihasnang nanggaling sa iba’t ibang mga bansa; at

  4. Upang ipamalas na tayong mga Pilipino ay sadyang minamahal at ipinagmamalaki ang ating kultura na siyang bahagi na rin ng panitikan sa pamamagitan ng lubusang pag-aaral nito.

Ang Mga Panahon ng Panitikang Filipino

Ang umusbong na panitikang Filipino ay kinikilala na nasa apat na siglong taong gulang subalit hindi maikakaila na may umiiral na uri ng panitikan na sa matandang panahon. Kung gayon, mababatid na ang panitikang Filipino ay kasintanda na rin ng mismong kasaysayan ng Pilipinas. Ang Panitikang Filipino ayon sa kasaysayan ng pagkakaunlad nito ay natatakda sa loob ng mga sumusunod na panahon:


  1. Ang Matangdang Panahon o Panahon ng Kaalamang-Bayan (simula―1565)

Ang panahong ito ang kinikilalang pinakamahabang yugto sa panitikan sa Pilipinas. Sa panahong ito, bawat kultural na pamayanan sa Pilipinas ay may katutubong wika. Binanggit ni Padre Pedro Chirino sa kanyang aklat na Relación de las Islas Filipinas (1604) na may sariling wika sa Pilipinas at may sistema din ng pagsulat na tinawag na Baybayin.

Pinaniniwalaang sa yugtong ito ay lumikha ang mga Pilipino ng pasalim-bibig na akdang pampanitikan upang tugunan ang mga “misteryo ng kalikasan” sa pamamagitan ng mga dahilan na walang siyentikpiko o medikal na paliwanag. Pinaniniwalaan din ang impluwensiyang Malayo-Indones sa yugtong ito.

Ilan sa mga halimbawa ng panitikan sa yugtong ito ay ang mga sumusunod:

  • Kuwentong Bayan

    • Epiko

    • Mito

    • Alamat

    • Salaysayin

    • Pabula

  • Karunungang Bayan

    • Bugtong at Palaisipan

    • Salawikain

    • Sawikain

    • Idyoma

    • Kasabihan

    • Bulong

  • Awitin o Kantahing Bayan

    • Oyayi o Hele

    • Ihiman

    • Dalit o Himno

    • Dung-aw

    • Kumintang

    • Kundiman

    • Ditso

  • Dulaang Bayan

  • Ritwal

  • Balak

  • Balitaw

  • Karilyo

  • Bayok

  • Pamanhikan


  1. Ang Panahon ng Kastila (1665―1871)

Sa yugtong ito ay nakatuon ang panitikan sa panrelihiyong tema gawa ng Kristiyanismo na ipinalaganap ng mga Kastila sa Pilipinas.

Sa panahong ito ay ipinakilala ang alpabetong Latin na gamit sa wikang EspaƱol, at ang paggamit ng balarila. Sa yugtong ito nagkaroon ng proseso ng paglilimbag lalo na ang mga aklat at sulating pangkatesismo, diksiyonaryo, at pambalarila.

Ilan sa mga halimbawa ng panitikan sa yugtong ito ay ang mga sumusunod:

  • Panitikang Pansimbahan

    • Mga Dasal

    • Parabula

    • Silabaryo

    • Dalit

    • Nobena

    • Mga Talambuhay ng Santo’t Santa

    • Mga Akdang Pangmagandang Asal

  • Panitikang Panulaan

    • Awit

    • Korido

  • Dula at Dulaan

    • Duplo

    • Karagatan

    • Pangangaluluwa

    • Tibag

    • Santakrusan

    • Moro-moro o Komedya

    • Senakulo

    • Pasyon

    • Pananapatan

    • Salubong

    • Panunuluyan

    • Sarsuwela



  1. Ang Panahon ng Propaganda at Himagsikan (1872―1898)

Kung sa panahon ng Kastila ay Kristiyanismo ang umiral, sa yugtong ito naman ay namayani ang pagiging makabayan at mapanghimagsik ang mga Pilipino.

Ang pinaka-mitsa ng yugtong ito ay ang pagbintang at pagbitay sa tatlong pari na sina Don Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (GomBurZa) noong Pebrero 28, 1872.

Ang kilusang propaganda ay may layuning:

  • Gawing pantay-pantay ang mga Pilipino at Kastila sa harap ng batas;

  • Huwag gawing lalawigan ng EspaƱa ang Pilipinas;

  • Ibalik ang pagkakaroon ng kinatawang Pilipino sa Korte ng Espanya;

  • Pairalin ang sekularisasyon sa mga parokya; at

  • Kalayaang p

    • pangkatauhan tulad ng pamamahayag, pananalita at pagtitipon.

    Sa panahong ito naging laganap ang mga sulatin na naghahayag ng kanilang mga kuro-kuro tungkol sa mga nakikita nila sa kapaligiran.

    Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang mga rebolusyonista ang nanguna at nagkaroon ng pagpapalit ng wika mula sa EspaƱol tungo sa wikang Tagalog. Nagkaroon din ng pagkamulat sa madla mula sa mga intelligentsia tungo sa masa (Balabar, 1989, p.25).

    Ilan sa mga kilalang manunulat sa panahong ito ay sina Herminigildo Flores, Marcelo Del Pilar, Graciano Lopez-Jaena, Jose Rizal, Antonio Luna, Jose Ma. Panganiban, Jose Palma, at Andres Bonifacio.

    Ang mga halimbawa ng panitikan sa yugtong ito ay ang mga sumusunod:

    • Panitikang Propaganda

      • Mga Nobela

      • Mga Pahayagan


    1. Ang Panahon ng Amerikano (1898―1941)

    Sa panahong ito ay mas nalinang ang wikang Ingles, EspaƱol, at Tagalog―pasalita, pasulat, at pagbasa.

    Pinasok ng mga manunulat na Pilipino ang lahat ng larangan ng panitikan tulad ng lathalain, tula, kwento, dula, sanaysay, nobela at iba pa. maliwanag na mababasa sa mga akda nila ang pag-ibig sa bayan at pag-asam ng kalayaan. Sa panahon ding ito nailathala ang babasahing Liwayway, pinatigil ang mga dulang may temang makabayan, at pinauso rin ang balagtasan katumbas ng debate.

    Ang mga halimbawa ng panitikan sa yugtong ito ay ang mga sumusunod:

    • Lathalain

    • Sanaysay

    • Maikling Kuwento

    • Dagli

    • Pasingaw

    • Anekdota


    1. Ang Panahon ng Hapon (1942―1945)

    Sa panahong ito ay nabalam ang umuunlad na panitikang Filipino at ipinagbawal ang wikang Ingles. Karamihan sa mga pahayagan at magasin gaya ng Tribune at Free Press ay ipinasara.

    Ang naging paksain sa mga akdang pampanitikan sa panahong ito ay ang buhay panlalawigan. Tinagurian ito bilang “Gintong Panahon” at naitatag ang Gawad Palanca na ginaganap taun-taon.

    Ang mga halimbawa ng napausbong na panitikan sa yugtong ito ay ang mga sumusunod:

    • Haiku

    • Tanaga

    • Dula


    1. Ang Kontemporaryong Panahon (1946―kasalukuyan)

    Masalimuot ang mga pangyayari sa panahong ito subalit ito ay nagbigay daan upang mas lalong umusbong ay panitikang Filipino. Ang dekada 50 ay nangako ng kasiglahan upang simulan ang kalayaan. Ang dekada 60 naman any panahon ng pagkabagabag at pagbibinhi ng aktibismo. Sa dekada 70 naman ay dumating nang tigmak sa dugo dahil sa politikal na gusot sa Pilipinas. Sa simula ng dekada 80 ay nagkaroon ng demokrasya na siyang dahilan kung bakit ang panitikang Filipino ay nasa kasalukuyang kinalalagyan nito: 

    • Namumulat ang mamayang Pilipino sa kahalagahan ng pambansang wika.

    • Mas mayaman na ang pinagkukunan ng paksang isinusulat; 

    • Malaki ang impluwensiya ng teknolohiya at agham;

    • Malayo na rin ang naaabot ng media;

    • Kahit sa mga telebisyon nagbabago na rin ang wikang ginagamit; at

    • Hindi lamang pamapanitikan ang uri ng salitang ginagamit ngunit mapapansin na may mga akda na gumagamit na rin ng pabalbal, kolokyal at lalawiganin.

    Ang mga halimbawa ng napausbong na panitikan sa yugtong ito ay ang mga sumusunod:

    • Dulang Musikal

    • Opera

    • Flip-top

    • Spoken Poetry

    • Paggawa ng Blogs

    Ang mga simusunod naman ay ilan sa mga samahang naitatag para sa panitikang Filipino at Ingles:

    • Taliba ng Inang Wika (TANIW)

    • Kapisanan ng Diwa at Panitik (KADIPAN)

    • Kapisanan ng mga Mandudulang Pilipino (KAMPI)

    • Philippine Writers Association

    • Dramatic Philippines

    • Philippine Educational Theater Association (PETA)

    • Arena Theater

    • Barangay Writer’s Guild


    Mga Akdang Pampanitikan na Nagdala ng Malaking Impluwensiya sa Buong Daigdig

    1. Bibliya o Banal na Kasulatan - naging batayan ng pananampalataya ng mga Kristiyano. Mula sa Palestina at Gresya.

    2. Qu'ran na nagmula sa Arabya - banal na aklat ng mga Muslim.

    3. Uncle Tom's Cabin ni Harriet Beecher Stowe ng Estados Unidos - nagbukas ng kaisipan ng mga Amerikano sa kaapihan ng mga lahing itim at pinagsimulan ng pandaigdig na paglaganap ng demokrasya.

    4. Iliad at Odyssey ni Homer ng Gresya - kinatutuhan ng mga alamat at mitolohiya.

    5. Divina Comedia ni Dante ng Italya - nagpapahayag ng pananampalataya, moralidad at pag-uugali ng mga Italyano sa kapanahunang yaon.

    6. Canterbury Tales ni Chaucer - naglalarawan ng mga kaugalian at pananampalataya ng mga Ingles.

    7. Aklat ng mga Araw ni Confucius - naging batayan ng pananampalataya at kalinangang Intsik.

    8. Isang Libo't Isang Gabi - naglalarawan ng pamumuhay ng mga tao sa Arabya at Persya.

    9. El Cid Compeador - tumatalakay sa kasaysayan ng Espanya at naglalarawan ng katangiang panlahi ng mga Kastila.

    10. Awit ni Rolando - nagsasalaysay ng panahong ginto ng Kristiyanismo sa Pransya, napapaloob dito ang Ronces Valles Doce Pares ng Pransya.

    11. Aklat ng mga Patay - tumatalakay sa mitolohiya at teolohiya ng mga mamamayan ng Ehipto.

    12. Mahabharata - ipinalalagay na pinakamahabang epiko sa buong mundo na tumatalakay sa pananampalataya sa India.

     

    Mga Sanggunian


    ALMARIO, VIRGILIO, punong editor. UP Diksiyonaryong Filipino, Binagong Edisyon. 

    Quezon City―UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2009.


    The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), nasa wikang Ingles. 

    Grolier Incorporated, 1977, ISBN 0-7172-0508-8


    ___. CCP ENCYCLOPEDIA OF Philippine Arts, Vol. 9


    ARROGANTE, JOSE. Mapanuring Pag-aaral ng Panitikang Filipino. 

    National Bookstore, Manila, 1991.


    ARROGANTE, JOSE. Panitikang Filipino: Pampanahong Elektroniko, Binagong Edisyon. 

    National Bookstore, Manila, 2007.


    LALIC, ERLINDA, et. al. Ang Ating Panitikang Filipino. Trinitas Publishing Inc., Bulacan, 2004.




Comments

Popular posts from this blog

GENERAL EDUCATION - TEST DRILL